III; Desperadang Pluma

10 1 0
                                    


(a/n: This one is different. I used my mother tongue.)


Desperadang Pluma

Ang manunulat na ito ay sumusulat sa tintang siya lamang ang nakakakita, tumutula ng mga tanaga na s'ya lamang ang nakaririnig, sumasambit ng mga salitang s'ya lamang ang naka uunawa- at lumalangoy, pailalim sa sa balon ng mga talinhagang siya mismo ang sumisisid. May iilang nakaramdam ng emosyon na dumadaloy sa kanyang pluma ngunit ni-isa ay walang nagtangka at walang nakabasa- dahil hindi nila nakikita ang tintang dumadaloy sa kanyang akda; yung tamis, yung pait, at asim ng pagkabalisa.

Ni minsan sa 'sang libong taong pakiramdam ko'y dumadaloy sa bawat araw na walang bunga- ang mga inaalagaan kong bulaklak ay natutuyo kasama ang talutot ng aking pang plumang pangarap. Sa bawat dumadaang panahon na mithi kong ibahagi ang tinatagong makata ay napapaos ang lakas ng loob na kailangan ko para tumula. Kahit kailan ay walang nakakita ng tinta ng mga sinusulat kong akda, dahil hindi sapat ang mga panahon at aral na laging kong ipinapanalanging sa akin nawa'y napunta. May bala ang aking baril na gawa sa mga letra, salita, at talata ngunit tila nanghihina ang daliri sa pag kalabit, sapagkat hindi sapat ang mga araw sa isang libong taon kong paghihintay, para kilalanin bilang isang tunay na may akda. Walang kahit anong libro o magandang papel ang naglimbag na ng aking mga gawa.


Sinubukan ko. 


Pero para lamang akong gumuhit sa pader gamit ang daliri kong tuyo. Sumulat ako sa puting papel gamit ang puting tinta. Nagkulay ako sa blangkong dingding na wala namang gamit na krayola; pakiramdam ko'y kumanta ako nang sobrang ganda sa mikroponong hindi naman pala gumagana. Walang nakakita... walang nakabasa... walang nakarinig ng mga bala kong inipon at nang maibaril ko na'y di man lang umalingawngaw dahil sa ingay ng mundo ng mga manunulat.

Marami ang naririnig, marami ang nakikita, marami ang kilala at isa lamang sa marami kong tanong tungkol dito ay "bakit"- bakit hindi ako naging isa sakanila? Bakit tila lagi akong minamalas na makagamit ng plumang walang permanenteng tinta. Bakit nga ba wala akong lakas para makapag sulat nang madiin at makapag iwan man lang ng marka sa mundo ng mga nobelista. Ano ang kailangang maging sapat sa akin para man lang ang isa mga gawa ko'y pagkakaabalahan niyong basahin? Kailangan ko pa bang maglagay ng mura at galit sa mga akdang mula sa pagmamahal ko naman ginawa? kailangan ko bang kulayan pa ang salamin ng mundo na aking ipinapakita? kailangan ko bang dumihan ang papel ng dugo ko't mga luha?


Hindi naman siguro.

Wag naman sana.


Dahil baka mawala yung unang pag-ibig na sumiklab sa aking mga kamay at nag udyok sa akin para lumikha. Siguro nga'y parang pag-ibig nga lang ang relasyon ng mga manlilikha sa kanilang mga obra. Ang mga nakikilala ng mundo ay mga artistang minahal din pabalik ng mga pinili nila. At ako, isa lang din lamang sa 'sang libong nagmahal na walang natanggap. Minahal ko ang pagsulat, ngunit mukang ang manunulat na kagaya ko ay hindi niya pinangarap.

Ako ang nakakakita, nakaririnig, at nakakaunawa ng talinhaga ng iba, at hindi ko maiwasan na sa kabila galing na meron sa papel ay may inggit akong madarama.


Ngunit-

Yaman din lamang ay nabiyayaan ako ng masipag na puso; hindi ako magpapakabingi sa tunog ng itinitibok nito. Mamahalin ko ang paglikha; hindi man ako mahalin nito pabalik. Hindi lingid ang pait na natikman, dahil basta't kapiling ko ang ibig ay sasaya akong lubusan. Naubusan man 'tong plumang ito ng tinta na may kulay ng pagpupursigi at lakas ng loob, hindi ito titigil sa pagkumpas, akyat, at baba sa ibabaw ng mga blangkong papel. 

Sagana pa rin ng kulay ng pag-asa, itong deseperadang pluma.



prose-poetry

(a/n: plagiarism is a crime. wag kayong ano)

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 15, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

TintaWhere stories live. Discover now