Muli

163 2 0
                                    

Magkasintahang bumili ng siopao, patay sa pamamaril.
Jose Maliwanag

Kawit, Cavite- Patay sa pamamaril ng mga pulis ang magnobyong bumili lang ng siopao sa isang convenience store sa Brgy. Balsahan noong Martes, Hunyo 11.

Parehong dead on the spot ang mga biktimang kinilalang sina Maine Mercado, 25, na nagtamo ng tama sa ulo at ang nobyo nito si Agabas Masilag, 27, na mayroong sampung tama sa likod.

Ayon sa kapitan ng barangay na si Tony Perez, maaaring may kinalaman sa droga ang nangyari. Kilala umanong tulak ng ipinagbabawal na gamot si Mercado. Posible rin daw na nadamay lang sa pamamaril ang nobyo nito.

Base sa narekober na CCTV footage sa lugar, bandang ala-una ng madaling-araw nang makita ang dalawang magkahawak-kamay na lumabas mula sa convenience store. Hindi pa man gaanong nakalalayo, makikita na ang pagdating ng isang patrol car. Mula roon ay bumaba ang dalawang pulis na mabilis na naglabas ng baril.

Maya-maya pa'y makikita ang pagpapaputok ng mga ito. Unang tinamaan si Mercado na kaagad namang nayakap ni Masilag. Iniikot ng lalaki ang nobya sa kabilang direksiyon na siya namang naging dahilan upang siya ang makasalo ng mga sumunod na bala.

Nang makumpiramang patay na ang dalawa ay saka naman mabilis na umalis ang mga suspek.

Ayon sa hepe ng Kawit Police District na si Chief Insp. Harry Montes, kasalukuyan nang iniimbestigahan ang insidente.

*

Misteryosong pagkawala ng bangkay, naghatid ng kilabot.

Jose Maliwanag

Kawit, Cavite- Matinding kilabot daw ang naranasan ng tauhan ng punerarya nang mawala ang bangkay na isang linggo na umanong nasa morgue noong umaga ng Huwebes, Hunyo 20.

Ayon sa pahayag ni Lito Reyes, 20, nagtaka umano siya na wala na sa kinalalagyan ang bangkay ni Agabas Masilag kinaumagahan. Matatandaang si Masilag at ang nobya nito ay nasawi sa pamamaril noong Hunyo 11. Aniya, walang bakas na may pumasok sa loob. Nakakandado rin umano ang pinto nang siya ay dumating.

Kasama ang may-ari ng punerarya, sinuyod nila ang Brgy. Tramo kung saan itinuturong nangupahan si Masilag. Nang kanilang tanungin ang mga kapitbahay kung may kilala silang kamag-anak ni Masilag, negatibo ang naging sagot ng mga ito. Wala umanong nakakikilala sa pamilya ng lalaki dahil isang taon pa lang itong naninirahan sa lugar. Hindi rin umano ito madalas na makihalubilo sa mga ito.

Sa tulong ng landlady ni Masilag, napasok ang tinirahan ng lalaki. Tumambad sa kanila ang malinis at maayos na loob ng bahay. Animo'y walang tumira roon dahil bukod sa isang pirasong papel sa sahig, wala ng iba pang bakas na nagkaroon ng tao roon.

Narito ang isang bahagi ng liham na nagpatindig umano sa kanilang balahibo,

"Nalalapit na ang kaganapan ng sumpa kung kaya't hindi ko inihihiwalay ang sarili kay Maine. Nais kong siya'y mailigtas. Ibig kong mabali ang sumpa at makasama siya sa aking pagtanda. Ngunit kung hindi man pahihintulutan ng tadhana, ako'y mabubuhay sa ibang panahon upang muling subukang umibig at umasang sa pagkakataong iyon, makakamit ko na ang kaligayahang ipinagkakait sa akin".

Round 2: The Wordweavers vs. Sweetest S.I.NWhere stories live. Discover now