BM 5

111 13 2
                                    

Malawak ang ngiti ni Sister Pat nang ibalita sa mga madre at mga bata na hindi na kukunin ng may-ari ang bahay-ampunan. Sa kanila pala ibinigay nang namayapang may-ari ang lupa at ang anak lang nito ang hindi pumayag. Buti na lang at nagawa ng abogado ng pamilya ang paglilipat ng titulo sa kanila. Wala nang nagawa ang galit na galit na anak ng may-ari. Kanina lang kasi ay iniabot na ang titulo sa kaniya bilang patunay na sila ang may-ari ng lupa.

"Magandang balita 'yan. Halika, magdasal tayo sa kapilya bilang pasasalamat sa pagtugon ng panginoon sa ating panalangin." Nasisiyahang saad ni Sister Asela. Sumang-ayon naman ang lahat at agad nilang tinungo ang maliit na kapilya na malapit sa gate ng bahay-ampunan.

Sabay-sabay silang lumuhod at nakangiting nagpasalamat.

***

"Patawarin n'yo ako Mr. Agustin, pero hindi ko po pinagbibili ang bahay-ampunan, kahit pa ama ninyo ang may-ari nito. Batas na po ang nagsabi na sa amin ito ibinigay ng inyong ama."

Marahang ibinalik ni Sister Pat ang tseke ng pera na ibinibigay ng kaharap. Bagamat nakangiti ang lalaki ay halata mo ang galit sa kaniyang mga mata at mahigpit ding pagtikom ng kaniyang kanang kamao. Ni hindi sinulyapan ang tsekeng sapat para sa kabayaran ng lupang sa tingin naman niya ay kaniya.

"Pero Sister Pat, wala sa matinong pag-iisip ang aking ama ng gawin niya ang Will. Kaya nararapat lang sigurong bawiin ko ang akin! Buti nga at binibili ko pa na kung tutuusin ay kayang-kaya ko kayong paalisin dito!" Hindi na ito nakapagtimpi at nakapagtaas na ito ng boses sa kalmado pa rin si Sister Pat.

"Matino po ang pag-iisip ng Don ng gawin niya iyon ayon na rin sa abogado. Kung maaari po sana ay sundin na lang natin kung ano ang nasa batas." Tipid na ngumiti si Sister Pat at tumango.

Naniningkit na inilibot ng lalaki ang paningin sa maliit na silid. Kita niya rin sa bintana ang mga batang naglalaro at ilang madre. Maliit lang ang bahay-ampunan pero malawak ang lupain. Nanghihinayang siya sa maaaring kitain oras na mapatayo niya ang komersiyong nais sa lugar na iyon. Handa na ang lahat at hindi siya makakapayag na hindi matuloy iyon kahit pa hindi pumapayag ang madreng nasa kaniyang harapan.

Tumango-tango ang lalaki habang mabilis na tumayo. Dinampot ang tseke at kinuyom sa palad bago ibinulsa. Kung ayaw nitong kinakausap ng maayos, dadaanin na lang niya sa dahas ang lahat. Kahit pa maraming inosente ang madadamay.

***

"Hoy! Bumaba ka raw sa basement at doon ka maglinis." Inihagis ni Krisha ang walis tambo kay Haizen.

May mga nakatoka silang lugar na paglilinisan at kahit minsan hindi siya pinaglinis sa basement. Sila ate Bubbly at si ate Matilda na disi-sais anyos ang madalas na bumababa roon.

"Wala sila ate Bubbly at ate Matilda, inutusan ni sister. Dalawa naman tayong maglilinis doon kaya bilisan mo riyan."

Nauna nang maglakad si Krisha bitbit ang isang dustpan. Kasalukuyang kalalabas niya lang ng banyo at umihi siya nang ihagis nga nito ang walis tambo.

"Pero Krisha, 'di ba gabi na. Maliwanag tayo dapat naglilinis." Walang tao sa paligid at may kadiliman din ang patungong basement. Siguro, nasa kapilya ang ilan. Katatapos lang kasi nilang maghapunan.

"Oo nga. Pero kung bukas pa tayo maglilinis, hindi na tayo makakapaglaro. Kung ngayong gabi na, hindi na tayo maglilinis bukas." Tumigil sila sa tapat ng pinto pababa sa basement. Hindi iyon naka-lock kaya agad na nabuksan ni Krisha.

Napatango-tango naman si Haizen. Oo nga naman, baka matuwa pa ang mga madre dahil maaga silang nakapaglinis.

Bumungad sa kanila ang madilim na hagdanan pababa. Kinuha ni Krisha ang tambo kay Haizen at siya niyang ginamit bilang tukod sa pag-switch ng ilaw. May kataasan kasi iyon. Lumiwanag ang kanilang daraanan. Nauna nang bumaba si Krisha kasunod si Haizen.

Malinis naman ang basement dahil regular naman itong nililinisan. Mga tambak na kung ano-ano lang naman ang naroon. May lumang lamesa, kama, mga kutson at unan, kabinet at karamihan ay mga karton na may iba't ibang laki. Marahil ay mga papel na hindi na ginagamit pero importante.

Kulay dilaw ang nag-iisang ilaw at nagsimula nang magwalis-walis si Haizen nang magpaalam si Krisha. Wala raw silang pamunas ng mga alikabok. Babalik din daw siya kaagad.

Hindi na nagawang tumango ni Haizen dahil nagmamadaling umakyat si Krisha. Sinundan na lang nito ng tingin ang batang kasama at kinuha na lang ang dustpan bago dinakot ang ilan lang namang alikabok.

Nakangiti namang isinarado ni Krisha ang pinto. Isang upuan ang agad niyang iniharang sa pinto. Palabas ang pagbukas niyon kaya mahihirapan ang kung sino mang nasa loob na makalabas.

Sigurado siyang mamaya rin ay hahanapin na ito lalo na si Bubbly. Pero kahit kaunting oras ay nakaganti na rin siya sa kinaiinisang si Haizen.

Inirapan niya pa ang pinto bago naglakad papuntang silid.

***

Maingat na sumampa sa bakod ang limang kalalakihan, bitbit ang ilang galong gasolina. Bilin ng nagbayad sa kanila, kailangang abo na ang buong bahay-ampunan at tiyaking wala ng mapapakinabangan pa kahit na anong gamit.

Patayin din ang makikitang sagabal sa kanilang plano. Bata man o madre. Malaki ang ibinayad sa kanila kaya titiyakin nilang hindi iyon masasayang.

Tahimik ang paligid kahit alas nuwebe pa lang ng gabi. Marahil ay maagang natutulog ang mga taong naroroon. Halos wala ring bukas na ilaw sa paligid at tanging liwanag sa kapilya ang kanilang natatanaw.

Nang makapuwesto na sila sa palibot ng bahay-ampunan, kaniya-kaniya na silang buhos sa kung saan ng gasolina. Tila ba nasisiyahan pang ikalat ang mabahong likidong nasa galon sa bawat parte ng kabahayan. Hindi alintana na maraming buhay ang masasawi, oras na sindihan na ang posporo.

***

Tantiya ni Haizen ay matagal nang nakaalis si Krisha at hindi pa bumabalik. Sinilip niya ang hagdanan paitaas at nakapinid ang pinto. Ilang saglit at medyo nainip na siya. Halos natapos na kasi niyang walisin ang paligid at ginamitan na lang ng tambo ang ilang alikabok na nakita. Walang pagmamadaling tinahak niya ang hagdan paakyat. Pinihit ang seradura subalit ayaw namang bumukas. Ilang subok pa at itinutulak niya ito subalit hindi man lang natinag ang pinto.

Kinakabahan na ang batang si Haizen kaya sa bawat pagpihit niya ay halos inuubos na niya ang lakas sa pagtulak sa pinto, sa pag-asang kahit kaunting uwang ay bubukas iyon, subalit bigo siya. Kaya kinalampag na niya ang pinto kasabay sa pagtawag sa pangalan ni Krisha, ni Bubbbly at ilang madreng maaaring makakarinig sa kaniya.

***

Kanina pa hinahanap ni Bubbly si Haizen. Nakaligtaan niyang i-tsek ang bata dahil na rin sa pagod sa pamimili ng ilang gamit pamasko kanina. Kasama niya si Matilda at dalawang madre. Buti na lang at naalala niya kanina bago pa man siya makatulog. Subalit, bakante ang higaan nito nang silipin niya at halos kumpleto na ang mga bata sa kanilang silid.

"Haizen, Haizen!"

Isang lugar na lang ang hindi niya napupuntahan at imposible namang magtungo roon ang bata dahil pinagbabawalan ang mga batang pumaroon.

Bumilis ang hakbang niya nang makitang may nakaharang na upuan sa pinto ng basement. Malakas ang kutob niyang naroon ang alaga. Subalit, natigilan siya nang makaamoy ng kakaiba. Inilibot niya ang paningin at nanlaki ang kaniyang mga mata.

Nasusunog ang bahay-ampunan!


Beautiful Mess
Jhavril
2017

Beautiful MessWhere stories live. Discover now