Sa isang pangkaraniwang panahon at pangkaraniwang lugar, naririto akong isang pangkaraniwang nilalang. Sa dinarami-rami ng tao sa mundo, nagkataon man o itinakda, ay isa lamang akong indibibwal na may layong makapag-kwento. Isang kwentong walang halong chismis pero di matukoy kung ito ba ay hango sa katotohanan. Sa dami at haba ng oras na hawak natin, ngayong oras, minuto, at segundong ito ay nababasa mo ang panimula ng isang kwento. Sa pinagkalawak-lawak ng ating planeta ay napunta sayo ang pribilehiyo na mapunta sa mga kamay mo ang kumpol ng papel na naglalaman ng simpleng kwento na sana’y makarating sa puso ang pinupunto. Sa dami ng taong naninirahn sa mundong ibabaw, ikaw mismo ang tatanungin ko…Gusto mo ba marinig ang dala kong kwento?
Bilang panimula, ipapakilala ko ang isang lalaki. Isang lalaki na mas mahalaga ang kanyang gampanin sa kwento para bigyang pansin pa ang mabigyan ng panagalan. O maaaring wala talagang pangalan na babagay sa kung ano mang klase ng tao ang lalaking ito. O baka naman tinatamad lang magbigay ng pangalan ang katangi-tanging awtor na naghayag ng storyang ito.
Anyway, back to the topic, ang lalaking ito ay simple lamang ang kasuotan at naglalakad siya patungo sa kung saan man siya dalhin ng kanyang mga paa. Kakagising lang niya at nais niyang magpahangin. Habang siya ay naglalakad, nakasalubong niya ang isang babae. Nag-iisa...at tila mas gusto niya na wala syang kasama. Nakaupo lang ito sa mga upuan na nakalagay lang sa bangketa. Siguro ay naghihintay lang ng masasakyan o kaya ay pinagmamasdan lamang ang mga tao. Wala naman masyadong sasakyan ang nadaan ngayon. Maluwag ang daan at tama lang dahil maaga pa naman. Dulot siguro ng kuryosidad at angking ganda ng babae ay lumapit ang lalaki.
Simple lang naman ang babae. Wala itong masyadong abubot sa katawan. Pero makikita mo ang kaputian nito at halos perpektong mukha. Nang lumapit ang lalaki ay napagtanto niyang may mas maigaganda pa pala ito sa malapitan. Napansin din niya agad na may katabi pala itong itim na pusa. Hindi niya ito pinansin at tuluyang lumapit sa kinaroroonan ng babae. Hindi nagkalaon ay nagsimula siyang makipag-usap. Nakipagkilala. Nakipag-kaibigan.
"Maganda ang araw ngayon." sabi ng lalaki. "Maliwanag ang sikat ng araw pero malamig ang hangin. Ang sarap magpahinga. Bagay lang...tag-init kasi ngayon." dagdag pa nito. Malawak ang ngiti ng lalaki habang sinasabi ito. Hindi siguro mapigilan ang saya at inaakalang nakapag-chix siya.
Gumalaw ang pusa at nahiga sa hita ng babae. Natuwa naman siya at hinimas pa ang balahibo ng pusa. Nakangiti ang babae pero hindi uto umabot sa mata. Nagtaka naman ang lalaki. Tapos bigla namang nagsalita ang babae, "Oo nga...maganda. Pero ayoko. Ayoko sa summer." May halong lungkot ang pagsasalita niya pero pinipilit ngumiti.
Tumayo bigla ang pusa at umalis sa hawak ng babae. Dahil dito ay napatayo rin ang babae at hinabol ang itim na pusa.
Ang hindi nila alam, ang kaninang berdeng ilaw para sa mga tatawid ay biglang naging pula. Kulay pula na sa tingin ng lalaki ay kasing kulay na ng dugo na unti unting kumakalat sa kalsada. Rinig na rinig ko ang sigaw mo nuong bigla kang nabundol ng isang truck. Sigaw na tila hinihila ako pabaon ng lupa.
Sa malayo ay may naririnig akong tawa. Mahinang tawa pero nakakapanindig ang balahibo. Tila sinasabi saakin na "...totoo to! HAHAHAHA..."
Sa sandaling iyon ay tila umikot ang lahat. Umikot sa paraang pabaliktad at paatras. Sa paraang hindi makatotohanan at tila ibinabalik ang oras.
Nais ko sana ulit ipakilala sainyo ang ating tauhan. Isang lalaki. Isang lalaki na kumpara kanina ay tila nawala sa katinuan. Kasalukuyan siyang naglalakad. Patungo saan? Sa kung saan man siya dalhin ng kanyang mga paa. Alam mo na ba?
Patuloy siyang naglalakad habang iniisip kung ano ang nangyari. Ito ba ay sa kanyang isip lamang? Pilit niyang inaalala ang mga bagay sa kanyang isip na para bang unti unting kinakain ng kawalan hanggang sa mawala na ng tuluyan. Napabalik siya sa katinuan nung may dumali sa kanyang paa na malambot na bagay. "..meooowww..", ungol ng isang itim na pusa na siyang dumali sa kaniya.
Napatigil siya sa paglalakad at pinagmasdan ang naglalakad na pusa patungo sa may upuan sa bangketa. Itim na pusa? Saan ba niya ito nakita? Sa dinami-rami ng itim na pusa sa mundo...ano ba naaalala niya?? Habang sinusundan ng tingin ang pusa ay nakita niya na may nakaupo pala sa upuan na nasa may bangketa.
Isang babae na nag-iisa. Tila nagiintay ng masasakyan o kaya pinagmamasdan ang mga dumaraan. Nanakit bigla ang ulo nung lalaki. Ang weird lang. Bakit parang napaginipan na niya ang babaeng ito na kasama niya dati? panaginip ba ito??
Nilapitan niya ang babae. Nahihiya man pero pinilit niya ang sarili na lakasan ang loob at kausapin ang babae. "Uhm, miss...may pupuntahan ka ba? Ihatid na kita. Delikado kasi diyan." pagpipilit ng lalaki. Naguluhan naman ang babae pero tumayo din siya nung hinawakan na ng lalaki ang kamay niya. Sa sandaling maglalakad na sila paalis, sumigaw ang mga taong nakapaligid at tumuro sa taas.
Galing sa taas, biglang bumulusok pababa ang isang mahabang bakal. Nanlaki ang mata ng lalaki at sumakit ang puso nang makita niya harap-harapan kung paano ito tumusok sa katawan ng babae. Tulad nung una...ang sigaw ng babae na puno ng sakit ang umaalingawngaw sa pandinig ng lahat. Tumulo ang mga luha ng lalaki at nanghihinang napaluhod sa harap ng katawan ng babae.
...at tulad rin nung una ay nandiyan ang isang mahinang tawa. Pero hindi tulad ng dati ay nakikita na ng lalaki ngayon ang imahe ng tumatawa. Maliit na usok na itim na unti-unting lumalaki at nagiging hugis tao. Ngumisi ito at tuwang tuwa pa na makitang duguan at walang buhay ang babae. "...ito ang katotohanan...tanggapin mo..."
Bago nawalan ng malay ang lalaki ay nakita pa niya na parang nakangiti pa ang babae sa kanya. Ngiti na masaya at umaabot sa mata.
Paulit-ulit lang ang nangyayari. Alam na naman iyon ng lalaki. Kung pwede lang ikumpara na parang ilang dekada na siyang paulit-ulit na nangyayari. Paikot-ikot lang ang tadhana ng babae at lalaki. Laging sa huli, nasasawi ang babae. At laging sa huli, nandiyan pa ang mahinang tawa na pinaparamdam pa lalo sa lalaki ang sakit at pinipilit tanggapin na ito ang realidad. Pero ngayon, ngayon araw na ito ay dapat hindi na. Halos maituring na normal na araw lang ang paulit-ulit na pangyayaring ito. Pero iba ang nasa isip ng lalaki. Kailangan ngayon, magawa na niya.
Biglaan nalang, habang muling nagkakita ang babae at lalaki, biglang hinila ng lalaki ang babae palikod at siya na mismo ang tumalon sa kalsada.
Sa oras na iyon ay naramdaman na rin sa wakas ng lalaki ang mga sakit na dinadas ng babae sa paulit-ulit na araw nila. Naramdaman ng lalaki ang sakit ng mabangga. Ang katawan na ng lalaki ay pilipit at halos maubusan na ng dugo pero ang nasa isip pa rin niya ay ang babae at ang mahinang tawa. Masaya ang lalaki na sa wakas ay nailigtas na niya rin ang babae.
Kung maririnig pa rin niya ang mahinang tawa galing sa itim na usok, siguro ay normal pa rin itong araw. Siguro ay katulad pa rin ito ng mga nakaraang araw na paulit-ulit parabg sirang plaka. Pero hindi.
Ang normal na araw-araw ng lalaki ay natigil.
Isang araw, may isang babae na naglalakad patungo sa kung saan man siya dalhin ng kanyang mga paa. Sa hindi malaman na dahilan, may tumulong luha sa kanyang pisngi. Tuloy-tuloy ang patak nito at para banag walang balak tumigil. Halos sabunutan na ng babae ang sarili niya sa kakaisip na, "...hindi ko na naman siya nailigtas..."
Ngayon, bilang aking mambabasa, nalaman mo ba ang aking pinupunto??
end
