Ang mga Unang Uwak

163 1 1
                                    

Noong unang panahon, may isang magandang salamangkera na nagngangalang Corazon. Mayroon siyang buhok na maihahalintulad ang kulay sa apoy, mayroon siyang kutis na parang perlas sa pagkaputi at mga matang kasingkulay ng dagat. Siya ay nag-iisang nakatira sa pinakaibabaw ng isang magubat na bundok. Dahil sa kanyang kapangyarihan, kayang makipagusap ni Corazon sa mga hayop at puno na kasama niyang naninirahan sa bundok.

Isang araw, habang nangunguha ng mga halamang-gamot si Corazon ay lumapit sa kanya ang isang agila.

“Corazon, may isang lalaking walang malay sa may bandang kanluran. Sa tingin ko ay naaksidente siya habang umaakyat dito sa bundok,” sabi ng agila.

“Halina’t dalhin mo ako sa kanya, delikado ang parteng iyon ng bundok para sa mga estranghero,” sagot ni Corazon sa kaibigang agila.

Nang makarating si Corazon sa kinalalagyan ng binata ay nakita niya itong sugatan. Matangkad ang binata at may kagwapuhan. Kulay tsokolate ang kanyang mga buhok at kayumanggi ang kanyang kutis. Humingi si Corazon ng tulong mula sa mga kaibigang tigre para madala sa kanyang tahanan ang binata.

Pagdating sa kanyang tahanan ay agad na nilinis ni Corazon ang mga sugat ng binata, tsaka pinahiran ng gamot na gawa sa dinikdik na iba’t ibang halamang-gamot. Makalipas ang ilang oras ay nagising na ang binata.

Si Corazon ang unang nakita ng binata pagmulat niya ng kanyang mga luntiang mata. Nagulat ito at tinanong ang salamangkera, “Sino ka? Nasaan ako at bakit ako nandito?”

“Ang ngalan ko ay Corazon, ako ay naninirahan dito sa bundok na ito. Nakita kitang walang malay at sugatan kaya’t pinili ko na dalhin ka dito sa aking tirahan para magamot ang iyong mga sugat,” sagot ng dalaga.

“Kung ganon ay nagpapasalamat ako sayo magandang binibini. Ang pangalan ko nga pala’y Miguel.”

Nang marinig ni Corazon ang pagtawag sa kanya ng binata na maganda ay naramdaman niyang namula ang kanyang mga pisngi. Nagpakilala din siya at sinabi kay Miguel na siya’y pupunta sa kusina upang magluto ng kanilang hapunan.

Pagkalipas ng ilang araw ay gumaling na ang ilan sa mga sugat ni Miguel. Dahil sa nakakatayo na ang binata, pinili niyang tulungan sa mga ilang gawaing-bahay si Corazon. Tumulong siya sa pagkuha ng tubig mula sa ilog at pagsisibak ng mga kahoy na gagawing panggatong.

Isang araw, habang kumukuha si Miguel ng tubig sa ilog ay narinig niya si Corazon na may kinakausap. Nagtaka ang binata dahil ang alam niya ay silang dalawa lamang ang nakatira sa bundok na ito. Sinundan niya ang kaaya-ayang tinig ng dalaga hanggang sa makita niya ito. Laking gulat na lamang ni Miguel dahil ang nakita niya ay ang dalagang nagalaga sa kanya na may kinakausap na usa. Ang mas lalong ikinagulat ng lalaki ay ang tila pagsagot ng usa sa mga salita ng dalaga. Dahil sa pagtitig ni Miguel kay Corazon ay naramdaman ng dalaga ang presensya ng binata.

“Miguel, ikaw ba ‘yan?” tanong ni Corazon.

Hindi alam ng binata kung sasagot ba siya o hindi. Pero dahil nabuo na ang tiwala niya sa dalaga, lumabas siya sa kanyang kinatataguan.

“Corazon, tama ba ang nakita’t narinig ko? Na nakikipagusap ka sa isang usa?” tanong ng lalaki.

“Oo Miguel, nakikipagusap ako sa usa. Ito ay dahil hindi ako normal na tao kundi isang salamangkera. Ang tunay na dahilan kung bakit dito ako sa bundok naninirahan ay dahil natakot sakin ang mga tao sa aming bayan. Inisip nila baka sumpain ko sila at pahirapin ko ang kanilang mga buhay,” sagot ng dalaga.

Hinanda na ni Corazon ang sarili sa magiging reaksyon ni Miguel sa kanyang pag-amin sa kanyang tunay na pagkatao. Ngunit ang pangamba niya na tatakbo palayo ang lalaki dahil sa takot ay walang saysay.

“Walang alam ang mga taong nagtaboy sa iyo Corazon. Sa ilang araw na magkasama tayo ay napatunayan ko na isa kang mabuting tao. Kung tunay nga ang sinasabi nila na isa kang masamang salamangkera ay hindi mo sana ako tinulungan at hinayaan nalang na mamatay sa bundok na ito.”

Kay ganda ng ngiti na nabuo sa mga labi ng dalaga ng marinig niya ang mga salitang lumabas mula sa bibig ni Miguel. Hindi niya inakala na may taong makakaintindi sa gaya  niyang salamangkera.

Mula noon ay lalo pang gumaan ang loob ng dalawa para sa isa’t isa. Hindi na kinailangan ni Corazon na itago ang kanyang kapangyarihan sa binata. Nagpalitan sila ng kuwento tungkol sa kanilang buhay. Nalaman ni Corazon na si Miguel ay mula sa isang mayaman na pamilya at nagtungo siya sa bundok dahil sa nababagot na siya sa buhay niya sa siyudad. Si Corazon naman ay kinuwento na ang kanilang pamilya ay dating kaibigan ng mga kabayan nila. Ngunit dahil sa pagdating ng agham ay tinalikuran ng mga tao ang kanyang mga magulang at inakusahan pa na sila ang totoong dahilan kung bakit nagkakasakit ang mga tao.

Hindi nagtagal ay nahulog na nang tuluyan ang damdamin ng dalawa para sa isa’t isa. Sinabi ni Miguel na hindi na siya babalik sa siyudad at maninirahan na lamang siya habang buhay sa piling ni Corazon.

Ilang buwan din ang lumipas at patuloy ang pagmamahalan ng dalawang magkasintahan. Maayos na sana ang lahat ng dumating muli ang agilang nakakita kay Miguel. Sinabi nito kay Corazon na may grupo ng kalalakihan na kahawig ni Miguel.

Nang sabihin ni Corazon ang balita kay Miguel ay sinabi ng binata na baka sila ay mga kamag-anak niya na naghahanap sa kanya. Alam ni Miguel na kahit kalian ay hindi papayag ang kanyang ama na tuluyan siyang manirahan sa bundok o ang makasama niya si Corazon. Hiniling ni Miguel kay Corazon na gawin silang ibon ng salamangkera para makatakas makalipad sila at magpunta sa ibang lugar hangga’t hindi pa nakaka-alis ang mga kamag-anak ni Miguel.

Pumayag si Corazon at gamit ang kanyang kapangyarihan ay naging ibon silang dalawa na may mga balahibong mas maputi pa kaysa sa bumabagsak na niyebe. Binalaan ni Corazon si Miguel na huwag masyadong lilipad malapit sa araw dahil baka masunog ang kanyang mga balahibong gawa lamang sa mahika.

Ilang araw ang nakalipas ngunit hindi parin umaalis sa bundok ang mga kamag-anak ni Miguel. Dahil sa kabagutan ay sinubukang magpasikat ni Miguel kay Corazon. Dahil sa kanyang kayabangan ay nalimot niya ang paalala ng dalaga na huwag masyadong lilipad malapit sa araw. Nasunog ang mga balahibo ni Miguel ngunit dahil sa kapangyarihan ni Corazon ay muli niyang nailigtas ang kasintahan mula sa pagkamatay. Pero dahil sa hindi pa ganap ang kapangyarihan ni Corazon ay may kapalit ang pagligtas niya sa buhay ni Miguel. Hindi na niya maibalik ang binata sa anyo nitong tao at mula sa ibong may mapuputing balahibo ay naging ibon nito na may balahibong mas maitim pa sa isang gabing walang sinag ng buwan.

At dahil naawa si Corazon sa dinanas ng kanyang kasintahan, ginaya ng salamangkera ang anyo ng kasintahan at mula noon ay nagsama na sila bilang ang dalawang unang uwak na lumipad sa kalangitan.

Ang mga Unang UwakWhere stories live. Discover now