Chapter Forty One

55 2 0
                                        

Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay hindi na ulit kami nagkita o nag-usap ni Kenn nang ilang araw. Mas gusto ko rin naman ito para makapag-isip-isip ako. Lalo na’t wala akong mapagsabihan ng bagay na ito ngayon. Hindi kasi ako gaanong kumportableng pag-usapan ang tungkol dito sa iba kahit pa kay Neyjan o kay ate Esmi.

Ngayong alam ko na ang nararamdaman ni Kenn, gusto ko namang malaman ang tunay kong nararamdaman. Ayaw ko kasing magpadalos-dalos at ayaw ko rin namang magpadala sa sitwasyon. Baka kasi makagawa ako ng desisyon dahil lamang sa sobrang bilis ng mga pangyayari.

Isang araw ay nagkaroon ng game sa school. Kasama kong nanonood si Dianne at Cid.

Medyo hindi maganda ang pakiramdam ko sa mga oras na iyon. Maulan na kasi ang panahon ngayon at naulanan nga ako nang nakaraang araw kaya sinipon ako.

Habang nanonood nga kami ay bigla na lamang sumakit yung ulo ko at pakiramdam ko ay lalagnatin na ako. Napansin naman ito ni Dianne at Cid kaya kinamusta nila ako.

“Okay ka lang ba?” tanong ni Dianne.

“Mukhang lalagnatin ka na yata?” tanong ni Cid. “Ihatid ka na kaya namin pauwi?”

“Okay lang ako,” sagot ko. Kaso bigla akong nahilo kaya napayuko na lamang ako.

“Halika na nga, lumabas na tayo,” sabi naman ni Dianne.

Pagkatapos ay inalalayan na nga nila ako palabas ng gym.

Habang naglalakad nga kami ay bigla naming nasalubong si Kenn.

“Anong nangyari?” tanong nito na may halong pag-aalala.

“Masama yatang pakiramdam ni Shammy,” sagot ni Dianne.

“Iuuwi ko na siya,” sabi ni Kenn.

“Sige,” sagot naman ni Dianne.

Pagkatapos ay kinausap ako ni Kenn.

 “Kaya mo bang maglakad?” tanong ni Kenn. “O buhatin na lang kaya kita?”

Nagtinginan naman si Dianne at si Cid na parehong nakangiti.

“Kaya kong maglakad,” sagot ko. Pero walang anu-ano’y nagdilim yung paningin ko at hindi ko namalayang natumba ako. Pero nasalo agad ako ni Kenn.

Pagkatapos ay binuhat niya ako sa likuran niya. Nanghihina naman ako sa sobrang hilo at napakapit na lamang ako kay Kenn.

“Ako nang bahala sa kanya,” sabi ni Kenn sa dalawa at saka nag-umpisa kaming maglakad.

Nang medyo makalayo kami ni Kenn ay kinausap niya ako.

“Nagpaulan ka ba?” tanong niya. “Dadalhin na muna kita sa clinic.”

Hindi naman ako makasagot.

“Hindi mo kasi iniingatan ang sarili mo, sino kayang mag-aalaga sa’yo kung magkakasakit ka?” tanong niya. “Mag-isa ka pa naman sa inyo.”

Nang makalabas kami sa building ay bumuhos naman bigla ang malakas na ulan kaya nagmadali si Kenn na humanap ng pinakamalapit na masisilungan.

At nakarating nga kami sa covered walk na malapit sa may football field at pansamantala kaming naupo dito ni Kenn.

Isinandal ko naman ang ulo ko sa poste nito at nakatingin lamang kami pareho sa may field. Medyo malakas pa noon ang ulan at malamig ang kapaligiran.

Napansin siguro ni Kenn na giniginaw ako kaya tinanggal niya yung jacket niya at isinuot niya sa akin. Pagkatapos ay ipinikit ko na lamang yung mga mata dahil sumasakit yung ulo ko. Pagkatapos ay naramdaman kong hinawakan ni Kenn yung kamay ko at ikinulong niya ang mga ito sa maiinit niyang kamay.

Sa sandaling iyon ay nabawasan yung sama ng pakiramdam ko. Pagkaraan ng ilang sandali ay humina na yung ulan hanggang sa dahan-dahan itong huminto. Iminulat ko nang dahan-dahan yung mata ko at napangiti ako nang makita ko si Kenn na nasa tabi ko. Pagkatapos ay nangibabaw yung lakas ng tibok ng puso ko. Umihip sa amin yung malamig na simoy nang hangin at napansin ko sa paligid yung amoy ng ulan sa damo at sa lupa. Napakasariwa ng pakiramdam kong kapareho ng nararamdaman ko pagkatapos ng ulan sa madaling araw.

Pagkatapos ay tumingin sa akin si Kenn. Hindi ko alam kung nararamdaman niya yung nararamdaman ko sa ngayon.

Bumilis pa lalo yung tibok ng puso ko habang nakatingin kami sa isa’t isa.

Masaya ako at sa mga sandaling ito ay naging sigurado ako sa nararamdaman ko.

Gusto ko si Kenn. Mahal ko siya.

Gusto kong sabihin sa kanya.

“Kenn…” halos pabulong kong sabi.

Pero dahan-dahan siyang lumapit sa akin at lalo pang bumilis yung tibok ng puso ko.

Biglang bumilis ang mga pangyayari at wala ngang anu-ano’y bigla ko na lamang naramdaman yung mga labi ni Kenn sa labi ko.

Hindi ko alam kung anong gagawin ko at ang magiging reaksyon ko. Pero hindi ako nakagalaw hanggang sa dahan-dahan na lamang akong napapikit.

Pagkatapos ay nawalan na ako nang malay.

Nang magising nga ako ay nasa clinic na ako.

Pagkatapos nga nun ay nagpagaling na lamang ako at tinulungan nga ako ni Kenn na maka-recover. Pero hindi na rin namin pinag-usapan yung nangyari.

IrisWhere stories live. Discover now