"Buti hindi kayo nagkakailangan ha."
"Mas mabait pa nga 'yan sa'kin 'pag kaibigan lang."
»»»
Tinitigan ko ang dalawa kong kaibigan na ngayon ay naglalakad nang pagewang gewang dahil sa kalasingan. Napailing na lamang ako habang bahagyang natatawa sa kanila. Nakakatuwa lang. Dati pumupuslit lang kami ng drinks kasi underage pa, ngayon halos normal na lang sa edad namin na magkita para sa mga ganitong pagkakataon.
Muli silang lumingon at kumaway sa aming dalawa. Bahagya akong napabuntung hininga. Alas diyes na pala.
"Tara. Ihahatid na kita."
Nilingon ko ang aking katabi na ngayon ay naghihintay sa akin. Napangiti ako. Hindi pa rin siya nagbabago. Ang kanyang buhok na umabot sa kanyang kilay, ang mahaba niyang pilik at namumungay niyang mga mata na tila ba inaantok. Wala pa rin siyang pinagbago. O sige na nga, gwapo pa rin siya.
"H'wag na. Okay na 'ko. Kaya ko nang mag-isa."
Sambit ko sabay ngiti. Siguro para makaiwas? Sino bang nagsabing hindi nakakailang?
Ginulo lamang niya ang buhok ko at saka tumalikod.
"Tara na." At nagsimula na siyang maglakad.
Wala akong nagawa kundi sumunod sa kaniya. Kinuha ko ang aking telepono at nagtipa ng mensahe saka iyon itinago sa aking bag.
Patakbo kong nilakad ang distansya naming dalawa at saka sinabayan siya. Ang laki talaga ng hakbang niya, ang tangkad kasi masyado.
Lumipad ang aking isip sa pangyayari apat na taon na ang nakakaraan. Graduating students kami noon at parehas na hindi umattend ng misa dahil iba ang religion namin. At sa daan na ito, parehas naming pinalipas ang oras habang naglalakad ng magkasama. Tahimik. Kagaya ngayon. Pero kakaibang katahimikan.
Katahimikan na nagdadala ng masayang pakiramdam. Ngayon ba? Siguro nga, masaya din ako. Pero alam kong pagkatapos ng gabing ito, maaaring maging mapangwasak sa dulo.
Nagulat ako ng bigla siyang magsalita. Noon lamang ako nabalik sa ulirat.
"Ang tagal na pala 'no?"
Napangiti ako. Iisa lamang yata ang nasa isip namin.
"Oo nga e. Ang tagal na nga."
Muling namayani ang katahimikan. Ang tagal na nga. Ang daming nangyari sa loob ng apat na taon. Pero ang lugar na ito, ganito pa rin. Alin nga ba ang nagbago?
Tinitigan ko ang blangkong kalsada na noon ay sabay naming tinatahak. Minsan, tawanan at asaran. Sobrang saya pala dati. Hindi ko alam kung hihilingin ko bang ibalik ang kasiyahan na iyon.
Alin nga ba ang gusto kong balikan? Noong panahon na hindi pa kami lumalampas sa linya ng pagkakaibigan? O noong panahon na parehas na kami ng nararamdaman? Syempre, hindi naman noong pagkatapos naming gumraduate, gumraduate sa isa't isa. Alin nga ba?
"Kamusta ka na?" Nawala na naman pala ako sa sariling kaisipan.
"Ano ka ba. Nakakabigla ka naman!" Tatawa tawa kong sambit.
"Na-miss mo ba ako?"
Hindi ko man aminin, pero nagsimulang maghurmentado ang loob ko.
"Huy, lasing ka ba?!" Pinilit kong tumawa at saka siya hinampas. O baka ako talaga ang lasing at nakakarinig ng kung ano ano?
Tumigil siya sa paglakad at saka tumingin sa'kin. Isang seryosong pagtingin ang ipinukaw niya sa akin na halos nagpalambot sa aking mga tuhod. Tila nalalasing sa kaniyang mga titig, muntik na akong matumba.
"Ako kasi, na-miss kita."
Hindi agad ako makasagot. Tumingin siya sa baba at muling tumingin sa akin. Nang muling magtama ang aming paningin, agad akong nataranta.
"H'wag ka ngang gan'yan. Lasing ka no?"
Hindi pwede. Kumbinsi ko sa aking sarili. Ako ang lasing. Mali ang nangyayari. Mali ang naririnig ko. Hindi ko pwedeng sabihin. Na-miss din kita. Dahil alam kong kung anuman ang nararamdaman niya ngayon, hindi iyon katulad ng sa akin. Natatakot akong pagkatapos ng gabing ito, kahit ang pagkakaibigan na pinilit kong isalba ay mawala na.
Nanatili siyang nakatitig sa akin. Kinakabahan ako. Oo. Kung anuman ang sasabihin niya, sana, hindi iyon matuloy. Ayokong masaktan siya. Hindi pa man niya nasasabi, alam ko na. Hindi na niya kailangang sabihin. Dahil alam ko na. Ayaw kong masaktan ako. Ayaw kong masaktan habang nasasaktan siya. Hindi pwede.
"Teri, pwede bang tayo-"
"Tey!" Bago pa man ako makalingon sa tumawag sa'kin, agad kong nakita ang bahagyang pagkagulat at dismayadong mukha niya.
Naramdaman ko ang paglapit ng lalaki sa aking tabi. Binalingan ko siya ng tingin.
"O? Anong ginagawa mo dito?"
Nangangatal kong sabi.
"Sabi mo tapos na kayo kaya pinuntahan na kita."
Nakangiti niyang sabi at saka ipinulupot ang kaniyang braso patungo sa aking balikat. Tinitigan ko iyon at saka inilipat ang mata sa aking kaharap. Agad ko naman iyong binawi at tumingin sa aking katabi.
"Sabi ko sa'yo 'wag mo na ako sunduin. Sana hinantay mo na lang ako."
Pinisil niya ang aking pisngi.
"Para namang hahayaan kitang mag-isa. Sino pala siya?" Sabi niya sabay baling ng tingin sa aming kaharap.
"Ah. Kaklase ko noong highschool. Si Miko nga pala."
Ex-boyfriend ko. Muntikan ko nang ituloy. Pero syempre, hindi.
"Boyfriend mo?" Sambit ni Miko. Tumango lamang ako at hindi alam kung anong ekspresyon ang ipapakita.
"Buti naman." Muling sabi ni Miko habang nakangiti. "Sige, ingat kayo." Saka siya nagpaalam at nagsimulang maglakad paalis.
Nanatiling nakapako ang aking paningin sa kaniyang likod habang naglalakad siya paalis. Hindi ko alam. Hindi ko alam kung bakit tila pinipiga ang puso ko sa sakit. Bakit hindi natuloy ang sana ay gusto niyang sabihin? Bakit nga ba iyon ang aking hiniling? Bakit kailangang manghinayang siya? At muling sabihin, "Teri, pwede bang tayo na lang ulit?"
Bakit kailangang makita ko siya sa pagkakataon na iyon na nasasaktan? Bakit kailangang maapektuhan ako sa kaniyang nararamdaman kahit hindi naman niya tuwirang ipinakita?
Muli kong naramdaman ang kamay na nakakapit sa akin. Oo nga pala.
"Uwi na tayo."
Pinilit kong humakbang kahit tila nahihirapan. Pakiramdam ko, may kailangan akong sabihin. Pakiramdam ko, may kailangan akong tapusin. Pero alam ko kung anong nararamdaman ko, takot, panghihinayang, pagkabagabag, at sakit.
Ilang hakbang pa lamang ay muli akong lumingon.
"Miko!" Sigaw ko sa kaniya at agad siyang lumingon.
Tumingin ako sa baba at saka nagbuntung hininga. Ibinalik ko ang aking paningin sa kaniyang mata na ngayon ay umaasa at naghihintay sa aking sasabihin.
"Ingat ka. Paalam."
Hindi siya sumagot. Wala siyang sinabi. Pero bilang tugon ay ipinakita niya ang isang malungkot na ngiti. Isang ngiti na nababakas ang sakit. Isang pekeng ngiti na hindi ko malilimutan. Tumalikod siya at marahang napailing. Saka tumingin sa langit na para bang pinipigilan ang pagpatak ng anumang likido na maaaring lumabas sa kaniyang mga mata.
Masakit. Oo. Nasasaktan ako. Nasasaktan siya at nararamdaman ko iyon. Pero wala akong magagawa. Ito talaga ang dulo, ang mapangwasak na pagtatapos.
