CHAPTER TWENTY-SEVEN

9.3K 378 41
                                    

"Maupo ka nga, Filipa Natalia! Kanina pa ako nahihilo sa iyo!" asik ni Tita Chayong sa akin. Ilang beses ko na kasing naikot ang maliit naming living room. Oo, magkasama na naman kaming magtiya sa iisang bubong. Ang kaibahan lang ngayon tatlo na kami.

"Paano na kung mapahamak na naman si Kaito?" halos mangiyak-ngiyak kong tanong.

Napabuntong-hininga si Tita Chayong. "Hindi naman ganyan kasama si Furukawa-san. Isipin mo na lang anak niya pa rin si Kaito. Nag-iisa niyang tagapagmana."

"Kung nagawa niya itong ipabaril dati, magagawa niya ulit iyon ngayon!"

Umiling-iling si Tita Chayong. "Palagay ko, pamba-bluff niya lang iyon noon para takutin tayo. Huwag kang mag-alala. Kahit paano naman ay kilala ko ang lalaking iyon."

Hindi ako nakumbinsi. Iniwan ko siya sa living room at pumasok sa kuwarto naming mag-ina. Sinilip ko si beybi sa kuna niya. Himbing na himbing pa ring ang tulog. Lumuhod ako sa harapan niya at hinaplos-haplos ko ang kanyang maamong mukha.

"Saan ka pupunta?" tanong ni Tita Chayong. Nakapamaywang ito sa harapan ko paglabas na paglabas ko ng kuwarto.

"May bibilhin lang ako sa seven-eleven, Tita. Kayo na muna ang bahala kay baby."

Pinaningkitan niya ako. Duda agad siya. Iniwas kong magtama ang mga mata namin. Hindi niya dapat mabasa ang mga kilos ko.

"Ano ang bibilhin mo? Ipapakiusap ko na lang kay Roselda."
"Ako na ho. Saglit lang po ako, promise." Dali-dali na akong nagtungo sa pintuan. Hinabol niya ako. Akala ko pipigilan niya ako pero pina-guilty lang pala.

"Sana huwag mo kaming kalimutang maglola. Alam mo naman ang kapalit ng pakikipagkita mo kay Kaito. Hindi lang buhay mo ang malalagay sa panganib."

Tumangu-tango ako at mabilis na lumabas ng pinto.

Sinuot ko ang malaking sunglasses sabay pusod sa buhok. Nagsuot na rin ako ng sombrero para kompleto ang disguise. Sinipat ko ang hitsura sa rearview mirror ng nadaanan kong sasakyan sa parking lot. Kahit kakilala ko pa ang makasalubong hindi nila ako mamumukhaan sa suut-suot kong salamin at sombrero. Magaling at nagawa kong itago ang mga iyon sa dala kong malaking shoulder bag. At least hindi ko na kailangan pang gumawa ng excuse kay Tita Chayong.

Kumusta na kaya siya?

Pagdating ko sa parking lot ng building kung saan ang Banzai Studio biglang kumalabog ang dibdib ko. Tiningala ko ang magarang gusali na kumikintab dahil sa sikat ng araw. Tumingin ako kung saan banda ang upisina niya. Nasa loob kaya siya?

Nataranta ako nang mahagip ng aking paningin ang kabababa sa kotseng si Akio. Tila nagmamadali ito. Tumatakbo pa ito papunta sa building. Mabuti na lang at nakapagkubli ako agad. Muntik na akong humarang sa daraanan niya!

Lord, palabasin mo naman siya kahit saglit lang, o. Gusto ko lang siyang makita kahit sa malayuan. Gusto ko lang masiguro na hindi siya ang tinutukoy sa balita na isa sa mga big bosses ng building na iyon na nasugatan sa pagsabog ng homemade bomb sa parking lot. Please, please Lord!

Nadinig ang panalangin ko. Lumabas siya ng building! Pagkakita ko sa kanya tumabling-tambling ang malandi kong puso. Nabistahan kong mabuti ang guwapo niyang mukha bago niya ito natakpan ng itim na sunglasses. Maliban sa bahagyang panlalalim ng mga mata, hindi pa rin siya nagbago. Parang kahapon lang kami naghiwalay gayong mahigit anim na buwan nang hindi kami nagkita.

Kaagad akong napatakbo sa exit ng parking lot nang makita kong papunta siya sa direksiyon ko. Binaba ko pa lalo ang sombrero para matakpan nito ang mukha ko. Sa kamamadali at dala na rin ng takot na baka makita niya ako roon, hindi ko napansin ang maliit na bato sa dinaanan. Napahiyaw ako nang bigla na lang akong nag-slide. Tumilapon ang suot-suot kong sunglasses at sombrero bago tumama sa semento ang aking pang-upo.

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon