CHAPTER TWO

10.4K 196 5
                                    

PINAGMAMASDAN ni Leo ang mga kaibigan niya habang naglalaro ang mga ito ng basketball. Mahigit kalahati sa kanilang magkakaibigan ay kasal na. Sina Darrel, Vanni, Victor, at Ken ay ikinasal nang magkakasunod na buwan sa loob lamang ng isang taon. Samantalang sina Jared at Humphrey ay engaged-to-be married na. Si Justin ay mukhang nagpaplano na ring mag-propose kay Nancy Jane. Kung ganoon, siya na lang pala ang nag-iisang single sa barkada. Pero wala siyang pakialam doon. Wala siyang panahon sa usaping- pampuso.

"Pare! Sub ka muna sa akin," sabi ni Dingdong. Humihingal na tumabi ito sa kanya.

Tiningnan muna niya ito. Ilang araw na niyang napapansin na tumataba ito. Mukhang nahiyang ito nang magkaasawa. "Tumataba ka na, pare. Kaya ka siguro madaling mapagod."

Ngumiti ito. "Ganoon talaga. Masarap magluto si Misis, eh."

Tumabi na rin sa kanila ang iba pa nilang mga kaibigan.

"Bakit nagsiupo na rin kayo?" tanong niya sa mga ito.

"Hihinga muna ako. Nakakapagod, eh," reklamo ni Darrel.

"Ano ba'ng mga pinaggagagawa n'yo kagabi at parang wala kayo sa mood maglaro?" tanong niya.

"Grabe kasing maglihi si Madi. Gusto niya ng manggang hilaw. Pero gusto niya, tuwing gabi ko susungkitin 'yong mangga sa puno. Mabuti sana kung may bunga ang punong iyon," reklamo ni Vanni.

"Eh, ikaw? Bakit kanina ka pa walang kibo riyan?" tanong sa kanya ni Roy.

"Pare, magtaka ka kung panay ang kibo niyan," sabad ni Ken.

Seryosong tiningnan niya ito. Nag-peace sign ito sa kanya. Alam niyang nagbibiro lang ito. Nasanay na rin siya sa mga kaibigan niya na malakas mang-asar at sadyang pakialamero sa love life nang may love life. Tanging siya ang hindi pinakikialaman ng mga ito. Maybe it was because they knew what he had gone through. Ang akala ng mga ito ay siya na ang susunod na magkakaroon ng girlfriend. Pero ilang buwan na ang nakararaan mula nang maging opisyal ang relasyon nina Justin at Nancy Jane, wala pa rin siyang ipinakikilalang nobya sa mga ito. Bigla niyang naisip si Cassy. Sakit ito ng ulo niya.

"Uy, tulala ka na riyan," pukaw sa kanya ni Victor.

"May problema ba, pare?" tanong ni Roy.

Umiling siya. "Nothing."

"Are you still thinking about it? It's been years," sabi ni Dingdong.

"Kung hindi na kayo maglalaro, let's go," pag-iiba niya sa usapan.

"Huwag kang magagalit sa amin, dude. Pero mga kaibigan mo kami. Halos kapatid na ang turingan natin sa isa't isa. Nag-aalala lang kami sa 'yo. We miss the old you. Kailan mo ibabalik ang dating Leo na nakilala namin mula pagkabata?" seryosong tanong sa kanya ni Roy.

"Tama si Roy, pare. Hindi na kami iba sa 'yo. Tell us what's going on," sang-ayon pa ni Jared.

"Huwag n'yong itanong sa akin kung ano ang makakapagpabalik sa akin sa dati. Dahil imposible ang gusto ko," seryoso ring sagot niya.

"C'mon, man..." Tinapik pa siya ni Humphrey sa balikat.

"Huwag n'yo akong alalahanin. Ayos lang ako."

"By the way, I heard about what happened to Cassy last night. Mabuti na lang at naroon ka," pag-iiba ni Dingdong sa usapan.

"Bakit? Ano ba'ng nangyari?" halatang na-curious na tanong ni Justin.

"Hinarang siya ng tatlong lalaki kaninang madaling-araw. Mabuti na lang at hindi pa ako umaalis doon. Kung hindi, baka na-rape na siya roon," pagkukuwento niya.

The Tanangco Boys Series 10: Leonard ApiladoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon