Aminado ako; na ako'y isang coffee addict. Hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi ako nakakainom ng kape. Sa isang araw, nakakaubos ako ng 3-5 na tasang kape bago maging productive. Ito na rin siguro ang dahilan kung bakit sa mura kong edad, ay nerbyoso na ako. Ngunit saan nga ba ito nagmula?
Pitong taong gulang ako nang magsimula akong mahilig sa kape. Nagsimula ito nang minsan akong pinatikim ng aking tatay ang kaniyang iniinom na kape. Dala ng kuryosidad sa kung ano ang lasa nito, sinubukan ko agad kahit masyado pa itong mainit. Napaso ang dila ko sa unang subok, muli akong humigop. Noong una, hindi ko mawari ang lasa nito, may pait na may halong tamis na may ibang sipa sa pakiramdam, nakakabuhay ng dugo. Kaagad kong nagustuhan ang lasa nito. Kaya simula no'n, ay kape na ang ipinapatimpla ko sa aking nanay tuwing umaga imbes na gatas.
Noong una, medyo nag-aalangan pa ang nanay ko sa gusto ko. Dahil masyado pa raw akong bata sa mga ganoong inumin. Tinakot pa nga niya ako na maaga raw akong mamatay dahil sa pag-inom ko ng kape. Pero sa huli ay pumayag na rin siya dala ng pangungulit ko sa kan'ya.
“Sige, pero kalahating tasa lang!”
“Opo!”
Naging parte na ang kape ng umaga ko — siguro mas magandang sabihin na naging parte na siya ng pang-araw-araw ko na buhay. Minsan pa ngang umiyak ako dahil sa naubusan kami ng kape. OA man basahin, pero totoo ‘yon.
***
Malaki ang naging tulong ng kape sa buhay ko, mula sa pagbangon sa kama tuwing umaga, hanggang sa paggawa ng mga project at revisions na kinabukasan na ang deadline dahil napakatamad at antukin kong nilalang.
Malaki ang naitulong ng kape noong minsa'y kailangan kong mag-sideline upang may dagdag pantustos ako sa aking pag-aaral.
Gumagawa ako ng mga coffee jelly para ibenta sa umaga para may baon sa hapon. Kasabay rin nito ang pagbebenta ko ng buko juice sa palengke. Kailangan kong gumising nang alas-4 ng madaling araw para maihanda ang mga gagamitin ko sa pagbebenta, at bago ko iyon gawin, papasadahan ko muna ang sikmura ko ng isang tasang kape upang magising ang natutulog kong diwa.
Kape rin ang kadalasan kong gawing break time dahil may vendo machine sa school namin. Isang kape at biscuit para malamanan ang sikmura. Ang natitira sa baon ko ay idinadagdag ko sa ipon ko.
Sa pagsusulat din ay kasangga ko ang kape. Kailangang may kape sa tabi ko habang nag-iisip ng p'wedeng isulat at kung ano pa ang maari kong idagdag sa mga sinusulat ko, tulad ngayon <*higop*>.
Sulat. Higop. Sulat. Higop. Bura dahil ang panget. Higop. Sulat ulit.
Para sa akin, pampa-relax ko ang kape. Lalo na kung nagsabay-sabay ang mga gawain, kailangan ko ng pitsel ng kape para rito. Paborito ko ang mga kapeng barako. Umiinom din naman ako ng may creamer, pero may ibang sipa kapag black coffee. Para kasing dekorasyon lang ang creamer. Tulad ng mga christmas lights, magpapasko pa rin naman kahit walang christmas tree. Mga gano'n.
***
Alam mo ba na ang kape ay isa sa mga inumin na most widely used bilang recreational drug? Isa rin ito sa mga nakaadik na inumin. Isa itong stimulant, tulad ng cocaine. Kaya kung isa ka sa mga tulad ko na mahilig sa kape, magbilang ka na ng araw dahil tiyak totokhangin ka na rin. Dejk.
Minsan na rin akong na-petsa de peligro dahil sa pag-inom ng kape.
Nitong Enero lamang, nang may pinagawa sa amin ang guro namin sa MAPEH, final output namin sa Music. Isang film na kung saan ang paksa ay tungkol sa— basta. Nakalimutan ko iyong paksa. After a month of doing shootings & preparation, dumating na kami sa final stage: ang editing. Kasabay pa no'n ang pagbuo namin ng research paper sa English, atbp. mga requirements/outputs sa iba't-ibang asignatura.
Dahil sa isa ako sa mga editor ng nasabing proyekto, naatasan kami na mag-overnight sa bahay ng kaklase namin upang matapos kaagad ang editing. Sinimulan namin ang pag-e-edit ng 10 PM at natapos ng 10 AM ng kinabukasan. Habang kami ay nagtatrabaho, siyempre kailangan namin ng kape upang manatiling gising sa loob ng 12 na oras. Edit. Higop. Edit. Higop. Tapos babalik ulit sa pag-edit. Nakaubos 'lang' naman kami ng mahigit na 9 na tasang kape. IMAGINE THAT??? Natapos naman aming pag-edit, at pagkatapos noon ay kaagad akong pumunta sa health center dahil nagiging tatlo na ang paningin ko at awa ng Diyos buhay pa ako.
***
Nakahanap na rin ako ng pag-ibig dahil sa pagkahilig ko sa kape.
Last year, nakahanap ako ng 'coffee bean sa aking creamer'. Itago natin siya sa initial na G. Si G ay tulad ko rin na mahilig sa kape. Nagkataon pa na mayroon kaming pagkaapareho tulad ng paboritong coffee creamer at timpla sa kape na matapang na creamy.
Kaya simula nang maging kami, Kremtop ang naging endearment namin sa isa't-isa dahil iyon nga ang favorite creamer namin (sponsor-an niyo ako, Kremtop). Tulad ng isang kape ang aming pagsasama.
Matamis sa simula. Tamis na hahanap-hanapin mo tuwing umaga, tamis na nakaka-diabetis, pero hindi mo mapigilan ang sarili mo dahil iyon ang paborito mo. Init na nakaapaso ng dila, init na nararamdaman ko tuwing kasama siya. Pero, sabi nga nila, lahat ng sobra, nakakasama. Sa sobrang tamis namin, nakakaumay na. Tapos hinayaan nalang lumamig hanggang sa itapon na dahil hindi na maiinom pa <*singhot sipon*>
***
Ang buhay ay parang isang kape. Minsan matamis, tapos magiging sobrang pait, minsan sakto lang sa panlasa, ta's uulit muli sa simula.
Mainit, biglang lalamig, tapos iinit ulit. Pero siyempre joke lang 'yon dahil imposible namang uminit ulit ang kape, puwera nalang kung ilalagay mo sa takure para initin ulit. Pero sino ba namang tanga ang gagawa no'n. Minsan akala mo mainit 'yong tubig, 'yon pala malamig na kaya buo-buo 'yong creamer na nilagay mo.
May mga gumagamit ng 3-in-1 para mas mapadali, mayroon naman na ginigiling muna ang kape bago itimpla. May gumagamit ng creamer dahil ayaw ng mapait, may iba naman na kulang nalang laklakin ang coffee powder nang walang asukal. May maiingay humigop, mayroon namang tahimik. May iba na sanay na sa init, may iba naman na binabantuan muna ng malamig na tubig.
Pero iyon na nga, kahit na gaano kapait o katamis ang tadhana mo, darating din ang panahon na aayon ito sa 'yo. Na makukuha mo rin ang inaasam mo na tamang lasa ng kape mo, tiwala at tiyaga lang, brad <*higop*>
| Ang "Kape" ay unang nailabas sa Paborito, na inilimbag ng Kadlit Press.
YOU ARE READING
KAPE (Personal na Sanaysay)
Non-FictionUnang naitampok sa zine na PABORITO ng KADLiT
