"Sa'yo, anak, meron. Pero sa kung sino mang lalaking 'yon, wala," seryosong sagot nito.

"'Tay naman. Siguro naman po sapat na ang pagtitiwala n'yo sa akin para makampante kayo," naglalambing pa ring sabi niya rito.

Hindi na ito umimik, sa halip ay himigop uli ito ng kape.

"Sino po ang kasama n'yo?" tanong niya sa ina.

"Ang Kuya Sherwin mo, s'ya ang nagdrive sa amin ngayon. Kabuwanan na ng Ate Mildred at pwede nang manganak ano mang araw ngayon kaya hindi na sumama ang Kuya Sandro mo. Mahirap nang kung kailan kami nasa biyahe ay saka naman kailanganing dalhin sa ospital ang hipag mo. Ang Kuya Samuel mo naman ang naiwan para mag-asikaso sa mga baka natin."

"Nasaan po si Kuya Sherwin?" aniya, hindi pa niya ito nakikita simula ng bumaba.

"Nabili lang ng pandesal kasama ang Kuya Marson mo," sagot ng Tiya Millie.

"Alam mo naman 'yon, kahit na may ibang tinapay, ang gusto pa din sa umaga ay bagong lutong pandesal," dagdag naman ng ina n'ya.

Lumalakad na siya pabalik sa tabi ng ina nang marinig ang doorbell. Siya na ang nagbukas ng gate at gayon na lang ang gulat niya nang makita na ang mga kaibigan pala niya ang nasa labas.

"Surprise!" sabi ni Aileen. "Baka hindi ka magjogging kaya naisip namin na sunduin ka na."

"Nakabihis na ako. Pero malamang hindi talaga ako makaalis. Narito sina Nanay at Tatay," sagot ni Shaine.

"Talaga, nad'yan sila! Free gulay!" dirediretsong pumasok sa bahay si Aileen. Naiwan sila ni Cheryl sa gate at sinundan ng tingin ang kaibigan.

"Tingnan mo 'yong babaing 'yon, hindi na talaga nahiya. Siguradong guguluhin na naman noon ang parents mo," naiiling na sabi ni Cheryl.

"Ano pa bang bago kay Aileen," natatawang sabi din niya. "Halika na muna sa loob."

"Mabuti pa nga dahil tiyak na hindi naman tayo makakaalis kaagad," anito na pumasok na rin sa loob ng bakuran.

Kilala ng mga kaibigan niya ang mga magulang. Naipakilala na ni Shaine ang mga ito sa isa't isa noon pa, at ilang beses na ring nagkita ang mga ito sa tuwing napunta doon ang mga magulang niya. Hindi siya madalas na pinapauwi ng mga magulang. Ang katuwiran ng mga ito ay nabiyahe naman lagi pa-Maynila para magdeliver ng mga gulay na inani nila. Sila na lang daw ang pupunta sa kanya sa bahay ng Tiya Millie. Pero alam niyang ang totoo ay ayaw lang ng mga magulang na parati siyang nabiyahe.

Pagpasok nila ni Cheryl sa may kusina ay inabutan niya ang kaibigan na kausap na ang nanay at tatay niya. Ang ama niya ay nakita niyang nakatawa na at nawala na ang kaseryosohan sa mukha.

"Tito, Tita, since dito naman po kayo maghapon, hihiramin po muna namin si Shaine. Magjojoging lang po kami saglit," nakangiting sabi nito.

"Sige, anak. Walang problema." sagot ng ina niya.

"Salamat po," lumingon sa kanya ang kaibigan at nginitian siya, parang sinasabing hindi siya makakatakas sa pangungulit nito. Binalingan ulit nito ang kanyang mga magulang. "Mamaya ko na po babalikan ang free gulay. Salamat po in advance."

Dahil sa sinabi nito ay natawang muli ang tatay n'ya. "Alam kong hihingi ka kaya ipinagbukod na kitang sadya. May sitaw, talong at young corn akong dala para sa inyo ni Cheryl. Daanan n'yo na lang mamaya."

"Wow, salamat po, Tito! Ang bait n'yo talaga. Pwede n'yo po ba ako ampunin, kahit mga isang linggo lang? Willing po akong mamitas ng gulay," biro ni Aileen.

"Wag na. Baka akala namin may paninda kami, yun pala iuuwi mo lang lahat ng pinitas mo," sansala ni Shaine sa kaibigan.

"Actually," tumatawang sagot ni Aileen. Lumakad ito palapit sa kanila ni Cheryl, pero biglang tumigil sa paghakbang at lumampas ang tingin sa kanila, nakatingin sa mga bagong dating.

My Sweet Surrender (COMPLETED) Where stories live. Discover now