"And aren't you my sweetheart?" aniya sa malamig na tinig.

"Well... yes. Pero..." nagpakawala ng buntong-hininga ang dalaga. So tinawag siyang sweetheart ng kasintahan. Bakit kailangang gawan niya ng isyu iyon?

"May... may napuna pa akong kakaiba sa iyo..." dagdag niya.

Kinabahan si Angelo. Ano ba ang nangyari at bigla siyang nagpanggap na si Anthony? Hindi ba ang dahilan kaya narito siya ay upang dalawin lang ang dalaga? Magpakilala bilang ang kakambal ng kasintahan at kahit papaano ay pahiwatigan ang dalaga sa desisyon ng kapatid?

"Nagiging observant ka yata ngayon?" himig-birong sagot ng binata. "Napakaaktibo ng ibang senses mo dahil hindi ka nakakakita."

"And you are wearing a different brand of cologne," patuloy ni Wilna na hindi pinansin ang sinabi ng lalaki.

"Ow? Iyon ba? Sinadya kong palitan ang dati ko. Pagkatapos ng aksidente ay parang hindi ko na gustong gamitin ang dati kong cologne. Pero kung mas gusto mo ang dati ay ibabalik ko."

Mabilis na umiling ang dalaga. "Huwag! Mas gusto ko ang scent ng cologne mo ngayon. It's... it's..." hindi niya itinuloy ang sasabihin. Pinamulahan siya ng pisngi.

"It is what? Ituloy mo ang sasabihin mo," utos iyon.

"S-sexy? Manly? Hindi ko alam ang tamang salita," pagkakaila niya. Hindi niya gustong isatinig na may kakaibang damdaming pinupukaw ang nasasamyo niyang cologne mula rito. Was it erotic?

"Hindi ba ganoon ang dating ko sa iyo dati?" tukso ni Angelo.

Hindi sinagot ni Wilna iyon. Nakatatawang isiping nang dahil lang sa cologne ay nagkaroon ng pagbabago ang damdamin niya sa binata.

Hindi rin nagpilit si Angelo. Marahang pinisil ang palad niya. Pakiramdam ng binata'y hindi magiging kainip-inip kahit maghapon silang mag-usap.

"Bukas nga pala ay lalabas ka na. Ang sabi ng doktor ay sa bahay ka na tuluyang magpagaling. Pagkalipas ng ilang mga araw ay babalik tayo dito upang alisin ang cast sa braso mo."

Sukat sa sinabing iyon ng binata ay humigpit ang hawak ni Wilna sa palad nito. Na parang buhay at kamatayan niya ang nakataya.

Uuwi ba siya sa apartment ng landlady niya? Sino ang makakasama niya roon? Papaano siya makakakilos gayong hindi siya nakakakita?

Nagsalubong ang mga kilay ni Angelo. Punong-puno ng insekyuridad at takot ang mukha ng dalaga.

"Huwag kang mag-aalala. Sa bahay kita iuuwi. Makakasama mo si Nana Inez doon," anito na tila nababasa ang takot sa mukha ng dalaga.

Bahagyang naalis ang lambong sa mukha ni Wilna pero hindi pa rin lumuluwag ang pagkakahawak sa kamay ni Angelo na inaakalang si Anthony.

"A-Anthony... ang—ang tungkol sa kasal natin...? Mauunawaan ko kung gusto mong magbago ng desisyon."

"Don't be silly. You will be Mrs. Avila, darling, sa ayaw at sa gusto mo. I promised you that. But we have to postpone our wedding hanggang sa tuluyan ka nang magaling. Well, we could be married right here and now. Pero hindi ko naman gustong ipagkait sa iyo ang pangyayaring minsan lang dumating sa buhay ng isang dalaga. Ang makapagsuot ng wedding gown. Nasa bahay na ang mga invitation cards. Tumawag si Bobbie at sinabing yari na ang trahe mo. Also, he sent flowers and wished you well."

May tumulong luha sa mga mata ni Wilna pero hindi niya mapigil ang mangiti.

"You're right. Silly me. It's just that I'm so scared, Anthony," pahikbi niyang sinabi.

"Come on, darling, don't give me that waterworks," natatawang sagot ni Angelo na pinahid ng thumbfinger ang luha sa mga pisngi ng dalaga. "Baka hindi kayang i-absorb ng cotton iyang nag-leak na tubong iyan ng Nawasa," dagdag tukso nito.

Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko by Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon