Mapait na ang aking hininga. Umiikot na rin ang paningin tulad ng mabilis na pag-ikot ng baso sa halos magdamag na tagayan. Kahit inaharana na ng antok sa saliw ng gitara ng tropa ay nagdesisyon na akong umalis sa umpukan. Uuwi na ako. Pinigilan nila ako. Sabi'y mamaya na laang pag may araw na. Nagpilit ako kahit sa totoo'y parang ayaw ko pa naman talaga.
Inistart ko ang mayabang kong motor at sinimulang patakbuhin sa kalsadang tinipid sa aspalto. Pinilit na hindi gumewang kahit ang siko'y parang kumekembot na bewang. Hinabol ko ang ilaw na nanggagaling mismo sa headlight ng aking motor. Sinagasaan ang maalisangang hangin na galing sa dagat sa aking kanan. 'Ika nga ng iba'y parang nakikipagkarerahan ako kay Kamatayan.
Gusto ko nang umuwi. Humilata. Matulog. Pero bigla akong ginising ng malakas na busina ng trak. Tumaginting ito sa aking tenga. Pinuno ng liwanag ang aking mga mata...
