first card

73.9K 1.1K 26
                                    

Bagsak ang balikat ko habang naglalakad sa hindi gaanong tahimik na pasilyo ng isang pampublikong ospital. Tila gusto na ring bumagsak ng katawan ko sa sobrang pagod pero pilit ko iyong pinipigilan. Hindi ako pwedeng magkasakit. Dagdag problema na naman iyon kung sakali, dagdag gastusin.

Napahinga ako nang malalim. Tumigil ako sa paglalakad nang marating ko ang silid niya. Madiin kong pinikit ang aking mga mata bago inabot ang seradura ng pinto.

Pagkabukas na pagkabukas ko no'n ay bumungad agad sa akin ang maraming pasyente na nakahiga sa kani-kanilang kama. Tanging mga tela lamang ang harang nila sa isa't-isa kaya naman wala kang sasabihing hindi maririnig ng lahat ng taong naroon, maliban na lang kung hindi sila makikinig sayo. Pero mabuti na lang at alas onse na ng gabi kaya tanging mga pasyente na lang ang narito, wala ng bisita.

Sa totoo lang ay bawal na talaga ang bisita sa ganitong oras, pero dahil naging magkaibigan na kami ng gwardiya ng ospital ay hindi na ako nahihirapang pumasok dito kahit na gabing-gabi na. Alam kasi ng guwardiyang iyon kung paanong pagsusumikap ang ginagawa ko mailabas lang sa ospital na 'to ang taong napakahalaga sa akin, mukha naman siyang naaawa sa kalagayan ko kaya hinahayaan niya na lamang akong maglabas-masok dito. Iyon nga lang ay para sa limitadong oras lang, dahil kung sakaling magtagal ako sa loob ay siya naman ang mapapahamak, ayaw ko namang mangyari iyon.

Dumako ang mga mata ko sa taong nakatingin na pala akin. Gising pa pala siya.

Hinang-hina siyang nakahiga sa kanyang kama. Pero kahit pa ganoon ay may marahang ngiti pa rin siyang nakapaskil sa labi para sa akin. Kaya kahit pagod na pagod, ay nginitian ko rin siya pabalik.

Maingat kong sinara ang pinto bago ako nagtungo sa kanya at naupo sa monoblock na nasa tabi ng kanyang kama.

"Kumain ka na ba?" masuyo kong tanong.

Nakangiti itong tumango. At kahit na ako ang nagtrabaho sa amin buong araw, siya pa rin ang mas nakikitaan ng pagod kaysa sa aming dalawa.

Lumambot ang mga mata kong nakatingin sa kanya. Inabot ko ang isa niyang kamay para marahan iyong pisilin.

"K-Kapit ka lang, Gael, ha? H-Huwag kang bibitaw."

Humigpit ang pagkakahawak ko sa kamay niya. Dinala ko iyon sa aking labi para dampian ng halik. Mas lumaki ang marahan niyang ngiti sa ginawa ko. Pero hindi maitatago ng ngiting iyon ang pagod sa kanyang mga mata, ang paghihirap niya na iunat ang kanyang labi mabigyan lang ako ng matamis na ngiti na dati ay madali niya pang nagagawa, ngayon ay hindi na.

Paulit-ulit akong napailing. Nagtutubig ang mga mata ko habang nakatingin sa kanya.

"H-Huwag kang mapapagod. A-Ayokong mangyari iyon."

Mahina siyang napatawa, pero kahit sa simpleng aksyon na iyon ay hirap na hirap pa rin siya.

"B-Baka nga... i-ikaw ang m-mapagod. A-Ang tagal mo na akong i-inaalagaan. T-Tapos... a-ang dami mo pang p-pinapasukang trabaho, m-mapagaling lang ako." Hirap na hirap na wika niya.

Umiling naman ako sa kanya. Iniangat ko ang isa kong kamay para haplusin ang kanyang pisngi. Kusa siyang napapikit ng dahil doon.

"Huwag mo akong alalahanin. Hinding-hindi ako mapapagod sayo. Ang alalahanin mo ay ang magpalakas. Kasi kapag lumakas ka, masusuklian lahat ng pagsusumikap ko. K-Kaya dapat malakas ka lang, ha? W-Walang bitawan."

Dumilat ang mapupungay niyang mga mata, bago siya pilit na ngumiti sa akin.

"M-Mas lalo mo naman akong pinapahulog sa'yo, mahal."

Ngumiti ako sa kanya. Pero imbis na sumagot ay tumayo na ako at yumukod para halikan ang kanyang noo. Katulad ng sinabi ko kanina ay hindi ako pwedeng magtagal. Ang paalam ko sa gwardiya ay labing limang minuto lang.

House of CardsWhere stories live. Discover now