Mababakas ang inosenteng ngiti sa labi ni Azziena. Sa edad na sampu ay magtatapos na siya sa elementarya at nakuha niya ang pinakamataas na parangal. Sabik na siyang umakyat sa entablado at ipagmalaki ang ang kanyang mga parangal. May konting salo-salo sa kanilang tahanan ng matapos ang seremonya.
Sa kanilang apat na magkakapatid ay siya ang panganay, kung kaya't nagsisikap siya upang maiahon ang kaniyang pamilya sa kahirapan. Madilim na ng may humintong magarang sasakyan sa harap ng kanilang tahanan at mula doon ay bumaba ang isang ginang. Base sa kanyang obserbasyon ay mataas ang antas nito sa buhay.
"Buenaventura," banggit nito sa pangalan ng kanyang ama. "Matagal din tayong hindi nagkita," bakas ang awtoridad sa boses nito.
"Sensei," ang tanging naiusal ng kaniyang ama.
"Hmm... ikaw na siguro si Sage," baling nito sa kanya.
Sage? Sino yun ? Ang naitanong niya sa kanyang isipan.
"Alam kong mahirap ngunit alam mo ang napagkasunduan natin Bien, umaasa akong hindi mo nakakalimutan iyon."
Naguguluhan siya sa pinag-uusapan ng mga ito. Ano ba ang ibig nilang sabihin ? Anong kasunduan?
"Pinagbigyan na kita sa hiling mo noon, kahit hindi dapat. Ngayon nais kong kunin na ang bata, babalik siya makalipas ang dalawang taon."
"H-hindi! Pakiusap, ako nalang. Wag na ang anak ko!" makaawa ng kanyang ina.
"Kalokohan! Huwag na kayong magmatigas pa, ang kasunduan ay kasunduan at hindi iyon mababali," matigas na wika ng babae.
Umaagos ang luha sa pisngi ng kanyang ina habang ang kanyang ama ay mahigpit ang hawak sa kanyang balikat. Siya ba ang kukunin? Pero bakit?
"Mawalang galang na po, pero ano po ang pinag-uusapan ninyo?" di na niya napigilan ang sarili na magtanong.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ng babae. "Kung gayon ay wala pa siyang alam?" Inakay siya ng babae sa isang silya at pinaupo. "Makinig kang mabuti-"
"Huwag ! Paki-usap Sensei!"
"Manahimik ka ! Kung hindi mo kayang ipaliwanag sa iyong anak ay ako mismo ang gagawa," muli itong bumaling sa kanya at nagpatuloy sa pagsasalita. " Ang mga ninuno mo ay nabibilang sa isang pangkat noon. Layunin ng pangkat na ito ang sugpuin ang malalaking sindikato sa mundo na siyang dahilan ng pagkasira ng buhay ng mga tao lalo na ang mga kabataan. Hanggang ngayon ay patuloy ang pangkat na ito sa paghubog sa mga panganay na anak ng mga kabilang na pamilya."
"Ibig po bang sabihin si papa ay nakaranas din nito?"
Umiling ang babae."Hindi, sapagkat ang mga pamilya na may panganay na anak na lalaki ay maaaring tumanggi ngunit hindi ang mga babae. Sa ating pangkat ang mga babae ang higit na may kapangyarihan kung kaya ang sinumang tumanggi ay buhay ng buong pamilya ang kapalit."
Buhay? Ibig sabihin kapag tumanggi siya ay papatayin ang mga kapatid niya? Ang mga kapatid niya? Tumingin siya sa mga magulang na ngayon ay umiiyak na, umiling ang kanyang ina.
"Sasama na po ako" pinal niyang sagot.
"Hindi! Hindi! Bien, ang anak natin! Ang panganay ko!"
"Ma, dalawang taon lang naman po iyon. Babalik naman po ako, mag aaral pa ako ng Highschool at College!"
"Hindi anak! Huwag kang sasama, delikado roon. Maaari mong ikamatay iyon. Dito ka nalang anak," makaawa ng kanyang ina.
"Okay na pong ako lang. Kesa naman po pati mga kapatid ko madamay. Tsaka pangako ko Mama, Papa. Uuwi po ako."
"Kung ganun! Tayo na, malayo pa ang ating lalakbayin."
Lumakas ang hagulhol ng kaniyang ina maging ang ama niya ay lumuluha na din. "Ma naman eh! Kaya ko yun! Ako pa ba ?" pilit niyang pinatatag ang kanyang boses.
Sumakay siya sa magarang sasakyan at hindi na muling nilingon ang kanilang tahanan sapagkat batid niyang kapag ginawa niya iyon ay maaaring panghinaan siya ng loob.
Malakas ang loob niya at iyon ang gagamitin niyang pangunahing sandata sa papasukin niyang buhay sa loob ng dalawang taon.
Kakayanin niya ito.
