Humahagulgol na umuwi si Gemrose sa kanila. Iyak nang iyak. Pawang aawas na sa mga kamay nito ang naipong maalat-alat nitong mga luha na matagal nang nakaimbak para sa kaniyang nobyo-- na ngayon ay ex na. Hindi niya aakalain na ang ipon niyang luha na sana ay iiiyak niya kapag nag-propose ito--na ayun pala, ngayon mauubos. Ngayong nagwakas na ang kanilang relasyon.
Hinampas-hampas pa niya ang dingding sa tabi ng kama kung saan nakadikit ang maraming mga posters ng kung sino-sinong Koreano.
"Oh! Ano na naman iniindak mo d'yan Gemrose!?" sigaw ng kaniyang Ina mula sa kusina. Hindi tumugon si Gemrose dito at nagpatuloy lang sa paghagulgol. Nagtanong ulit ang Ina nang ikalawang beses.
"WALA!" At lalong tumulo pa ang mga luha nito na parang posong bagong igib!
Wala talagang kwenta 'tong si Jordan! inis na bulong nito. Kung hindi ko pa pinuntahan sa kanila, nako! Kaya pala ayaw ako papuntahin sa kanila, eh pa'no ba naman may naunang asawa na at supling at ngayon, may ka-live in at dalawang bagong anak! Aba eh, babaero pala 'tong customer na 'to kaya bili nang bili ng mga produkto ko. Nagpapabili pala ang asawa! Akala ko pa naman para daw sa kapatid niyang babae! Bwiset!
Kinuha nalang ni Gemrose ang cellphone nito at pumunta sa kanyang Facebook profile. Nagpalit ng status mula "In a relationship" sa "Single". Wala pang ilang minutong nagdaan ay nakakuha ang status na ito ng iilang "sad" na reacts. At nang buksan niya ang kaniyang Messenger, laking gulat niya nang may mga lalaki nang mga nagwe-"wave" sa kaniya. Aba!
Napangiti siya kahit mamula-mula pa ang mukha. May alindog pa naman din siya! Akala niya ay wala na ito dahil ngarag na ang hitsura niya sa dalawang taong pagtatrabaho. Kahit bente anyos pa lang siya, ibang-iba na ang mukha niya sa dating mala-Maria Clara niyang pagkabata ng hitsura. Ngunit nang magsimula na siyang magtrabaho ay hindi naman ito pumangit kundi lang lalong nag-mature ang hitsura at eksakto ang kahit papano'y batang edad nito at ang mukhang puwede nang mag-anak sa kalakal ng landian sa Facebook at sa kanto-kanto at mga tindahan sa kanilang purok.
Panandalian niyang nakalimutan ang dating nobyo nitong si Jordan. Tumayo nalang ito at humarap sa salamin. Tiningnan ang sarili nang maigi, mabata-bata pa naman ito! Mahaba-haba ang itim na itim na buhok, malalim ang mga mata, buo ang ngipin, at pumupukaw pa ang mga labi. Kahit bilugan ang mukha nito, masasabi ng iba na "cute" pa rin naman si Gemrose. Morena rin ito ngunit hindi kalakihan ang hinaharap. Ipinagmamalaki naman nito kahit papano ang kaniyang "thigh gap". Nag-asta itong modelo at rumampa sa harap ng salamin. Pak! Pak! Pak! Kahit papano, napangiti siya, hindi pa naman huli ang mundo. Lalaki lang 'yan.
Mamula-mula pa ang mga mata nito sa kaiiyak bago ito katukin ng Ina.
"O, anak. Nagluto ako ng maruya, baka gusto mo. Baba ka nalang."
"Salamat, Ma. Mamaya nalang po." Pinunasan ng dalaga ang mga luha nito sa pisngi.
Napaisip si Gemrose sa mga nangagdaang mga lalaki sa buhay niya.
Nandiyan si Dante na bagger niya dati noong nagtatrabaho pa bilang kahera sa isang kilalang grocery store sa kanila. Pupuslit ito dati minsan ng kung anu-anong madedekwat mula sa inventory para lang hindi raw mapagod si Gemrose sa katatayo nang buong araw. Kahit may rotation ang mga bagger sa kapares nilang counter ay pinipilit nitong si Dante noon na kay Gemrose talaga pumuwesto.
Pursigido ito sa kanya kaya hindi rin nagtagal ay sinagot rin ito ng dalaga. Kahit sarado na ang mga mall sa gabi pagkatapos ng mga shift nila ay pinilit pa rin dalhin ni Dante si Gemrose sa kung saan-saang kainan, na kahit mga tabi-tabi lang tulad ng pares at 24/7 na convenience store, naisip ni Gemrose na hindi na baleng mahirap lang sila at simple lang ang katuwaan, basta masaya at nagmamahalan sila. Ilang buwan rin ang samahan nila, kaya naman noong nag-Star City sila, akala ni Gemrose ay doon na nga ito magpo-propose sa tuktok ng ferris wheel ngunit tumahimik lang ito at nagpatuloy ang araw. Baka hindi pa oras, naisip nalang ng dalaga.
Kaya laking gulat ni Gemrose nang isang araw nalang nang matapos ang lunch break niya ay nagulat itong wala sa kahit anong counter ang nobyo niyang bagger. Pagkabalik niya sa rehistro niya, pagkabukas nito ay wala na ang lahat ng pera sa loob nito. Wala na rin ang nobyo.
Syempre, napuruhan ang dalaga sa manager at tinurong kasabwat ng nobyo kahit anong eksplanasyon niya. Paano ba naman? Sa tamis ng samahan nila na madalas pang masita dahil sa landian nila sa harap ng customers ay sinong mag-aakala na maglalaho nalang bigla ang patpating si Dante?
Pinilit ng manager na sabihin ni Gemrose kung nasaan ang pera at si Dante kahit todo na pagmamakaaawa ng dalaga at pagtatanggi sa mga akusasyon. Nang mapuno ito sa inis at sakit na rin sa puso, umalis nalang si Gemrose. Nilugay ang buhok nitong laging nakabilog at binato ang nametag sa kaniyang boss. Nag-walk out ito at umalis sa inis. Umuwi, nagkulong sa kwarto, at hindi na bumalik pa sa grocery store kahit kailan. Kahit si Dante, sa dami ng tawag na cannot be reached. Sa inuupahan nito. Sa Facebook nitong deactivated na. Wala na. Parang hindi siya totoo. Parang hindi siya nag-exist.
Ilang linggo rin noong nakatunganga lang si Gemrose sa bahay nila. Naghihintay sa tawag ng minamahal niyang si Dante o kaya kahit anong liham o pasabi. Pero wala. Daig pa ang tumakas na mamamatay-tao. Kahit man lang itinanan na siya ni Dante at nabuhay ng isang buhay ng krimen, basta magkasama lang sila.
Pero wala, wala na siyang magagawa. Choice niya 'yun. Sa dulo, dalawang magkaibang tao pa rin kami. May sariling buhay. May sariling plano.
Napabuntunghininga si Gemrose sa mapait na alaala. Pumunta ito sa kusina at ngumuya ng nilutong maruya ng Ina.
Pagtingin niya sa cellphone niya, sabay na umilaw ito dahil sa notification na may friend request siya na kakaiba ang pangalan. Sigurado siya, hindi pa niya narinig ang pangalang ito sa kanila.
Isang Clark Yu. Binuksan niya ang profile nito at sa profile picture palang, bigla siyang napalunok sa halos hindi pa nanguyang maruya sa bibig.
YOU ARE READING
Tutor in Love
RomanceSimpleng babae lang si Gemrose. Kahit hindi nakapagtapos ng kolehiyo, pursigido siyang maghanapbuhay para sa kaniyang ina at kapatid. Breadwinner kahit madalas, barya-barya lang ang naiuuwi. Naging kahera na, call center agent, at nagbenta ng kung a...
