Pisi

2 0 0
                                        

Itim o 'di kaya'y  maputla halos lahat ng kulay ay lumulungkot
papel ay nalulukot
walang tigil na pag-agos ng luha
sa mga malalalim na hikbi at puot
pighati ay ikinukubli.

Ang tanging naisagot ko lang sa mga labi mong mapanlinlang, malabo at mapanakit ay

sandali,

Handa ako na akuin ang lahat ng pagkakamali
handa ako na magpakumbaba
handa ako na isuko ang lahat
handa ako na gawin ang lahat

ang lahat

Ang lahat ay pikit mata kong tatanggapin
sa harap-harapan mong pananaksak
sa puso kong wasak
damdamin ay batak na batak sa sakit
ganid ang dahilan sa pagiging manhid.

At heto na nga
sambit mo'y ilang ulit ng naglabas pasok sa tenga kong malaon ng mabingi,

Sa mga kasinungalingan mo na nagpapabuhos ng ulan sa pisngi ko
sa nagpapasingkit nito sa tuwing ngumingiti ako
kahit na sa mga kasinungalingan mo

Sa mga kasinungalingan mong daig pa ang gasgas na plaka sa luma
ni isang letra ay wala ng itinatama
Ngunit heto parin ako
muli na namang nangangarap kasabay mo
pinag-tunog bago ang lumang musika na inaawit mo
na sa bawat kumpas mo
muli na naman akong napailalim sa hipnotismo.

Tanga

Walang hipnotismo o mahika
ikaw na ang problema

Ikaw,


Oo ikaw,

Ikaw na walang kadala-dala
ikaw na handang magpakumbaba
para lang ulit sa wala
Ikaw na bigay ng bigay ng lahat
ikaw na handang gawin ang lahat
ikaw na handang isuko ang lahat
kahit na ang resulta'y pinaghalong pait at alat

para lang sa kasinungalingan

madaya ka dahil alam mong hindi kita kayang bitiwan
hindi kita kayang iwanan.

Ngunit pisi ko'y upod na

Hindi na sapat ang salitang
"Mahal Kita"
para pagtakpan ang kasinungalingan at kamalian na kinasanayan na

Hayaan mo na sanang makilala ko muli ang aking sarili
Hayaan mo sanang mahalin ko
kung sino talaga ako

Hayaan mo na akong mag-isa

Kahit na sa simula palang
alam kong hinayaan mo na akong
mag-isang lumaban

"Mahal kita"

Pero

Tama na
Labis na
Kulang pa ba?

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 31, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

PisiWhere stories live. Discover now