Under the Same Colors

46 5 1
                                    

NANATILING nakatayo si Evan sa gilid ng swimming pool sa likod ng kanilang ancestral house habang nagkakasiyahan ang ibang kapamilya na naghihintay sa pagpatak ng alas-dose ng gabi. Hawak niya ang isang bote ng sikat na alak at napapailing sa pagkakaladyaan ng nakababatang kapatid at nobya nitong nakasakay sa malalaking palutang sa tubig. Ang ibang tito't tita niya naman at pinsan ay nag-iihaw sa isang gilid.

Kasabay ng huling lagok ng kaniyang inumin ay ang pagliwanag ng kalangitan sa makukulay na ilaw. Napapikit ang binata na may guhit ng ngisi sa mga labi dahil do'n. Pagdilat niya ay naroon pa rin ang naggagandahang paputok at ingay ng paligid na sinabayan ng hiyaw ng kaniyang pamilya. Happy New Year!

Paglingon niya sa swimming pool ay hayon ang kapatid niyang si Felix, hagkan-hagkan ang labi ng nobya nito. Kaunting libot pa ng mata at ang iba pang mag-asawa sa kanilang pamilya ang nakita niyang masaya sa yakap ng mga kapareha nito habang kinakantyawan ng iba niyang pinsan.

Akmang sasali na siya sa mga ito nang may bumagsak na eroplanong papel  sa kaniyang harapan, muntik pang mag-landing sa tubig. Ibinaba niya saglit ang hawak na bote sa gilid ng isang sunlounger saka binusisi ang nakita. Tumingin-tingin siya sa paligid ngunit walang senyales ng kung sinong nagbato niyon sa kaniya. Wala naman na siyang nakababatang pinsang naroon kaya't nagtaka siya kung saan nanggaling ang origami.

Pamilyar ang kulay at amoy ng papel, baby pink na may samyo ng rosas. Binuklat niya iyon."Happy New Year, Van! Even if we're not together right now, I'll be fine... for at least we are under the same colors in the sky. Always, A," tahimik na basa niya sa pamilyar ding cursive na sulat na naka-imprenta roon.

"Evander, kain na muna tayo!" Rinig niyang sigaw ng kaniyang ina kaya't mabilis niyang ibinulsa ang sulat. Tinawag niya na rin ang kapatid na naglalangoy kasama ang nobya nito.

Doon din sila sa likod-bahay kumain nang sama-sama. Nakasanaya't tradisyon na nila ito ng pamilya na mula sa lolo't lola hanggang sa kanilang mga apo ay sabay-sabay na salubungin ang bagong taon. Kaunting kuwentuhan at tudyuan tungkol sa kanilang New Year's resolutions saka nagpaalamanan na rin sila upang magsitulog. Maraming kuwarto sa modernong ancestral house nila kung kaya't hindi na problema ang tulugan.

Tumuloy siya sa silid nila ni Felix na naghatid kay Olivia, kasintahan nito. Matutulog na sana si Evander nang maalala ang sulat. Maliban sa palayaw na Evan ay mayroon ding tumatawag sa kaniyang Van, ang pangalang nakasulat sa papel, kaya't pihadong para sa kaniya 'yon. Isa pa' y hindi ito ang unang beses na nakatanggap siya ng ganoon. Sa locker room nila sa eskuwelahan, may nag-iiwan rin ng sulat gamit ang tulad na papel.

Sa ganoong pag-iisip siya naabutan ng kapatid. "Kuya, sulat na naman?" anito. Tumango na lang siya bilang sagot habang nakatitig pa rin sa malinis na penmanship. "Hindi ka ba nafi-freak out diyan?" Dugtong na tanong ni Felix.

Hindi gano'n ang nararamdaman ni Evan. Sa totoo lang ay gusto nga niya makilala ang nagpapadala nito ngunit hindi niya alam kung paano sasagot sa mga sulat. "Habang nasa pool kayo kanina, nakita ko 'to na nakatuping airplane origami," tanging sagot niya sa kapatid.

"See? Hindi ba ang creepy, bro? Paano niya nalaman na sa lugar na 'to tayo magce-celebrate ng New Year?" Nakangiwi si Felix nang sabihin 'yon saka pumasok na sa banyo sa loob ng kuwarto.

Napaisip si Evander doon. Mukhang updated talaga ito sa lahat ng pangyayari sa buhay niya. Kung ibang tao nga siya'y siguradong matatakot siya sa pinaggagawa ng nagpapadala ng sulat. Ngunit hindi talaga ganoon ang nararamdaman ni Evander dahil unang-una sa lahat, wala namang nakakatakot sa mga liham na ibinibigay nito na nagsimula noong pagbubukas ng fourth year college nila. Sa katunayan ay lihim siyang natutuwa dahil sa mga positive na salitang naroroon. Halimbawa'y 'pag natatalo sila sa basketball game nila, laging mayroong comforting words na binibigay ang nagpapadala.

Under the Same ColorsWhere stories live. Discover now