"Ito na ho ang order ninyo, Sir," ngiting-ngiting sabi ng babae nang iabot kay Ross ang Styrofoam cup.

"Thanks," nakangiting sagot niya. Bitbit ang kape, muli siyang bumaling sa direksiyon ni Bianca na nakayuko pa rin sa librong binabasa. Bahagyang naningkit ang kanyang mga mata at naglakad palapit sa babae.

Sa pagkakataong iyon, sisiguruhin ni Ross na makakapag-usap na sila ni Bianca. Kailangan niyang mabigyan ng sagot ang kuryosidad na nararamdaman para sa babae. Hindi siya matatahimik kapag hindi nalaman kung ano ang mayroon kay Bianca na nakakuha ng kanyang atensiyon. Kung ano man ang maging kahantungan niyon, saka na iisipin ni Ross kung ano ang susunod na hakbang.

NANDITO na siya. Hindi nag-angat ng tingin si Bianca subalit sigurado siya na naroon na naman ang lalaking isang linggo nang nagpupunta sa coffee shop nang ganoong oras. Pagpasok pa lamang ng lalaki ay na-tense na agad siya. Sa loob ng isang linggo, tila pamilyar na sa kanya ang presensiya nito. At katulad ng dati, gustong-gusto ni Bianca na mag-angat ng tingin subalit pinigilan niya ang sarili. Hindi niya gusto ang pakiramdam na binubuhay ng lalaki sa kanya. Nakakatakot.

In the first place, bakit ba kasi balik nang balik ang lalaking ito sa coffee shop? At bakit palaging ang puwesto nito ay sa mesa na katapat ng mesang pinupuwestuhan niya? Tinutudyo na siya ni Abigail at maging ng guwardiya na siya raw ang pinupuntahan ng lalaki tuwing umaga. Iyon ba talaga ang totoo?

Kumunot ang noo ni Bianca at wala sa loob na napatitig sa pahinang binabasa ngunit hindi naman naiintindihan. Wala na kasi sa binabasa ang kanyang konsentrasyon.

"You're not really reading."

Sumikdo ang puso ni Bianca sa pagkagulat nang marinig ang baritono at tila amused na tinig. Nag-angat siya ng tingin at nakita ang lalaki na nakatayo hindi kalayuan sa kanya. May ngiti sa mga labi nito at kislap sa mga mata habang nakatingin sa kanya. Hindi niya napansin na nasa malapit na ang lalaki dahil hindi niya narinig ang langitngit ng hinihilang upuan sa katapat na mesa.

"Ano?" tanong ni Bianca nang makabawi sa pagkabigla.

Lalong lumuwang ang ngiti ng lalaki at nagsimulang lumapit. Napaderetso siya ng upo nang sa halip na pumuwesto sa katapat na mesa ay huminto ito sa mismong mesa niya. "Do you mind if I sit with you?" tanong ng lalaki.

Umawang ang mga labi ni Bianca, subalit bago pa makasagot ay hinila na ng lalaki ang katapat na silya at walang anumang umupo roon. Muling sumikdo ang kanyang puso subalit sa pagkakataong iyon, hindi na dahil sa pagkabigla. Nagtama kasi ang kanilang mga binti sa ilalim ng mesa at nagdulot iyon ng kakaibang kilabot sa kanyang buong katawan.

Nang tingnan niya ang mukha ng lalaki ay wala na ang ngiti sa mga labi nito. Ngunit may kakaibang kislap sa mga mata habang nakatitig sa kanyang mukha. Para bang nagulat din ang lalaki na hindi mawari. Naramdaman din ba nito ang kuryenteng naramdaman niya nang magtama ang kanilang mga binti?

Humugot ng malalim na hininga si Bianca at isinara ang librong binabasa. Pasimple rin niyang inilayo ang mga binti. Parang gustong magprotesta ng kanyang katawan na ayaw lumayo ngunit binale-wala iyon. "Hindi mo muna hinintay ang sagot ko kung payag akong umupo ka rito."

Muli ay sumilay ang ngiti sa mga labi ng lalaki. Muntik nang mahigit ni Bianca ang kanyang hininga. Mas guwapo ang lalaki sa malapitan at kapag ngumingiti nang ganoon. Maging ang mga mata kasi nito ay tila ngumingiti rin.

"I assumed you were too distracted to reply," pabirong sabi ng lalaki.

Mariing pinaglapat ni Bianca ang mga labi dahil sa totoo lang, tama ang lalaki. Itinaas niya ang noo. "Kahit na. Bakit hindi ka na lang bumalik sa dati mong puwesto?"

Bachelor's Pad series book 2: THE FALL OF A WOMANIZERDär berättelser lever. Upptäck nu