Iloy

352 1 0
                                    

Bata pa lang si Grace ay iniwan na siya ng kanyang ina para mamasukan bilang domestic helper sa Katar. Simula kasi ng mamatay ang tatay ni Grace sa sakit na kanser ay nabaon na sila sa utang

"O Grace gusto ka raw makausap ng nanay mo sa Skype." Si Aling Pacing, lola ni Grace isa sa mga naiwan para magbantay sa kanya.

"Hello po Mama, kumusta po kayo diyan?"

"Ayos lang ako dito anak. Sobrang miss ko na kayo"

Halos magdadalawang taon nang hindi umuuwi si Loida sa Pilipinas. Simula kasi nang huling uwi niya ay hinigpitan na siya ng kanyang among Arabo. Tumatakas na nga lang si Loida para makatawag at makausap ang kanyang mahal na pamilya.

"Hindi po ba kayo uuwi ngayong pasko Mama?" tanong ni Grace na may halong paglalambing sa kanyang ina. Sumabat naman ang kanyang lola "Naku iha, huwag mo nang itanong sa ina mo yan at marami yang ginagawa. Magpasalamat na lang kayo ni Junjun at may trabaho ang ina niyo. Yung iba nga dito sa Pilipinas kumpleto pero halos mamatay sa gutom"

"Mama naman" saway ni Loida sa kanyang ina "huwag ka naman ganyan makipag-usap sa bata. Huwag kang mag-alala 'nak at uuwi si Mama para magkasama-sama tayo sa pasko at sa bagong taon."

Ikinatuwa naman ito ni Grace. Sumayaw ang kanyang puso sa galak. Tuwang-tuwa na marinig sa bibig ng kanyang ina na uuwi ito sa darating na pasko. Kung alam lang ni Loida kung gaano kalungkot ang kanyang anak noong nakaraang pasko at bagong taon. Kahit kasi saan si Grace natingin ay masaya at kumpletong pamilya ang kanyang nakikita. Magkakahawak ang mga kamay habang pinagmamasdan ang kutitap ng mga naglalarong Christmas lights. Magkasabay na nagsisimba. Magkasabay na kumakain. Magkasabay na nagtatawanan at nagyayakapan. Ito ang paskong kinainggitan ni Grace noong nakaraang taon. Kaya hindi rin mailalayo sa kanya ang magtampo.

"Naku Loida huwag kang basta basta mag bitaw ng ganyan kay Grace. Sisirain mo lang ang pasko ng bata" sabat muli ni Lola Pacing.

Sumimangot ang mukha ni Grace at nagdabog papasok ng kanyang kwarto. Nainis kasi ito sa mga salitang narinig galing sa kanyang lola. Ang hiling lang naman niya ay makumpleto ang kanyang pamilya.

"Tignan mo Ma, nagtampo tuloy yung bata"

"E paano hindi mag gaganyan ang ugali ng anak mo e walang disiplina. Hindi ko naman mapalo ang mga yan dahil hindi naman ako ang ina"

Napahinto si Loida at napabuntong hininga. Totoo naman ang mga binitawang salita ng kanyang ina. Dahil nga sa tagal nito sa Katar ay hindi na niya naasikaso ang mga anak. Hindi niya rin ito nadisiplina, kaya minsa'y hindi nito magawang magalit tuwing nagpapakita ang kanyang mga anak nang hindi magandang asal. Iniisip na lang ni Loida na ito ang kapalit ng pagtratrabaho niya sa ibang bansa. Kapalit ng magandang kinabukasang pangarap niya sa kanyang mga anak.

"Nasaan na nga pala si Junjun? tanong ni Loida.

"Nasa barkada. Hindi umuwi, kagabi pa"

"Ano ba naman yan Ma. Ba't hindi niyo man lang mapagsabihan"

"Naku Loida, matanda na ako. Kung sa'yo nga hindi nakikinig sa akin pa kaya?"

Hindi napigilan ni Loida ang magdamdam kaya nagpaalam muna ito sa kanyang ina. Nagsabing muling tatawag para makausap ang kanyang anak na si Junjun. Si Junjun ang panganay na anak ni Loida. Dalawang taon na lang sana ay gagradwetyt na sa kursong BS Nursing ang kanyang panganay, kaso ilang beses itong bumagsak. Hindi tuloy makausad sa susunod na baitang. Si Junjun sana ang papalit sa kanya para magtrabaho sa ibang bansa. Balak niya kasing dalhin ang anak sa Germany kung saan demand ang mga nurse. Malaki ang sweldo, limang beses na malaki kesa sa sinasahod niya. Sobrang proud niya sa kanyang anak. Palagi niya itong pinagmamalaki sa mga kasamang kababayan.

"Ito yung anak ko si Junjun. Malapit na maging nurse yan." Nakangiti habang hawak ang litrato ni Junjun na nakasuot ng puting uniporme.

"Ang swerte mo naman Loida sa anak mo. Malapit ka na mag retiro. Ako, yung anak ko paiba-iba ng kurso. Noong nakaraang taon HRM ngayon gusto naman daw mag Computer Engineering. Naloka ako, akala niya ata tumatae ako ng pera dito sa Katar. Hindi niya alam na taga hugas ako ng puwet ng mga matatandang malapit na mamatay." Ito ang normal na usapan tuwing linggo. Isang araw lang kasi kung mag day off ang mga kagaya niyang Pilipino sa Katar. Tuwing linggo ay nagkikita-kita sila para magkwentuhan, mag-bingo, kumain at makalimutan saglit ang problema sa bansang kanilang iniwan.

Ang totoo niyan, si Junjun lang talaga ang hinihintay niya. Maka graduate lang ang anak ay uuwi at uuwi siya. Hindi na rin kasi siya makatagal sa Katar dahil sa takot. May bali-baita kasing magkakaroon ng giyera dahil sa usaping langis ng mga magkakatabing bansa. Hindi rin maalis sa isip niya na posibleng madamay silang mga Pilipinong nandito, lalo na't mahina ang boses ng ating embahada pagdating sa karapatan ng mga migrante. May isa ngang insidente, isang pinay na humingi nang tulong dahil sa pang-aabusong nararanasan sa kanyang among Arabo. Imbes na tulungan ay kinulong pa ito. Minsan, naisip ni Loida na ayos na rin ang magutom basta magkakasama. Kaya niyang magtiis sa saba at kamoteng kahoy. Bigla siyang natawa, hindi kasi sanay sila Junjun at Grace kumain ng gulay. Nasanay sila sa manok at baboy, galit pa nga kapag nag-ulam ng isda.

Nag video call muli si Loida para hanapin si Junjun. Hindi kasi siya mapakali hangga't hindi nakakausap ang anak. Agad naman itong sinagot ni Aling Pacing na mugto ang mga mata.

"O bakit mugto ang mata mo diyan? Nanood ka na naman ba ng mga Koreanobela?"

Hindi sumagot si Aling Pacing at tinawag si Junjun. Kinausap naman agad ito ni Loida "Jun kumusta ka na? Hindi mo pa sa akin pinapakita ang grado mo."

Nakayukong kinausap ni Junjun ang kanyang ina "Ma ayos naman po."

"Bakit ganyan ka sumagot may sakit ka ba?"

Sumagot naman ang kanyang anak "Wala po Mama."

"Hindi ako naniniwalang walang problema."

Kilala ng ina ang kanyang anak. Alam nito kung kailan ito malungkot at kung kailan ito masaya. Alam rin ng ina kung may problemang gumugulo sa kanyang anak. Instinct ito ng isang ina. Kahit malayo si Loida sa kanyang mga anak ay alam nito kung may problema ba 'to o wala. Ganito rin ang eksenang nanyari nang minsan aminin ni Junjun na ilang araw na siyang hindi pumapasok. Inamin rin sa kanya na hindi nito binabayaran ang tuition na pinapadala niya. Halos magunaw ang mundo niya n'ung oras na yun. Kaya sa pagkakataong ito ay inunahan na niya ang anak.

"Bumagsak ka na naman ba Jun?"

Hindi pa rin umiimik ang kanyang anak. Napaluha si Loida at muling nagsalita "Pagod na ako magtrabaho dito Jun. Hindi ako nagpupulot ng pera."

Hindi na rin napigilan ni Junjun na tumulo ang kanyang luha "Ma I'm sorry, nabuntis ko si Leah. Dalawang buwan na siyang buntis."

Nabingi si Loida sa narinig. Hindi niya masabi ang mga salitang gusto niyang sabihin. Muli na namang nagunaw ang mundo niya. Bumagsak ang kanyang balikat at naramdaman ang pagod na tiniis ng ilang taon. Pagsubok lang ito sabi niya. Walang pagsubok ang hindi ko kayang lagpasan. Magtitiis ulit si Loida at sana sa susunod na taon ay makauwi na siya.

IloyWhere stories live. Discover now