Galante Mo Masyado

18 2 2
                                        

Lagi akong nakakatanggap ng batok sa bestfriend ko. Matapos akong saktan ay sasamaan niya ako ng tingin sabay iling, bakas sa mukha ang pagkadismaya. Tatawanan ko lang siya at ngingiti habang hinihimas 'yung ulo kong medyo nasaktan sa lakas ng hampas niya sabay sabing "Hindi kita gets."

Rason niya sa pananakit sa'kin?

"Galante mo masyado."

Tipong hindi naman daw ako ang leader pero ako halos lahat gumagawa. Hindi ko naman responsibilidad, ako daw ang umaako at tumatapos. 'Yung akin daw dapat ang recitation pero dahil nabubulong ko nang medyo malakas, naririnig ng katabi tapos siya na ang sasagot. Mga ga'nong eksena. Kaya hindi lumilipas ang isang araw na hindi ako nakakatikim ng pagmamahal sa paraan ng isang paghampas mula sa bestfriend kong si Thea.

Sabat ko naman sa rason niya, kung makakatulong naman ako sa kanila, bakit hindi ko gawin 'di ba? 'Di naman sila nandadaya. Sadyang busy lang sila habang ako may libreng oras para gumawa.

Tapos dumating ka. Hindi ko rin alam kung paanong bigla kang pumasok sa eksena pero naging isa kang tauhan sa aking storya. Naalala ko na magkikita kami ni Thea para magkamustahan pero nagulat ako nang pagtalikod ko hawak-hawak mo na ang braso niya. Na nakataas. At akmang hahampas sa ulo kong sinasaktan niya madalas.

Tandang-tanda ko kung anong gulat ang naramdaman ko sa ginawa mo habang ang itsura ni Thea ay tulala't nakatitig lang sa mga daliring naka-ikot pa rin sa kaniya. Narinig ko ang boses mong nagsabing "Kung gagawa ka ng gulo, Miss, sana naman hindi sa ganitong klaseng lugar," sabay bitaw mo sa bestfriend kong nakatitig pa rin kung saan. Nakatanga.

Nang tumingin ka sa'kin at akmang kakamustahin kung ayos lang ako, bigla ka na lang napayuko at napahawak sa ulo mo. Nakita ko ring tumakbo si Thea papalayo at sumigaw ng "Hoy TenTen! May pabibo atang gustong magpaka-super hero sa harap mo! Iwanan muna kita diyan!" At umalis na nga siya nang tuluyan habang pinipigilan kong humalakhak nang pagkalakas-lakas sa ginawa niyang kalokohan.

Dumapo ang mga mata ko sa'yo, at kitang-kita ko kung paanong namula ang buong mukha mo. Maputi ka, matangos ang ilong, chinito, parang may lahi. Gwapo. Pero habang nakatingin sa'yo nung mga panahong 'yon ay hindi ko napigilang pagtawanan ka. Naging payaso ka sa paningin ko.

Halata sa mukha mo ang pagkahiya, kinakamot mo pa 'yung batok mo at nakatingin ka pa sa sahig. Tinawanan kita ulit. Paglipas ng ilang segundo ay tumigil na ako, ngunit nakangiti pa rin. Uutal-utal ka ng mga panahong 'yon, wala kang mailabas na salitang matino. Ramdam ko pa ring hiyang-hiya ka, sobra, lalo pa't may ibang nakatinging tao sa'ting dalawa sa panahong nakatayo ka at nginingitian kita na parang tanga. Kaya tinanong kita kung anong pangalan mo. At sinagot mo 'ko ng isang tingin at isang pangalang hindi ko na ata makalilimutan pa sa buong buhay ko.

"Nigel."

Nagkapalitan tayo ng pangalan, at pagkalaon ng mga oras ay naging komportable sa isa't-isa. Kahit estranghero ka lang kanina na nagpabibo at sumingit sa eksena, pakiramdam ko itinadhana tayong magkakilala. Ipinaliwag ko ang tungkol kay Thea, dahilan ng muli mong pamumula at aking mahinang pagtawa. Humingi ka ng pasensiya na siya namang tinanggap ko nang may ngiti sa labi, bakas sa mukha ang tuwa. At nagkwentuhan pa tayo ng kung anu-ano. Para kang walang pupuntahan. At para kong nalimutan ang lahat habang kasama ka.

Kinikilig ako sa mga oras na 'yon. Ang gaga lang pakinggan.

Hindi pa na'tin mamamalayan ang paglipas ng dalawang oras kung hindi nag-ring ang phone mo. Sinagot mo ang tawag. Mukhang kaibigan ang kausap dahil ngumingiti ka at lumalabas 'yung dimples mong malalim. Ibinaba mo ang phone at tumingin muli sa'kin. Nagpaalam.

Nangibabaw sa'kin ang panghihinayang. Ibig sabihin ba no'n hindi na tayo magkikita, magkakausap? Hindi ko pinahalata pero gustong-gusto ko na sumimangot. Nasabi ko na lang ang salitang "Sige," at pasimpleng ngumiti kahit na nalulungkot. Akala ko ayon na 'yung pagtatapos, pero nagkamot ka muli ng batok, at tumingin sa'kin.

Sulat SalitaStories to obsess over. Discover now