Part 1: Dark Eyes, Promises And Ice Cream

9.4K 220 4
                                    

Noong memorable pa ang birthday ni Jasmin...

PINIPIGILAN lang ni Jasmin na pumatak ang mga luha. Sinumpong na naman ng pagka-bad boy ang Kuya Joshua niya. Bumili ito ng ice cream para sa sarili lang. Alam niya kung bakit ginawa iyon ng kapatid—paiiyakin na naman siya para makabawi sa kanya. Nasa mall kasi sila nang araw na iyon para sa birthday niya sa susunod na araw. Ibibili siya ng regalo ng papa nila. Siya ang bunso kaya papa's girl siya. Hindi nakakalimutan ng papa nila na ibili siya ng regalong bagong damit tuwing birthday niya samantalang kapag birthday ni Kuya Joshua ay tinapay ang ibinibigay na regalo rito ng kanilang ama—tinapay na pagkatapos tikman ni Kuya Joshua ay itinuturo ng ama nila kung paano iyon gawin. Ang laging naririnig ni Jasmin sa ama ay mas pakikinabangan ni Kuya Joshua ang "regalong kaalaman" na iyon kaysa sa gusto nitong laruan o bagong damit.

Si Jasmin naman, bilang babae, ay prinsesa ang turing ng kanilang ama, bagay na laging ugat ng tampuhan nilang magkapatid. Pakiramdam kasi ng kuya niya ay paborito siya ng papa nila. Kapag silang dalawa na lang ang magkasama ay ginagantihan siya ni Kuya Joshua sa pamamagitan ng pagkakait ng mga bagay na gusto niya—tulad ng ice cream na sarap na sarap nitong kinakain nang mga sandaling iyon. Nakabungisngis pa ang kapatid niya habang tinatakam siya. Maganda raw ang naging resulta ng assignment na ipinagawa kay Kuya Joshua ng papa nila kaya bilang premyo ay binigyan ito ng pera na ginamit pambili ng ice cream.

"May sukli pa ako," nang-aasar pang sabi ni Kuya Joshua. Kung hindi lang talaga mas matanda nang tatlong taon ang kapatid niya ay baka lagi niya itong sinasabunutan sa mga ganoong pagkakataon.

Ten years old si Kuya Joshua at si Jasmin naman ay magse-seven years old pa lang sa susunod na birthday.

"Isusumbong kita kay Papa!" nakangusong banta ni Jasmin. Alam niyang sapat lang ang perang ibinigay kay Kuya Joshua dahil mahigpit ang papa nila pagdating sa pera.

Mahalaga ang bawat piso, iyon ang turo ng ama nila sa kanilang magkapatid. Tuwing hihingi sila ng pambili ng candy ay hihingan sila ng ama ng maraming rason kung bakit kailangan nilang bumili niyon. Hindi nito tinatanggap na rason ang "gusto lang" nilang bumili, kailangan daw ay may paliwanag. Wala silang maibigay na paliwanag kaya isusuko na lang nilang magkapatid ang kagustuhang bumili ng candy.

Alam ni Jasmin na may nagawang maganda ang kuya niya para bigyan ito ng papa nila ng premyong pang-ice cream.

"Di magsumbong ka!" ani Kuya Joshua na hindi man lang natakot sa banta niya. "Hindi kita bibigyan nito at hindi ko rin ibibigay ang binili ko sa sukli nito—para sa 'yo 'yon, itatapon ko na lang. Magsusumbong ka pala, eh!"

Namilog ang mga mata ni Jasmin. "May binili ka para sa akin, Kuya? Ano 'yon?"

"Mangako ka munang hindi mo ako isusumbong kay Papa."

Nalukot ang kanyang mukha. "Pangako na naman?" Tulad ng pagpapahalaga sa piso ay tinuruan din sila ng kanilang ama na magpahalaga sa pangakong binitiwan sa kahit kanino. Importante raw ang pagiging tapat sa salita.

"Ayaw mo?"

"Sige na nga! Promise..." Ang sama na ng pakiramdam ni Jasmin. Hindi na nga niya matitikman ang ice cream ay hindi pa niya maisusumbong ang kapatid sa papa nila.

Ngumisi si Kuya Joshua. Lalong napasimangot si Jasmin. Ang ngising iyon ang nagsasabing naisahan na naman siya ng kapatid.

Inilagay ni Kuya Joshua sa likuran ang isang kamay at may kinuha. "O, heto para sa 'yo," sabi nitong nang-aasar ang ngiti. "Prinsesa ka ni Papa, 'di ba? 'Yan, Sampaguita, para sa prinsesa!" Ikinuwintas nito sa kanya ang flower necklace. "Hindi masarap maging prinsesa, 'no? Mas masarap ang ice cream ko!" Nang-aasar pang tumawa ang kapatid niya at patakbong umikot-ikot sa paligid, tinatawanan siya.

Calle Amor PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon