---ALESSANDRA---

7.5K 72 2
                                    


Halos hindi mapagkit ang kontentong ngiti sa mga labi ni Alessandra habang pinagmamasdan ang mga estudyante sa campus ground ng Peterson University. Pagkatapos niyang maglibot sa buong campus ay dumiretso na agad siya sa opisina ng kaniyang asawa para saglit na magpahinga. Napangiwi siya nang maramdaman ang malakas na pagsipa ng sanggol na nasa sinapupunan niya.

“Aray naman baby, sandali na lang babalik na si daddy.” masuyong hinaplos niya ang pitong buwang tiyan at muling dumungaw sa bintana. Muling sumilay ang ngiti sa mga labi niya. Napakaraming alaala ang nabuo sa isip niya ngayon habang tinatanaw niya ang malaking unibersidad na pag aari ng mga Olivarez.

Noon ay isa lang siyang simpleng estudyante. Hindi siya maganda at higit sa lahat ay hindi siya nagmula sa mayamang pamilya kaya hindi na siya umaasa na may isang mayaman at gwapong prinsipe ang magbibigay ng atensiyon at pagmamahal sa kaniya.

Pero dumating si Vaughn sa buhay niya. Aksidenteng nakulong sila noon pareho sa isang abandonadong silid sa Peterson University dahil sa kagagawan ng mga schoolmates nila. Si Milady ang may pakana ng lahat. Kaklase niya ito at kilala ito sa buong school dahil isa itong sikat na modelo. Hindi natuloy ang plano nito na makulong sa isang silid kasama si Vaughn matapos magkagulo ang lahat dahil nagkaroon ng bomb threat sa labas ng unibersidad.

Sa hindi inaasahang pagkakataon habang takot na takot siya at nagtatago sa isang mabaho at madilim na silid ay biglang dumating si Vaughn. Iyon ang unang beses na nakita niya sa malapitan ang anak ng CEO ng school nila kaya ganoon na lang ang gulat niya. Ang plano niyang umalis at iwasan ang lalaki ay hindi na natuloy dahil natuklasan niya na nakalock pala ang pinto ng bodega. Mas lalo siyang natakot dahil mahigit kalahating araw din silang nanatili sa loob ng mabahong bodega noon. Pero nagbago ang lahat nang pilit siyang pinatahan ni Vaughn sa pag iyak. Ikinulong siya nito sa mga bisig nito na parang sinasabi nito na ligtas siya dahil kasama niya ito at nakahanda itong protektahan siya.

“Hey, sweetie.”

Mabilis ang ginawang paglingon ni Alessandra nang marinig ang masuyong pagtawag ni Vaughn sa kaniya.
“Babe.” nakangiting ibinuka niya ang mga bisig.
Lumapit naman ito sa kaniya at niyakap siya. Naipikit niya ang mga mata at sinamyo ang mabangong amoy na nagmumula sa katawan ng asawa. Hindi pa rin nagbabago ang epekto sa kaniya ng mga yakap ni Vaughn. Pakiramdam nga niya ay habang tumatagal ay mas lalo pa niyang hinahanap hanap ang paglalambing nito.

Anim na taon na silang kasal at ang sanggol na ipinagbubuntis niya ay ang pangatlong anak nila. Noon ay kamuntik na siyang sumuko at binalak pa niyang iwan ang lalaki. Sobrang nahirapan siya noon dahil hindi naging maganda ang pakikitungo sa kaniya ng mga tao nang maging girlfriend siya nito. Pilit na ipinapamukha kasi sa kaniya ng karamihan na hindi siya nababagay kay Vaughn dahil maliban sa hindi siya maganda ay hindi rin siya mayaman. Si Vaughn kasi ay kilalang campus heartthrob at maging sa ibang university ay sikat ito. Gwapo at anak mayaman ito. Ang pamilya nito ang may ari ng unibersidad kung saan siya nakapag aral dahil sa scholarship na nakuha niya. 

Hindi sumuko si Vaughn dahil pilit na ipinaglaban siya nito sa pamilya nito at sa mga taong nakapaligid sa kanila. Sa tuwing ipinapamukha sa kaniya ng buong mundo kung gaano kalayo ang agwat nilang dalawa ay naroon naman ito para isa-isahin sa kaniya ang magagandang bagay na minahal nito sa kaniya. Maaaring hindi siya perpekto sa mata ng marami pero wala na siyang pakialam pa. Ang tanging mahalaga lang para sa kaniya ay ang katotohanan na kahit hindi siya nabiyayaan ng magandang mukha ay may magandang biyaya naman na ibinigay sa kaniya ang diyos; ang kaniyang asawa at ang kanilang mga anak.

“Okay na ba?” excited na tanong niya at hinaplos ang magkabilang pisngi ni Vaughn. Natawa siya nang mapansin ang pagsimangot nito. Papaano kasi ay ilang araw na niyang kinukulit ang asawa tungkol sa planong nabuo niya para sa Foundation day ng school. Ito na ngayon ang tumatayong CEO ng Peterson University dahil ang daddy nito ay nagdesisyon nang magretiro sa pamamalakad ng mga negosyo at mamalagi na lang sa Australia.

“Uh, yeah..pero sa tingin mo ba magwo-work ang plano mo?” parang nag aalangan naman na nag angat sa kaniya ng tingin si Vaughn.

Agad na tumango siya. “Ano ka ba, para namang hindi mo alam na ganoon din ang naging takbo ng love story nating dalawa. Alam ko naman na tutulungan tayo ni Kupido kaya relax ka lang.”

“Okay, sabi mo eh, alam mo naman basta ikaw na ang nagsalita ay wala na akong magagawa. Ikaw ang boss ko eh,” nakangiting kinintalan nito ng munting halik ang ibabaw ng noo niya.

Napahagikhik siya. “I know right!”
Hindi na muling nagsalita pa si Vaughn. Iniyuko nito ang ulo para magpantay ang mga mukha nila. Narinig niya ang mabilis na pagkabog ng dibdib niya nang sabik na sakupin nito ang mga labi niya. Kontentong ipinikit niya ang mga mata at hinayaan ang sarili na magpagtangay sa kakaibang damdamin na bumabalot sa kaniya habang nasa mga bisig siya ng kaniyang asawa.

Daig pa ni Alessandra ang bumalik sa nakaraan kung saan magkasama silang nakulong ni Vaughn sa bodega. Ganoon pa rin ang epekto nito sa kaniya. Nag iinit pa rin ang mga pisngi niya sa tuwing ngumingiti ito. Kumakabog pa rin ng malakas ang dibdib niya sa tuwing hinahalikan siya nito. Hinahanap hanap pa rin niya ang mga paglalambing nito at parang iyon na ang nagsisilbing pampagising niya sa tuwing umaga.

Ah, wala na siyang mahihiling pa ngayon dahil isang regalo ang ibinigay sa kaniya ng diyos.

Nang may maalala siya ay mabilis na iminulat niya ang mga mata at bahagyang lumayo kay Vaughn. Umungol naman ito at tinangkang habulin ang mga labi niya pero masuyong itinulak niya ito.

“Nasaan na?” tanong niya.

“Ang alin?” nalilitong tanong pa nito sa kaniya.

Mayamaya ay bigla itong tumango at nagsalita.

“Ah, oo.” nakasimangot na itinuro nito ang isang folder na nasa ibabaw ng mahabang mesa. Bumitiw na siya mula sa mahigpit na mga yakap ni Vaughn at mabilis ang mga hakbang na lumapit sa mesa.

“Yes!” napangiti siya nang buksan na niya ang folder at isa-isahin ang mga nilalaman niyon.

Mayroong anim na larawan sa loob, tatlo para sa mga babaeng estudyante at tatlo naman para sa mga lalaking estudyante. May tatlong maliit na padlocks din sa loob na malaki ang magiging papel sa naisip niyang plano.  

“Nakahanda na ang mga tauhan ko para diyan sa plano mo na hindi ko alam kong ano ba talaga ang purpose.”

“But you love me, right?” nakataas ang isang kilay na tanong niya kay Vaugh.

“Yes,” mabilis na tugon nito. “That’s why I’m willing to do everything for you.”

“Including this?” aniya at itinaas ang mga hawak na litrato at padlocks.

“I love you.” ani Vaughn at huminga ng malalim.

“I love you too, baby.” kontentong lumapit na siya dito at muling yumakap ng mahigpit.

Operation Love Padlocks ang tawag niya sa gagawin niya ngayon. Kagaya ng nangyari sa love story nila ni Vaughn ay may tatlong pares din na makukulong sa mismong araw ng foundation day. Kung sinu-sino ang mga iyon ay isang malaking sikreto. Kaya nga siya nanatili ilang araw sa loob ng university ay para magmasid sa buong paligid at maghanap ng possible target niya.

Naniniwala siya na magiging matagumpay ang plano niya. Hindi imposible na  magkagusto ang isang gwapo, mayaman at sikat na lalaki sa isang ordinaryong babae.

Walang imposible pagdating sa pag ibig. Hindi umiikot ang pag ibig sa pera at hitsura ng isang tao.

Mahal mo siya dahil mahal mo siya. Mahal mo siya dahil mahal mo ang mga flaws niya at ang mga bagay na ayaw sa kaniya ng iba ay nagiging perpekto sa paningin mo dahil ganoon kahiwaga ang pag ibig.

PERFECTLY IMPERFECT TRILOGY: A KISS FROM ME TO YOU by BETHANY SYOn viuen les histories. Descobreix ara