Humugot ng hininga si Bianca, humalukipkip siya at iginala ang tingin sa paligid. Nakatingin pa rin sa kanila ang ilang customers. "Oo. Noong umaga na... niyaya mo akong lumabas. Pero may natanggap kang tawag mula sa isang kliyente kaya hindi ko na nasabi. Hindi rin ako nakahanap ng pagkakataong sabihin sa 'yo bago ang araw na iyon dahil—" Napahinto siya sa pagsasalita. Ano ba ang ginagawa niya? Balak ba talaga niyang sabihin kay Ross na insecure siya noon kaya hindi sinabi rito ang totoo? Na natakot siyang mawala ang interes nito sa kanya? Ano pa ang magiging silbi niyon ngayon?

"Dahil ano, Bianca?" untag ni Ross sa seryosong tinig.

Ibinalik niya ang tingin sa mukha nito. Nagtama ang kanilang mga mata at bigla, napagtanto ni Bianca na hindi niya magagawang magsinungaling kay Ross ngayon. At least, tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa relasyon nila ni Ferdinand Salvador.

"Dahil natakot ako na kapag nalaman mo na isa lang akong simpleng tao na kailangang magtrabaho ng night shift sa isang coffee shop habang may isa pang trabaho sa araw para lang mabuhay ay mawala ang interes mo sa akin," pag-amin niya.

Kumunot ang noo ni Ross. "May isa ka pang trabaho bukod dito?" manghang tanong nito.

"Oo. Encoder ako sa isang kompanya. Sobrang baba ng suweldo. Hindi sapat para sa mga plano ko sa buhay."

"At sa tingin mo mawawala ang interes ko sa 'yo kapag nalaman ko ang tungkol doon? Bakit mo naisip 'yon?" kunot-noo pa ring tanong ng binata. Mukha itong nainsulto na hindi mawari.

Nag-init ang mukha ni Bianca at napahigpit ang pagkakahalukipkip. Unti-unti na siyang napapahiya dahil nare-realize na wala ngang kabuluhan ang insecurities niya noon. Nagkibit-balikat na lamang siya at pasukong umamin. "Dahil mukha kang mayaman at propesyonal, at ang mga lalaking katulad mo ay hindi lumalapit sa babaeng katulad ko." Bumakas ang inis sa mukha ng binata kaya mabilis niyang itinaas ang kamay. "Okay. Sorry. Alam kong mali ang naisip ko." Alam ko na rin na hindi ka ganoong klase ng lalaki.

Marahas na bumuga ng hangin si Ross at pinakatitigan siya. "Well, sinabi mo na sa akin ang totoo. Hindi nabawasan ang interes ko sa 'yo, Bianca."

Sumikdo ang kanyang puso at ilang sandaling nakipagtitigan lang kay Ross.

Hanggang muling magsalita ang binata. "At alam ko na interesado ka rin sa akin. Kaya bakit sa gabi na dapat lalabas tayo, sinabi mong huwag na kitang tatawagan? Bakit hindi na kita nakontak pagkatapos nang gabing iyon?"

Sandaling nag-alangan si Bianca bago sumagot. "Itinakbo ko sa ospital ang nanay ko nang gabing 'yon. Muntik na siyang mamatay dahil hindi ko napansin agad na may dinaramdam siya."

Natigilan si Ross, pagkatapos ay lumambot ang ekspresyon sa mukha.

Nag-init ang mga mata ni Bianca sa biglang pagpapakita ni Ross ng compassion para sa kanya. It reminded her of something. Para bang nakita na niya ang ganoon ding ekspresyon. Hindi lang niya maisip kung saan at kanino nakita.

"Kung gano'n, sana'y sinabi mo sa akin. Hindi 'yong bigla mo na lang akong pinaalis sa buhay mo. Hindi ba sinabi ko sa 'yo, handa kitang tulungan? Why did you have to push me away, Bianca?" tanong ni Ross na nasa tono ang frustration.

May kumirot sa puso ni Bianca at nag-iwas ng tingin bago pa tuluyang maiyak, bagay na hinding-hindi niya hahayaang mangyari. "Hindi pa tayo lubusang magkakilala noon. Na-guilty ako na dahil masyadong natuon ang isip ko sa 'yo, napabayaan ko ang nanay ko. Besides, may tumulong na sa akin."

Ilang segundong tila natigilan si Ross bago nagsalita. "Si Ferdinand Salvador ba ang tumulong sa 'yo?"

Pagak na natawa si Bianca at muling tumingin sa matigas na ekspresyon ng mukha ng binata. Mukha itong galit. "Kung tinulungan niya ako, sa tingin mo, guguluhin ko siya ngayon? Siya ang una kong hiningan ng tulong pero tumanggi siya," may pait sa tonong sagot niya.

Nagtagis ang mga bagang ni Ross. "Pero hiningan mo pa rin siya ng tulong. Ibig sabihin, may relasyon na kayo bago mo pa ako nakilala?"

Mabilis na itinikom ni Bianca ang mga labi. Sumobra na ang kanyang mga nasabi. Nag-iwas siya ng tingin at tumayo na. "Ibalik mo na ako. Baka nag-aalala na ang driver ko." Actually, driver ni Mrs. Charito. Pero hindi na iyon kailangan pang malaman ni Ross.

Mabilis na tumayo ang binata at hinawakan siya sa braso. "Hindi pa tayo tapos mag-usap, Bianca."

Frustrated na tiningnan niya ang mukha nito. "Ayoko nang pag-usapan pa ito ngayon. Please, ihatid mo na ako."

Halatang nagtatalo ang loob ni Ross kung pagbibigyan siya o hindi. Sa huli, marahas na bumuntong-hininga ang binata. "Fine. Pero iyon ay kung mangangako ka sa akin na hindi ka na lalapit kay Ferdinand."

Lalong itinikom ni Bianca ang mga labi.

Seryosong sinalubong ni Ross ang kanyang tingin. "Mangako ka, Bianca."

Nag-iwas siya ng tingin. "Oo na."

Mukhang napanatag na ang binata kaya lumuwag ang paghawak sa kanya.

Ngunit sa kalooban ni Bianca, alam na hindi niya kayang tuparin ang pangakong iyon.

Bachelor's Pad series book 2: THE FALL OF A WOMANIZERWhere stories live. Discover now