Prologo

10 1 0
                                        

Gusto kong kumawala. Hawak ng dalawang lalaki ang magkabila kong braso at hila-hila nila ako. Wala akong lakas, dahil siguro sa itinurok nila sa akin kanina. Kailangan kong kumawala. Nararamdaman kong unti-unti nang nawawala ang ulirat ko.

"Ako si Asuna Nagau, 21, Computer Engineer, District V, Silla Village. Ako si Asuna Nagau, 21, Computer Engineer, District V, Silla Village. Ako si Asuna Nagau, 21, Computer Engineer, District V, Silla Village." Paulit ulit kong dikta sa sarili ko. "Asuna Na ̶"

"Hindi mo na maalala ang pangalan mo pagkatapos nito." Pagputol niya sa mga dikta ko. "Magiging katulad ka na ng iba."

"Hindi! Kung inaakala mo dito na magtatapos ang lahat, nagkakamali ka." Gusto ko sana siyang sampalin pero naka-strap ang mga kamay ko sa kama. Mukhang tama nga siya. Ito na yata ang katapusan ko.

"Paalam na Asuna Nagau," Tiningnan niya ako sa aking mga mata na may ngiting aso sa mga labi. "Magkita tayo sa kabilang parte. Paalam."

"Demonyo ka! Walang hiya ka! Papatayin kita!" Sigaw ko sa kanya habang papaalis sa madilim na kwartong ito. Unti unting gumalaw ang hinihigaan ko papasok sa kanina pang tumutunog na makinerya papunta sa aking kamatayan. "Humanda ka. Hindi pa ito ang katapusan!" Gusto ko sanang lakasan pa ang boses ko pero wala nang lumalabas na lakas sa aking bibig habang patuloy ang pag-agos ng aking mga luha.

"Asuna Nagau. Asuna Nagau. Asuna Nagau. Asuna Nagau." Garalgal na ang boses ko pero patuloy pa rin ako sa aking pagsigaw ng aking pangalan. Naglalaban ang galit at takot sa aking puso at sa tingin ko ay nanalo na ang pagkatakot ko.

Madilim. Lumulutang ang katawan ko at wala akong nararamdaman. Ganito pala ang kamatayan. Ilang sandali pa ay milyon-milyong sakit ang naramdaman ko sa aking ulo at katawan. Sumigaw ako sa sobrang sakit gusto ko sanang magpakawala pero hindi ko magawa. Tila nawalan na ako ng control sa aking sarili. Ito na siguro ang totoong kamatayan. Ito na ang katapusan ng lahat.

TranscenderWhere stories live. Discover now