"Ah pasensiya na, Luna. Amoy pawis na ata ako," nahihiyang wika ni Isko.

"Ha?" biglang sagot ni Luna. "Naku hindi kita inaamoy, pasensiya na." Sumilip ang kiming ngiti sa kaniyang mukha. Nahihiya niyang inalis ang paningin sa binata. "Dito nga pala tayo," sabi niya sabay talikod kay Isko. Mabilis siyang naglakad palayo sa pangunahing kalsada at tinahak ang daan patungo sa kabilang kalye.

Mabilis rin ang pagsunod sa kaniya ni Isko. Ramdam ni Luna ang pagsisikap ni Isko'ng makatabi siya habang naglalakad, ngunit dahil sa dami ng mga taong nakakasalubong, walang nagawa si Isko kun'di sumunod na lamang sa likuran ni Luna.

Nang marating nila ang kalyeng hindi gaanong abala, mabilis na tumabi si Isko kay Luna at sinabayan ito sa paglakad.

"Uhm... kumusta ka na nga pala?" nahihiyang tanong ni Isko.

"Ah, maayos naman na simula nung natulungan kami ni Santi," sagot ni Luna. "Paano mo nga pala ako nahanap?" Biglang siyang huminto sa paglakad at hinarap si Isko. Bigla niyang napansin ang malaking pilat sa sentido ng binata. Doon, naalala niya ang kasalanang ginawa niya rito. Nalungkot ang kaniyang puso. Nais sana niyang humingi ng tawad sa hindi niya sinasadyang pananakit sa binata. Ngunit dahil sa hindi inaasahang sagot ni Isko, bigla na lamang nawala sa isipan niya ang paghingi ng tawad.

"Ah, kay Tina ko nalaman kung nasaan ka."

"Kay Tina?" buong pagtatakang tanong ni Luna. "Paanong?..."

Ipinaliwanag ni Isko ang tungkol sa pag-uusap nila ni Tina ukol sa kinaroroonan niya. Ngunit imbes na maliwanagan si Luna ay lalu pa siyang naguluhan. Kung kaya't minabuti ni Isko'ng simulan muna ang paliwanag tungkol sa umpisa ng pagkakaibigan niya sa apat na kaibigan ni Luna, hanggang sa pagtatapat ni Sir Santi kay Tina tungkol sa kinaroroonan ni Luna, hanggang sa desisyon niyang puntahan ito sa Iloilo.

"Simula ng malaman kong narito ka, hindi na ako mapakali," sabi ni Isko. Sinabayan niya ang mabagal na paglakad ni Luna. "At inabot din ako ng ilang araw bago kita natunton. Tumawag nga ako kagabi kina lola at Juan para magsabing hindi pa ako makakabalik ng Maynila. Ang usapan kasi namin ay babalik na rin ako roon sa ikalimang araw."

Biglang naalala ni Luna ang napanood sa telebisyon – isang taon na ang nakalipas. Ang paglapit nina Isko at Aling Bising sa awtoridad upang makuha si Juan sa pangangalaga ni Aling Angela ay naging isang malaking balita. Lubos ang pagkagulat ni Luna ng malamang si Aling Bising (na may-ari ng kantinang kinakainan nilang magkakaibigan malapit sa Unibersidad) ang lolang tinutukoy ni Isko.

Tinutukan ng mga tao ang kuwento tungkol sa nakakagambalang tradisyon sa kanilang barrio. Kani-kaniyang kumento ang lumutang. Napakarami ang nagalit. Halos isumpa ng lahat ang mga salarin sa kanilang mga nagawa. Mayroon din namang pangilan-ngilan na pilit inuunawa ang sitwasyon ng mga taga-barrio. Hindi rin nawala ang mga kumentong piniling ipagdasal na lamang ang mga buhay na ibinuwis sa bukirin. At ang iba nama'y awa na lamang ang tanging nasabi.

Noon, naisip din nina Luna'ng lumapit sa pulisya upang makuha si Lino sa pangagalaga ni Aling Angela, ngunit hindi nila nagawa dahil sa maselan niyang kalagayan. Nagdadalang tao siya noon, at hirap siya sa kaniyang pinagbubuntis. Malayo ang Visayas sa Luzon, at hindi niya magawang magbiyahe ng malayo dahil sa maselang kundisyon. Hindi rin naman magawang umalis ni Nina ng mag-isa at iwan siya. Natakot si Nina'ng ipagkatiwala si Luna sa iba dahil siya na lang ang natitirang pamilya niya't kadugo nito. Kung kaya't napagdesisyunan ng magkapatid na pansamantalang ipaubaya na lamang si Lino sa kasalukuyang nangangalaga sa kaniya. At susubukan na lang nila itong kunin sa panahong kaya na nila.

"Kumusta na nga pala ang kapatid at lola mo?" tanong ni Luna.

"Maayos naman sila," masayang tugon ni Isko. "Nasa Maynila sila ngayon, sa kantina ni lola. Doon tumutuloy ang lola sa tuwing may pasok. Umuuwi lang ng Laguna kapag bakasyon."

Ang Lihim ng LunangayinWhere stories live. Discover now