I-Alinlangan

7 0 0
                                        

Nagising ako dahil sa liwanag mula sa bintana. Umaga na pala. Iginala ko ang aking mga mata at pinagmasdan ang paligid. Mataas na kisame, mga marangyang kasangkapan, at malawak na silid. Siguradong sigurado ako na hindi ito ang payak kong kwarto.

May naramdaman akong pagkilos kaya lumingon ako sa'king kaliwa. Napangiti ako pagkakita sa aking mahal na mahimbing pa rin ang tulog. Bigla kong naalala ang lahat ng nangyari kagabi at hindi ko pinagsisisihang ibigay sa kanya ang lahat.

Unti-unti kong inilapit ang aking hintuturo at sinundan ang hugis ng kanyang mukha, ang kanyang mga mata, ang kanyang ilong dahan dahan pababa hanggang sa tungki nito. Napangiti ako nang dumako ang tingin ko sa kanyang mga labi. Ang mga labing unang umangkin sa'kin. Ilalapat ko pa lamang ang aking daliri nang bigla niya itong hinalikan.

Ngumiti siya ng nakaloloko. "Good morning, love."

Uminit ang aking mga pisngi at lihim na kinilig sa simpleng pantawag niya sa'kin. "Good morning."

"Inaantok pa 'ko. Tulog pa tayo.", sabi niya sabay hila niya sa'kin palapit sa kanya at kinulong sa kanyang mga bisig.

Tumingala ako para pagmasdan ang kanyang mukha. Hindi ko akalain, ni sa panaginip, na magiging akin siya. Parang isang pangarap lang siyang 'di ko maabot dati pero ngayon yakap-yakap ko na.

Isinandal ko ang ulo ko sa dibdib niya at ninamnam ang init mula sa kanyang katawang kumokontra sa lamig na nagmumula sa aircon.

Habang yakap niya 'ko, pakiramdam ko ligtas ako. Yung pakiramdam na walang anumang makakapanakit sa'kin. Parang ito na ang pinakakumportableng lugar para sa'kin.

Ang sarap sa pakiramdam ng ganito lang. Yung kuntento ka na, basta kasama mo siya. Yung kayakap mo yung mahal mo at walang iniintinding problema. Hindi mo iniisip kung anong mangyayari bukas, makalawa o sa susunod na linggo dahil ang importante lang ay yung ngayon.

Pumikit ako hanggang hindi ko namalayang nakatulog muli ako.

Pagkagising ko, wala na siya sa tabi ko. Umupo ako at iginala ang paningin sa buong kwarto, habang ipinantatakip ang manipis na kumot sa hubad kong katawan, pero ni anino niya..wala. Tumayo na ako at pinulot ang mga nagkalat kong damit sa sahig.

Pagkabihis ko, kinuha ko yung bag ko sa lamesa at lumabas ng silid. Inikot ko ang buong unit niya pero mukhang kanina pa siya umalis dahil malamig na ang kapeng nasa lamesa. Sinubukan ko siyang tawagan pero hindi niya sinasagot. Kaya napagdesisyonan ko na lang na umalis na tutal wala naman akong gagawin dito.

Sumakay ako ng elevator pababa sa lobby.  Pagkalabas ko ng elavator, may nakakuha ng aking pansin. Isang babae papunta sa direksyon ko. Mahirap siyang hindi pansinin dahil sa postura't tindig at hindi maikakailang galing siya sa mayamang pamilya. Pamilyar din ang mukha niya. Parang nakita ko na siya dati pero hindi ko matandaan kung saan.

Palapit siya ng palapit hanggang lumampas siya patungong elavator. Patuloy lang ako sa paglalakad at ikinibit balikat ko na lamang iyon. Meron lang talagang mga taong may ganung epekto na kapag nakita mo, hindi mo maiwasang tumingin.

Dumiretso ako sa bahay na nirerentahan ko at naligo. Pagkabihis ko, naglakad na ako papunta sa cafe kung saan ako nagtatrabaho tuwing sabado at linggo. Mga dalawang kanto lang ang layo mula sa bahay at malapit lang sa unibersidad na pinapasukan ko kung saan graduating student ako sa kursong Education. Hindi ko maapuhap kung bakit ito ang kinuha kong kurso. Natatandaan ko pa na sinabi ko nung high school na ayokong maging isang titser. Sabi ko pa, sakit lang sa ulo ang magturo lalo na kung ang tuturuan e magugulong tulad namin. Pero kinain ko lahat ng sinabi ko noon. Ewan ko ba. Nagising na lang ako isang araw na ito na ang gusto kong gawin.

Naglalakad ako ng parang namamasyal sa luneta kahit huli na ako sa trabaho. Wala naman ng saysay kahit magmadali ako dahil kanina pang alas-otso dapat ang pasok ko. Lubus-lubusin ko na tutal minsan lang naman 'to.

Sinubukan ko muli siyang tawagan pero hindi niya pa rin sinasagot. Siguro may importante siyang ginagawa ngayon. Bigla ko namang naalala yung nangyari sa'min at ngayon ko lamang naisip ang mga maaring resulta ng pagiging mapusok namin.

Paano kung mabuntis ako? Pananagutan niya kaya ako? Pakakasalan niya kaya ako? Paano na ang pag-aaral ko? Pano kung iwan niya ako dahil naisuko ko na ang Bataan? Ano nang gagawin ko?

Okupado ng mga tanong ang utak ko kaya hindi ko namalayang patawid na pala ako sa kalsada nang biglang may humila sa braso ko pabalik sa gilid. Isang kotse ang mabilis na dumaan at dun lang ako natauhan na muntik na ako masagasaan. Ang bilis ng tibok ng puso ko.

"Miss, okay ka lang ba?"tanong nung babaeng humila sa'kin. Gusto ko sanang sabihing, 'Mukha ba akong okay?', pero naisip ko na niligtas niya ako kaya tumango na lang ako. Ngumiti siya sa'kin at binitawan ang braso ko.

Paalis na sana siya nang maalala kong hindi pa ako nagpapasalamat, "Teka miss.. ahm..salamat." Ngumiti lang siya tapos lumakad na palayo.

Pinagpatuloy ko na rin ang paglalakad. Pagdating ko sa cafe, syempre napagalitan tapos inungkat pa pati mga pagkakamali ko nung nakaraan. Pinaalala pa yung ilang buwan kong cash advance at yung mga nabasag kong baso. Pagkatapos akong sermonan, pumunta na ako sa locker area para makapagpalit na ng uniform. Habang nagbibihis, naririnig ko yung pinag-uusapan ng dalawa kong kasamahan sa trabaho.

"Tumigil ka na nga sa kakaiyak. Mamaya marinig ka pa ni manager mapagalitan pa tayo."

"Hindi mo kasi ako maintindihan, NBSB ka kasi! Hindi mo pa naranasang magmahal."umiiyak na sabi nung isa.

"Langya..dinamay pa ang pagiging NBSB ko."may halong inis na sabi nung isa. "Shhh..tama na sabi. Kahit anong iyak mo naman diyan, hindi na siya babalik."

Suminga muna bago nagsalita,"Yun na nga eh, iniwan na niya ako. Matapos ko ibigay sa kanya ang lahat..bigla ko na lang siya makikita na may kasamang iba."

Napatigil ako sa pagbutones ng uniform ko. "Eh, kung hindi ka naman kasi tanga eh. Isang buwan mo pa lang kilala, binigay mo kaagad yang...yang ano mo."

"Mahal ko siya eh."

"Mahal..mahal. Tanga!"

Alam kong hindi para sakin ang mga salitang yon pero...natamaan ako. Katangahan nga ba ang nangyari kagabi? Pero..pero..nung ginagawa namin yun, pakiramdam ko tama. Tama na mali. Ugh. Naguguluhan ako.

Siguro..hindi naman niya ako iiwan,diba? Siguro..hindi niya naman ako ipagpapalit. Siguro..kung magbunga man, pananagutan niya ko at pakakasalan. Mahal niya ako eh.

Diba? Diba? Diba?

Bakit parang ang hirap kumbinsihin ang sarili ko?

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Sep 05, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The ENDWhere stories live. Discover now