Bed Spacer

1.2K 31 1
                                    

Sabi nila kapag bakante daw ang kamang hinihigaan mo at walang matutulog dito, huwag mo raw itong aayusin na para bang may inaasahan kang hihiga rito. Ayon sa mga matatanda, mas mabuti pang guluhin mo ito ng sa ganoon ay hindi ito hihigaan ng mga naliligaw na ispirito sa inyong tahanan.

Pahinga ni Rachel sa trabaho ng araw na iyon dahil Sabado. Malapit lamang sa tinutuluyang condo unit nito at ng kalive-in na boyfriend ang private school for kids na kaniyang pinagta-trabahuan.

Guro ang dalaga sa mga kindergarten kids. Mahilig ito sa mga bata kaya naman pinilit nito ang mga magulang noon na Education ang kuning kurso. Ngayon ay ikatlong taon na niya sa trabaho bilang guro. Mahal na mahal siya ng kaniyang mga estudiyante dahil mabait siya sa mga ito at masayahing tao pa. Karamihan sa mga tinuturuan niya ay nakatira rin sa condo nila.

Ang nobyo naman niyang si Gab ay lumabas kasama ng mga kaibigan nito sa Cubao. Birthday ng isang barkada nito kaya sumama ang binata sa kasiyahan. Pinayagan naman siya ng dalaga dahil bihira lang din itong makalabas at makisaya kasama ng mga katropa niya. Abala kasi silang dalawa sa pagta-trabaho dahil may binabarayan silang bahay at lupa sa Cavite. Plano nilang doon manirahan kung sila ay bubuo na ng pamilya.

Pagkatapos kumain ng hapunan ni Rachel, kinuha nito ang kaniyang school bag at inilabas ang mga report books. Inisip ng dalaga na gumawa muna ng lesson plan para maantok siya at makatulog kaagad. Alam niyang madaling araw na darating si Gab sa condo unit nila.

Magkatext sila ng nobyo habang gumagawa si Rachel ng lesson plan. Nag-a-update ang binata kung ano na ang nangyayari sa kanila. Lilipat daw diumano ang mga ito ng bar. Bar na mayroong nagsasayawang mga babaeng nakahubad.

Nagpaalam si Gab sa nobya kung puwede ba siyang sumama. Alam ng dalaga na hindi gagawa ng kung ano mang ikasisira ng kanilang relasyon ang nobyo at malaki ang tiwala niya rito kaya pinayagan niya itong sumama.

Alas dose ng gabi. Hindi pa rin makatulog si Rachel. Samantalang nasa bar pa rin si Gab at mga barkada nito. Sa inip ng dalaga, itiniklop niya ang mga notebooks na nasa harapan at nagbukas ng cellphone para manood sa YouTube.

Isa isa niyang pinanood ang mga clips galing sa isang teleserye na sikat na sikat ng taon na iyon. Isang oras na ang nakalipas subalit hindi pa rin inantok ang dalaga. Kaya naman kumuha ito ng libro at nagbasa.

Ilang sandali lang ang lumipas ay bumuhos ang ulan. Hindi naman ito kalakasan pero tuloy tuloy ang bagsak nito. Nabalot ng lamig ang buong unit nina Rachel dahil sa pagbuhos nito. Dahil sanay naman sa aircon ang dalaga sa school, binalewala lamang niya ito. Muli niyang ibinaling ang atensiyon sa binabasang libro. Itinuloy niya ang pagbabasa nito.

Habang tumatagal, natutuwa ang dalaga sa binabasang aklat. Tungkol kasi ito sa Leadership style. Kahit papaano ay tugma sa pagiging guro niya. Nakasaad rito ang mga hakbang kung paano humawak ng mga teams mula sa grupo ng mga bata, mga teenagers at mga professionals.

Alas-dos ng madaling araw.

Wala pa sa kalagitnaan ng libro si Rachel ay nakaramdam na siya ng antok. Kaagad na itinabi niya ang libro at nag-ayos siya ng kaniyang sarili. Nagtungo ito sa banyo, nagtoothbrush at naghilamos.

Pagkatapos mag apply ng soothing gel sa mukha at magsuklay, pumasok na ang dalaga sa kuwarto nila at inayos ang kamang pandalawahan.

Naglagay siya ng dalawang unan na magkatabi at nahiga sa kanang bahagi nitong katabi ng dingding. Pinili niya ang puwestong iyon para pagdating ni Gab mamaya ay didiretso na lamang itong hihiga at hindi na siya gigisingin para umusod.

Habang nakahiga at nakatingin sa kisame, naalala ni Rachel ang kasabihan ng mga matatanda sa kanilang probinsya. Tungkol ito sa kamang kapag nabakante raw ng matagal, pinaglalagian ito ng mga multo o maligno. Minsan naman daw ay ayaw lisanin ang kama ng mga ispiritong nakasanayan ng tulugan ito noong nabubuhay pa.

MalikmataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon