Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas [1987]

15.1K 29 6
                                    

Panimula

Kami, ang nakapangyayaring sambayanang Pilipino, na humihingi ng tulong sa Makapangyarihang Diyos, upang bumuo ng isang makatarungan at makataong lipunan at magtatag ng isang Pamahalaan na kakatawan sa aming mga mithiin at mga lunggatiin, magtataguyod ng kabutihan ng bawat isa, mangangalaga at magpapaunlad ng aming kamanahan, at titiyak para sa aming sarili at angkanang susunod ng mga biyaya ng kalayaan at demokrasya sa ilalim ng pananaig ng batas at ng pamamahalang puspos ng katotohanan, katarungan, kalayaan, pag-ibig, pagkakapantay-pantay at kapayapaan, ay naglalagda at naghahayag ng Konstitusyong ito.

Artikulo I: Ang Pambansang Teritoryo

Buod: Itinatakda sa Artikulo I ang saklaw at sakop ng pambansang teritoryo ng Pilipinas; kabilang ang mga kalupaan, katubigan, at himpapawirin. Bahagi rin ng panloob na karagatan ng bansa ang mga karagatan na nakapaligid, nakapagitan, at nag-uugnay sa mga pulo ng Pilipinas (batay sa Archipelagic Doctrine).

Ang pambansang teritoryo ay binubuo ng kapuluang Pilipinas, kasama ang lahat ng mga pulo at mga karagatan na nakapaloob dito, at lahat ng iba pang mga teritoryo na nasa ganap na kapangyarihan o hurisdiksyon ng Pilipinas, na binubuo ng mga kalupaan, katubigan, at himpapawirin nito, kasama ang dagat teritoryal, ang lalim ng dagat, ang kailaliman ng lupa, ang mga kalapagang insular, at ang iba pang mga pook submarina nito. Ang mga karagatang nakapaligid, nakapagitan at nag-uugnay sa mga pulo ng kapuluan, maging ano man ang lawak at mga dimensyon ay nag-aanyong bahagi ng panloob na karagatan ng Pilipinas.

Artikulo II: Pahayag ng mga Simulain at mga Patakaran ng Estado

Buod: Binubuo ang Artikulo II ng 28 seksyon na nahahati sa dalawang bahagi – ang balangkas ng mga simulain at mga patakaran ng Estado. Kabilang sa mga simulain ang sumusunod: na Estadong republikano at demokratiko ang Pilipinas; na itinatakwil ang digmaan bilang kasangkapan ng patakarang pambansa; na nangingibabaw ang kapangyarihang sibilyan sa militar; na ipagtatangol ng sambayanan ang Estado; at na hindi lalabagin ang paghihiwalay ng Simbahan at Estado. Bahagi naman ng mga patakaran ng Estado ang pagtataguyod ng malayang patakarang panlabas; pagkilala sa gampanin ng kabataan at kababaihan sa pagbuo ng bansa; pagtataguyod sa repormang pansakahan at kaunlaran ng kanayunan; at pagtataguyod sa katarungang panlipunan.

Mga Simulain

SEKSYON 1. Ang Pilipinas ay isang Estadong republikano at demokratiko. Ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan.

SEKSYON 2. Itinatakwil ng Pilipinas ang digmaan bilang kasangkapan ng patakarang pambansa, tinatanggap bilang bahagi ng batas ng bansa ang mga simulain ng batas internasyonal na kinikilala ng lahat at umaayon sa patakaran ng kapayapaan, pagkakapantay-pantay, katarungan, kalayaan, pakikipagtulungan, at pakikipagkaibigan sa lahat ng mga bansa.

SEKSYON 3. Ang awtoridad na sibilyan ay sumasaibabaw ng sa militar sa lahat ng panahon. Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay tagapangalaga ng Sambayanan at ng Estado. Ang layunin nito ay seguruhin ang ganap na kapangyarihan ng Estado at ang integridad ng pambansang teritoryo.

SEKSYON 4. Ang pangunahing tungkulin ng pamahalaan ay paglingkuran at pangalagaan ang sambayanan. Maaaring tawagan ng pamahalaan ang sambayanan upang ipagtanggol ang Estado, at sa ikatutupad niyon, ang lahat ng mga mamamayan ay maaaring atasang maghandog ng personal na serbisyo militar o sibil, sa ilalim ng kondisyong itinatakda ng batas.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 31, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas [1987]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon