Chapter 11

52.5K 1.2K 19
                                    

Nang hapong iyon ay parang robot na sunod-sunuran si Kimberly sa ginagawa ng mga kaibigan. Nakikisakay pero malayo ang isip. Ang buong pag-iisip ay okupado ni Renz. Kasama kaya nito si Dianne sa party? Kinakain ng panibugho ang batang puso niya.

Maaga siyang nagising kinabukasan na hindi karaniwan kapag walang pasok. Mabilis na naligo at nagbihis. Isang walking shorts na maong at oversized T-shirt na puti. Nagsuot ng rubber shoes at mabilis na bumaba.

Nasa kusina ang mommy niya na nagulat pa nang makita siya.

"Himala, maaga kang nagising. Alas-siyete pasado pa lang," wika nito na hinahalo ang sinangag.

"Hindi na ako inaantok, Mommy. Bibili muna ako ng pandesal."

"May pinirito akong tawilis, hija. ginayat na kamatis at manggang hilaw. Di ba at paborito mong almusal iyon?"

"Eh, Mom, gusto ko ng pandesal ngayong umagang ito. Iyon bang medyo tostado," pilit niya sabay tingin sa relo sa braso.

"O, siya, sige na. Ang layo ng bilihan ng pandesal, ah."

"Gagamitin ko ang mountain bike ni Kuya." At mabilis na lumabas at tinungo ang garahe. Kinuha ang bike at nagmamadaling lumabas ng bakuran.

Palibhasa'y probinsiya, malamig ang simoy ng hangin sa umaga. Nagtatayugan at naglalakihan ang mga punong nakapaligid sa kanila. Ang pinakamalapit nilang kapitbahay ay kina Laila na pag-aari ng pamilya nito ang kasunod na lupa.

May short cut mula sa kanila hanggang highway. Makitid nga lamang ang daan pero naka-bike naman siya.

Sana'y hindi pa nakararaan si Renz. Limang minuto ding pagba-bike hanggang doon.

Binilisan niya ang pagpedal sa bike. Natitiyak niyang wala siyang makikitang magsasaka dahil sa bukid ang tungo ng mga iyon at hindi sa highway.

Inihilig niya ang bike sa malaking punong nakahapay sa tabing-daan. Naupo na rin siya roon. Bahagya pang hinihingal sa pagpedal nang mabilis. Nakatanaw siya sa bandang kaliwa ng daan kung saan manggagaling ang binata. Di-hamak na mas malapit sila sa bayan kaysa pamilya Marzan. Pero mas malawak ang pag-aaring lupain ng mga ito.

May mangilan-ngilang sasakyan ang pumaparoon at pumaparito, mga pribado at pampubliko. Sampung kainip-inip na minuto ang lumipas. Kinakabahan na siya. Nakaalis na ba si Renz? Napaaga kaya ang oras ng alis nito at kanina pa nakaraan? At kung sakaling hindi naman, ano ang sasabihin niya nto kung makita siyang nag-aabang doon?

Paano kung pagluwas nito ay kasama si Dianne? Balita niya'y papa-Maynila rin daw ang dalaga. Pagtatawanan siya nito. Pinanghihinaan na siya ng loob at naiiyak na. Naisip niyang umuwi na lamang.

Itinayo niya ang bike nang sa paglingon niya sa kalsada ay siya namang pagdaan ng kotseng sinasakyan ni Renz. Kumaway siya pero mabilis ang takbo ng sasakyan.

Nanlumo siya sabay ng paghikbi. Hindi ba siya napansin ni Renz? Pinapahid niya ang luha sa pisngi nang marinig niya ang langitngit ng preno sa malayong unahan. Huminto ang kotse at ngayo'y unti-untmg umatras.

Halos marinig na ni Kimberly ang pintig ng dibdib sa kaba. Ano ang sasabihin niya? Ano ang idadahilan niya sa pag-aabang dito? Huminto ang kotse sa mismong tapat niya. Umikot siya sa driver's seat. Nagbaba ng windshield si Renz. Sandali silang nagkatitigan. Walang salitang lumabas sa mga labi.

Si Kimberly ang bumasag sa nakabibinging katahimikang iyon.

"G-gusto kong... pasalamatan ka... dito sa bracelet," itinaas niya ang kanang braso.

Ngumiti si Renz. "Ilang panahon pa, may magbibigay na sa iyo ng mamahaling singsing."

Nagyuko ng ulo si Kimberly. "H-hindi ko tatanggapin," aniya. Pagkatapos ay muling tumingin sa binata. "H-hindi malinaw ang ipinahihiwatig mo sa sulat."

Sweetheart Series 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon