"Mahilig ka ba sa burger? O sensitive ka sa kinakain mo?" tanong ni Brad.

Tiningnan siya ni Almira. "Kung tinatanong mo kung nag-da-diet ba ako o hindi ang sagot ay hindi. Gutom na gutom ako kaya gusto ko ay nakakabusog."

Amused na napangiti si Brad. "I like that attitude." Kaya dinala niya ito sa isang burger joint sa dulong bahagi ng Fremont Street na ang tawag ay Heart Attack Grill. Ang pangalan na iyon ay dahil sa specialty ng kainan na three hundred fifty pounds burger. Pero siyempre ay hindi iyon ang kinain nila. Subalit kahit ganoon ay naaliw pa rin siyang pagmasdan ang reaksiyon ni Almira nang matikman ang burger na inorder nito.

Pagkatapos nilang kumain ay naglakad-lakad pa sila. At nang oras na para sa light show na makikita sa glass roof ng Fremont Street ay magkatabi silang nanood. "Kapag pinalabas na iyan ay ibig sabihin mag-a-alas onse na ng gabi," sabi niya.

Napasinghap si Almira at nanlalaki ang mga matang napalingon sa kaniya. "Alas onse na ng gabi?! Oh no. Kailangan ko na umalis. Baka kanina pa ako hinihintay ng kaibigan ko na bumalik," tarantang bulalas nito.

May nakapang pagkadismaya si Brad na kailangan na nitong umalis pero hindi siya nagprotesta. Dahil umpisa pa lang nang sabihin niyang sasamahan niya itong mag-ikot ay alam na niyang hanggang doon lang naman ang magiging pagkakakilala. Marami nang katulad ni Almira ang dumaan sa buhay ni Brad. Mga taong nakilala niya sa mga lugar na napuntahan na niya pero hindi na nakita pang muli. Ang mahalaga ay pareho silang nag-enjoy sa gabing iyon. "Sige. Let me walk with you hanggang sa labas lang ng street na ito," sabi na lang niya.

Hindi na nila tinapo ang light show. Pagkalabas nila sa Fremont Street ay tumawid sila dahil doon mag-aabang ng taxi si Almira. Hinarap siya ng babae, inayos ang salamin sa mga mata, huminga ng malalim at ngumiti. "Well, salamat sa pagsama sa akin ngayong gabi."

"No problem," nakangiti ring sagot ni Brad. Pagkatapos ay inilahad niya ang kamay. "It was nice meeting you, Almira."

Sandaling tiningnan nito ang kamay niya bago nakangiting inabot iyon. They shook hands. "Salamat din. Nag-enjoy ako at mas naging komportable na may kasama akong nag-ikot." Nang kapwa na nila nabawi ang mga kamay at sandaling nagkatitigan pa sila bago tumikhim ang babae at malawak na ngumiti. "Paalam na."

"Bye," sagot ni Brad.

Pumara ng taxi si Almira, sumakay doon at kinawayan siya sa huling pagkakataon bago umandar palayo ang taxi. Si Brad naman ay sumunod na pumara ng taxi para bumalik sa The Cosmopolitan Hotel kung saan siya naka-checked in. Alam niya na kanina pa nauna roon ang dalawa niyang assistant. Maging ang mga miyembro ng banda. Sagot ng music label ang gastos nila mula sa unang shooting day. Ganoon kalakas ang tiwala ng kompanya na sisikat at magdadala ng limpak na salapi ang banda na gagawan niya ng feature film. At naniniwala siya roon. Kaya nga niya tinanggap ang trabaho na iyon dahil hanga din siya sa banda.

Nasa biyahe na nang biglang tumunog ang isang cellphone niya. Iyong may roaming number. Agad na dinukot ni Brad ang gadget dahil ang kanyang ina lang naman ang tumatawag sa kaniya sa numero na iyon kapag nasa ibang bansa siya. Kaya naman nagtaka siya nang numero lang ang nakarehistro sa screen.

"Hello?" takang sagot niya sa tawag.

"Brad," usal ng tinig ng isang babae. "This is Mathea."

"Mathea. Paano mo nalaman ang numero na ito?" takang tanong niya at napaderetso ng upo sa likod ng taxi na sinasakyan niya.

"Kay tita Peachy. Matagal na niyang binigay ang number mo na ito, actually. Ngayon lang ako nagkalakas ng loob na tumawag."

Napailing si Brad sa pakulo na naman ng kanyang ina. "Kasama mo ba si mom?" tanong na lang niya sa babae.

"Actually, si tita Peachy ang dahilan kung bakit ako tumatawag sa iyo ngayon," usal ni Mathea na huminga pa ng malalim sa kabilang linya. Biglang kinabahan si Brad at hinintay ang susunod na sasabihin ng babae. "Alam ko na pilit niya tayong pinapareha sa isa't isa. But you see, Brad, may dahilan kung bakit gusto na ni tita na lumagay ka sa tahimik. Ayaw niya ipasabi sa iyo hangga't... well, hangga't hindi ka pa daw pumapayag sa gusto niyang mangyari. But I think you have the right to know what's going on before it's too late."

"Ano ba talaga ang nangyayari kay mommy, Mathea?" hindi na nakatiis na tanong ni Brad.

"Brad... tinakbo namin sa ospital si tita Peachy. May matagal na siyang iniinda na ayaw niyang ipasabi sa iyo. Sasabihin ko sa iyo pero please, huwag kang uuwi bigla kung hindi ka pa naka-schedule na uuwi ha? Ayaw niyang makita mo siyang ganito at gusto niyang siya ang magsasabi sa iyo. Please understand her. She... she has stomach cancer. Stage four."

Parang may bombang sumabog sa mukha ni Brad at nanghihinang napasalampak ng upo. Kinapos siya ng paghinga at naibaba ang cellphone bago pa man makapagpaalam ng maayos kay Mathea. Napatitig siya sa labas ng bintana ng umaandar na taxi. Bigla ay parang lobo na nawalan ng hangin na napalis ang magandang mood niya. Bumalik sa isip niya ang mga naging kilos at pananalita ng kanyang ina sa nakaraang mga buwan. Ang madalas nitong pagnanais na makita siya at manatili ng permanente sa pilipinas kahit noon naman ay hinahayaan siya nitong gawin ang lahat ng gusto niya. Ang pangungulit nitong lumagay na siya sa tahimik.

"Iyon pala ang dahilan," tila sinasakal na nausal niya. Nahigit niya ang hininga at marahas na nahilamos ang kamay sa kanyang mukha. May malalang sakit ang kanyang ina. Worst, hindi siya makalipad sa Pilipinas sa mismong sandaling iyon dahil ma-pride ang mommy niya at sasama ang loob nito kapag nalamang alam na niya ang tungkol doon bago pa ito maging handa na sabihin sa kaniya. Bukod sa may trabaho siyang hindi niya pwedeng iwan dahil masisira siya sa pinakamalaking kompanya na nagbibigay sa kaniya ng trabaho. Mas lalong hindi iyon magugustuhan ng kanyang ina.

"Shit, shit, shit," frustrated na paulit-ulit niyang ungol.

Paanong ang perkpekto niyang buhay ay biglang gumuho ng ganoon na lang?

Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)Where stories live. Discover now