Napatingin siya sa bandang ibaba ng makitang isang matandang lalaki ang naglalakad doon. Biglang naalala ni Andie ang Lolo Julio niya. Kaya kinuha niya ang cellphone at tumawag sa ina.

"Hello Ma," bungad niya pagsagot.

"Andrea, anak! Kumusta ka na?"

"Ayos naman po. Nandito na ako kila Imee, umalis na kanina 'yung mga kasama ko sa trabaho," kuwento niya.

"Ganoon ba? Eh kumusta naman diyan sa bahay ng pinsan mo? Mabait ba 'yung asawa niya?"

"Opo, huwag kayong mag-alala. Asikaso po nila ako dito," sagot niya.

"Mabuti naman kung ganoon."

"Kumusta na po kayo diyan?"

"Ayos naman kami, huwag mo kaming alalahanin dito. Ang Papa mo, nasa trabaho pa. Si Makoy naman kakatext lang, pauwi na daw siya," kuwento ng ina.

"Eh si Lolo Julio po?"

"Naku ayun, nasa harap ng tindahan ni Aling Dolor at naglalaro ng chess kasama ang kumpare niya!"

Natawa si Andie.

"Naku, buti nga at nalilibang! Noong mga unang araw na wala ka, tanong ng tanong kung tumawag ka na daw," kuwento pa ng Mama niya.

"Sabihin ninyo sa kanya na huwag akong alalahanin dito. Mamaya Ma, mag-iwan kayo ng message sa chat. Para makapag-video call kami ni Lolo," sagot niya.

"Naku hindi na, tumawag ka na lang saglit. Baka mabuking pa tayo na wala ka sa Macau. Alam mo naman itong Lolo mo, kahit Eight-five years old na, matibay pa eardrums niyan."

"Sige po,"

"Basta mag-iingat ka diyan, anak. At mag-enjoy ka, huwag mo kaming masyadong alalahanin dito," bilin pa ng Mama niya.

"Okay Ma. Thank you, I love you Ma."

"I love you din, anak!"



HABANG nagdi-dinner ay puno sila ng tawanan at usapan. Hindi naman nahirapan si Andie na kausapin si Hitoshi dahil kahit paano ay marunong itong mag-english. Kapag nagja-japanese naman ito ay tina-translate ni Imee o Reiji para sa kanya.

"Andie, you want to stay here in Japan for good?" tanong sa kanya ni Hitoshi.

"Huh?"

Nagkatinginan silang dalawa ni Imee.

"Kasi girl, may balak si Hitoshi na magtayo ng business next year. Ang totoo iyon ang inaasikaso namin nitong mga nakaraan buwan. Gusto niya kasing pumasok sa Real Estate business. Naghahanap kami ng mapagkakatiwalaan na magiging staff namin. Ikaw agad ang naisip ko, tutal din naman, pangarap mong tumira dito sa Japan. Kaya sa tingin namin, ito na 'yung chance mo," paliwanag ng pinsan niya.

Nakaramdam ng saya si Andie. Tama ang sinabi nito, iyon na ang chance at katuparan ng pangarap niya. Kapag doon siya sa Japan nagtrabo, mas malaki ang magiging kita niya at tuluyan na nilang mabibili ang lupa na kinatatayuan ng bahay nila. Hindi pa kasi sa kanila iyon at hanggang ngayon ay nagbabayad pa rin sila sa bangko. Kay Lolo Julio talaga ang lupang iyon, ang kuwento ng Mama niya, nagkaroon daw ng problema noong pinagbubuntis siya nito. Kaya naman kinailangan nila ng malaking halaga. Ang lupang iyon ang binenta ng Lolo niya sa bangko para may pangbayad sa ospital. Makalipas ang limang taon, kinausap ng Mama niya ang bangko na pinagbentahan ng lupa at nais bawiin iyon. Dahil wala naman silang pera na kasing laki ng presyo at interes ng bangko. Kaya hanggang ngayon ay nagbabayad pa rin sila. Pangarap ng Lolo niya na tuluyan ng mabayaran ng buo ang lupa para maibalik na sa pangalan nila iyon. Pero bigla siyang nalungkot matapos maalala ang siguradong hindi papayag ang kanyang Lolo kapag nalaman na magtatrabaho siya sa Japan.

Expat Huntress Series 2: Kinō, Kyō No Ai (Yesterday, Today's Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon