KABARET

16 0 0
                                    


KABARET

ni Roy G. Caballero

Mula sa maalikabok na lansangan, naroon pa rin ang dating dampa na una kong kinakitaan sa kaniya. Mukha pa rin itong malinis sa pinturang puti kahit medyo kupas na at natabalan na ng lumot. Halatang marami pa ring parokyano ang dumarayo dito kahit na nga may kalayuan sa bayan. Gaya ng dati masaya pa rin itong tingnan bagama't kulang na ang ilaw na nagsisilbing piping saksi sa mga taong ngayon lang pinagtagpo ng malupit na kapalaran. Pakiwari ko, dito kasi nila natatagpuan ang langit na kanilang inaasam.

Sabi ng iba, ang unang tibok ng puso ay hindi raw pag-ibig, ito'y pagnanasa lamang. Kalukuhan! Alam kong umibig ako sa kaniya nang una ko siyang makita. Naniniwala akong hindi iyon pagnanasa... kundi pag-ibig. Siya kasi iyong tipo ng babaing ipaglalaban mo anuman ang sabihin ng ibang tao.

Natatakot ako para sa kaniya. Buhat kasi ng umalis siya sa aming tahana'y hindi ko na muling nasilayan pa ang kaniyang napakaamong mukha --- na hindi mo aakaling nagbabagong-anyo sa tuwing sasapit ang gabi. Nagugunita ko tuloy ang mga panahon nang una kaming pagtagpuin sa pook na itong hindi man lamang kakikitaan ng anumang pag-asa.

"Anong tinitingnan mo?", untag niya nang mapansing titig na titig ako sa kaniya.

" Wala...A-Ang ganda mo kasi.", utal na sagot ko sakanya. Pansamantala siyang ngumuya ng chewing gum at muling nagsalita.

"May pera ka ba? Kung wala sibat na! Kung mayroon, tayo na!"

Hindi biro ang magbitiw ng malaking halaga para lamang mailabas siya. Subalit hibang ako nang mga sandaling iyon kaya nga ang perang pinag-ipunan ko sa loob ng anim na buwang paggapas ng tubo'y parang bula na biglang nawala. 'Di bale, nalaman ko naman ang pangalan niya nang mailabas ko siya ng gabi ring iyon. Isa lamang kasi ako sa mga lalaking nais makasama siya. Nag-aasam na balang araw, magiging ina ng pinapangarap na pamilya.

Ilang araw na rin akong pumaparoo't parito. Pabalik-balik. Nagbabakasakaling madatnan siya. Subalit ni anino niya'y hindi ko makita. Sabi ng mga kasamahan niya, hindi na raw dito bumalik si Magdalena --- iyon ang tawag sa kaniya ngunit hindi iyon ang kaniyang pangalan --- mula nang umalis ito noong nakaraang araw. Ang natatandaan na lamang nila'y inilabas ito ng parokyanong puti na suki niya. Hindi na ako nag-usisa pa dahil sa bawat salitang binibitiwan ng kausap ko'y kalis naman itong dumudurog sa puso ko. Alam kong may sakit siya, ngunit ang sabihing wala nang lunas ay hindi dahilan upang samantalahin na lamang.

Susuko na sana ako sa pag-asang balang araw matatagpuan ko rin siya. Samantalang habang binabaybay ko ang maalikabok na daan patungong dampa napansin ko ang isang babae sa tabi at nakikipaghuntahan sa mga pusakal. Kumabog ang dibdib ko. Malakas. Palakas nang palakas. Hanggang sa para na itong sasabog. Hindi ako maaaring magkamali, siya iyon! Ngunit bakit parang ibang tao na siya? Wala na sa kaniya ang kagandahan na hinahangaan ko? Sino ang mag-aakalang ang babaing ito ang nagbihag sa aking puso? Sino ang mag-aakalang ang babaing ito ang agaw-atensiyon sa dampang ito?

Ngayon, napagtanto ko na kung bakit mas ninais niyang lumayo at huwag na muling magpakita pa. Marahil umalis siya sa tahanan ko upang huwag akong umasa at masaktan.

Naniniwala akong hindi kati ng laman ang sakit niya kundi ang pagkawala ng kaniyang katinuan. Alam kong hindi gamot ang kailangan niya bagkus ang unawain ang tangi niyang pag-asa!    

KABARET ni Roy G. Caballeroحيث تعيش القصص. اكتشف الآن