CHAPTER TWENTY-FIVE

12.4K 488 12
                                    


Nagising ako sa atungal ng mga kapitbahay. Pupungas-pungas akong lumabas ng kuwarto at sumilip sa bintana sa living room para alamin kung ano ang komosyon sa labas.

"Ang hambog na Aling Idang nagsisisigaw sa kalye dahil nag-propose na raw ang milyonaryong nobyo ng anak niya," naiiritang sabi ni Mama pagdaan sa tabi ko. Dere-deretso siya sa kusina.

Ang ulikbang si Emily? Nag-propose na ang nobyo niyang tsekwang pandak?

Natigilan ako. Ang alam ko kasi'y kailan lang nakilala ni Emily ang Intsik na iyon. Siguro ni wala pang kalahating taon. Tapos inalok na siya ng kasal? Sumama ang pakiramdam ko.

"Ano ba ang balak ni Lukas sa inyong dalawa? Kailan ba kayo lalagay sa tahimik?" angil ni Mama nang dumating ako sa kusina.

Hayun. Kaya pala naiirita.

"Marami pa kaming pangarap sa buhay," sagot ko habang kumukuha ng fresh milk sa ref.

"Pangarap mong mukha mo! Ang tagal-tagal n'yo nang magsyota hanggang ngayon ni walang linaw kung may patutunguhan ang relasyon n'yo. Kita mo na? Naunahan ka pa ni Emily. Kailan lang niya nakilala ang Intsik na iyon!"

Gumuhit ang kirot sa puso ko. May punto si Mama. Magta-tatlong taon na rin kasi kami ni Lukas. Liban sa nabawas-bawasan ang pakikipag-flirt niya sa ibang babae, wala nang nadagdag pa sa relasyon namin. Minsan, natanong ko rin sa sarili kung may future nga ba ako sa kanya. Baka ginagawa niya lang akong palipas-oras habang nasa Pilipinas siya.

"Pakitanong mo ang lalaking iyon kung may balak ba siyang pakasalan ka o ano. Baka nagsasayang ka lang ng oras do'n. Lumilipas ang panahon. Ilang taon na lang ay magte-trenta ka na. Baka kung kailan lampas na sa kalendaryo ang edad mo'y saka ka bibitawan. Hindi ka pa naman kagandahan!"

"Mama ko ba kayo o ano?" naiinis kong pakli. Hindi na ako nakapagpigil. Heto nga't inaatake na ako ng insecurities dinadagdagan pa niya. Hindi ko na tuloy inubos ang gatas sa baso. Padabog akong lumabas ng kusina. Muntik na kaming magkabanggaan ni Kuya Tarquin.

"O, ba't sambakol iyang mukha mo?"

"Wala!"

Pagdating ko ng kuwarto, sinipat ko sa salamin ang mukha. Napasimangot ako nang mapansing mayroon pala akong pimpol sa tungki ng ilong. Sa dinami-dami ng puwedeng tubuan doon pa sumibol. Halata tuloy. Kinis ng kutis na nga lang ang maaari kong maipagmalaki napingasan pa.

May katwiran nga si Mama. Kung hindi lang ako maputi't makinis, tiyak na mukha akong tipaklong. Hay. Nakakalungkot na hitsura lang palagi ang nakikita ng tao. Mayroon naman akong ibang qualities na kaaya-aya, pero palaging mukha ko ang napupuna!

**********

Dinama ko ang noo ni Zyra. Wala naman siyang lagnat pero mukha siyang maysakit. Ang tamlay-tamlay niya. Hinagkan ko siya sa pisngi. Tinulak niya ako nang bahagya.

"Paandarin mo na ang kotse. Gusto ko nang umuwi sa amin."

"I thought you wanna cruise around for a while."

Hindi na siya sumagot. Tumingin lang sa labas ng bintana. Napabuntong-hininga ako. Tinotopak na naman siya. Napailing-iling na lang ako.

Binabagtas na namin ang highway patungo sa kanila nang tumunog ang phone ko. Pareho kaming napasulyap sa cellphone na nasa lalagyan ng inumin sa tabi ko. Si Lyra! Shit! Nakita ko ang pangunngunot ng noo ni Zyra kaya dinampot ko agad ang CP at in-off ito. Kung bakit ngayon pa natawag ang babaeng iyon. Nakakainis!

Hinanda ko na ang sarili sa katakot-takot na imbestigasyon. Subalit lumipas lang ang limang minuto nang hindi siya kumikibo. Ako naman ngayon ang pinangunutan ng noo.

WHEN I LOVE (ZYRA'S STORY - COMPLETED)Där berättelser lever. Upptäck nu