"Di ko alam, Inay. Wala ka bahay lagi, eh. Malayo daw work mo, sabi Itay."

"S-Sinong nagbabantay at nag-aalaga sa'yo?"

"Nurse! Sa clinic ako, Inay. Lagi ako may sakit, eh."

"S-Sakit? Anong sakit mo?" Hinaplos niya ang mukha nito. Sinisipon ito noon pero hindi pa naman natuloy sa kahit anong sakit. Hindi pa ito nagkakasakit mula nang maalagaan niya ito.

"Di 'ko alam, Inay. Pero lagi ako hindi makahinga. Araw-araw, clinic ako. Araw-araw, inom ako gamot." Ngumuso ito. "Nagbabantay si Itay 'pag gabi."

Hindi niya alam 'to! Kahit kailan walang nabanggit si Niel. At mali din ba siya dahil ngayon niya lang naisip itanong pagkatapos ng mahigit pitong buwan?

"A-Ako? B-Binabantayan din ba kita?"

"Malayo work mo, Inay. Di ka lagi umuuwi." Lumungkot ang mga mata nito. "Iyak nga ako lagi, eh. Iyak din si Itay pag iyak ako. Hindi ka daw kasi makauwi, eh."

Kumirot ang puso niya. Napaupo siya sa upuan, paharap sa anak. "H-Hindi tayo... nagkikita? Hindi ako umuuwi kahit alam kong may sakit ka?"

Umiling ito. "Pero dito ka na, Inay! Alis ka na daw sa work mo kasi gusto mo, ikaw na mag-alaga sa'kin." Yumakap ito sa leeg niya at hinalikan siya sa pisngi. "Hindi ka na picture, Inay!"

"P-Picture?"

Tumango ito. "Wala ka lagi pero bigay si Itay picture mo sa'kin, para kilala po kita. Lagi ko yakap 'yon pag may sakit ako. Tapos, Inay, lagi ako pray para makita na kita. Pray ako kay Papa Jesus na uwi ka na kasi gusto na kita makita, eh."

Kahit naguguluhan ay nagawa niyang ngumiti sa anak. Ayaw niyang maramdaman nitong naghihinala na siyang hindi niya ito tunay na anak. Masakit sa pusong isipin na masasaktan si Sasa kapag nalaman niya ang katotohanan sa pagkatao niya...

"Sasa, nasaan ang picture, anak? B-Bakit di 'ko naman nakita dito sa bahay?"

Wala silang litrato, kahit family picture, dahil nga natupok lahat ng sunog... But Niel saved a picture of Seline for Sasa?

"Mmm..." Napatingala si Sasa. Parang nag-iisip ang bata. "Tinago ni Itay kasi nandito ka naman na, Inay. Di ko na kailangan picture!"

Tinago? Bakit kailangang itago? "A-Alam mo ba, anak, kung saan tinago ni Itay?"

Lumakas ang tibok ng dibdib niya nang tumango si Sasa.

"Puwedeng makita 'ko? Turo mo sa'kin kung nasaan..."

Tumango ito. Binuhat niya ito pababa ng lamesa. Tumakbo ito sa mga gamit ni Niel. May maliit kasing aparador na nasa tabi ng pintuan. Hindi niya binubuksan iyon dahil puro gamit ni Niel. Ayaw naman niyang mangialam sa gamit nito.

Sa ibabaw ng maliit na aparador na iyon ay nakapatong ang isang mataas na baso. Doon niya iniligay ang tatlong rosas na binigay sa kanya ni Niel...

"Dito, Inay." Turo ni Sasa sa pinakababang parte ng aparador. Para iyong drawer. Hinila ng anak pabukas iyon. Tumambad ang mga damit ni Niel. "Dito 'yon, Inay..."

Lalong lumakas ang tibok ng puso niya. Lumapit at yumuko siya sa lalagyan. Tinanggal niya ang mga damit ni Niel... hanggang sa... may nakita siyang nakataob na picture frame. Maliit lang iyon. Square-shaped. Color black.

"Ayan, Inay!" tila natutuwang bulalas ni Sasa. Nauna nitong nakuha ang picture frame. Itinaas at hinarap sa kanya.

Napakurap siya nang makita ang sarili sa frame. Ngunit... mukhang mas bata at payat siya doon... Hanggang balikat lang niya ang kuha sa litrato pero ang kuwintas na suot niya sa leeg, halatang mamahalin. Wala siyang kahit anong kolorete sa mukha ngunit nakakulot-kulot ang dulo ng mahaba niyang buhok.

Man and Wife (Wifely Duties 2) - Published by PHRWhere stories live. Discover now