"May nagpapatawag po sa inyo.." sabi ng babae. Cinderella ang peg nito. Mabuti na lang talaga't nagbago siya ng ideya niya kundi marami silang Cinderella ngayon.

"Sino?"

"Nasa labas po siya.." pagkawika nun ay tumalikod na ang babae.

"Ano ba 'yan, hindi pa nga ako nakakaupo e, lalabas kaagad."

"Puntahan mo muna, Sis. Doon muna ako sa bar area at baka importante 'yan." ani Laila. Tumango siya sa kaibigan bilang pagtalima.

Ang lamig mo talaga. Inang 'yan. Aniya habang naglalakad palabas. Sa nagkukumpulang mga tao sa dance floor ay parang may napansin na naman siyang Taong Paniki. Sandali lang iyon sa kanyang paningin at parang bigla ding nawala. Inisip na lang niyang baka guni-guni lang. Sa kanyang paglalakad ay biglang may humablot ng kanyang braso. Madiin ang pagkakahawak nito.

"Sumama ka sa akin." tinig ng lalaki.

Hindi mabanaag ni Maricor ang mukha ng lalaking humablot ng kanyang braso dahil may suot-suot itong maskara. Pamilyar sa kanya ang boses nito kaya hindi na siya nagpumiglas bagkus ay nagpaubaya na lang siyang sumama.

Mayamaya'y napagtanto niya na parang sa garden siya dinala nito. Rinig na rinig parin ang ingay ng party mula doon. Huminto ang lalaki sa paglalakad at hinarap siya nito sabay hawak ng kanyang mga kamay.

"M-maricor.." nang muli niyang marinig ang boses nito ay agad na sumikdo ang kaba sa kanyang dibdib. Sa likod ng maskara ng lalaki ay tumitig siya sa mga mata nito. Nakakasiguro na siyang si Jhael ang nasa harapan. Noong nakaraang araw lang ay nalaman niya mula kay Laila na si Jhael daw ang CEO ng J.A Twin Towers. Si Jhael nga ang nakakasama niya sa opisina dahil ang sabi ni Laila, si Ajhel daw ay kasama nito sa kabilang building na isa namang bise presidente ng markerting. Ramdam na naman niyang si Jhael iyon noong una palang dahil kahit papaano ay kilala niya ito o alam niya ang mga katangian ng lalaki.

"Wala ka bang sasabihin sa akin?" ani Jhael.

"Huh? Ikaw ang nagdala sa akin dito tapos ako pa ang hahanapan mo ng sasabihin?" medyo natatawang sabi niya.

"Hindi ko kasi alam kung paano ko sisimulan ang sasabihin ko eh," anas nito. Ang cute lang ng dating. Tumitig siya dito. Sa suot nito'y para itong isang prinsipe.

"About saan ba 'yang sasabihin mo?"

"About sa nararamdaman ko.."

"Diretsahin mo na kasi.."

"I like you!" wika ni Jhael. Napanganga siya sa narinig dahil tugma iyon sa kanyang isipan. Gusto daw siya nito bagay na gusto niyang marinig mula dito.

"Totoo?" paniniguro niya.

"Oo, sa true!" nakangiting sabi ni Jhael. "Ikaw ba?"

"I...." may ilang sandaling hindi niya mahagilap ang sasabihin. Nang akmang magsasalita na dapat siya ay bigla siyang may narinig na sigawan.

"AHHHHHHH!" sigawan ng mga tao. Nagkakagulo ang ilan sa paglabas sa pinagdausan ng party.

"Ano kayang nangyayari?" narinig niyang sambit ni Jhael. Kinakabahan na siya ng malala. Nang may isang babaing tumatakbo papunta sa kinaroroonan nila ay hinarang iyon ni Jhael.

"Bakit kayo nagkakagulo?"

"May mga halimaw! May mga halimaw!" hysterical na sabi ng babae. Sa narinig nila ay parang alam na nila ang tinutukoy nito. Mga Taong Paniki!

"Si Laila!" bulalas niya nang maalala ang kaibigan. Kinabahan siya para dito na nasa loob.

Naramdaman na lang niyang hinawakan siya ni Jhael sa kamay. Sa pagkakataong iyon ay nagtanggal na ito ng maskara. Magkahawak kamay silang tinumbok ang daan pabalik sa loob.

Sigaw Sa DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon