PINTUAN
© Mina Yocte
Nakabibingi ang katahimikan. Tanging tunog ng paglipas ng oras at buhay ang naririnig ko dito.
Kung sabagay, mag-isa lang naman ako dito. Ang pag-iisa ay isang digmaang kinasanayan ko na. Simula't sapul, naging kasama ko na ang pag-iisa. Hindi ito malungkot. Itinuring ko itong isang regalo. Ang dala nitong katahimikan at kapayapaan ang siyang nagbibigay sakin ng tiyak na ritmo. Hindi ko kailangan ng kahit anong istorbo dito. Madami pa akong balak gawin. Hindi ko kailangan ng mang-aabala sa akin.
Pero isang araw, isang magandang araw, may dumating. Kumatok ng matagal sa pintuan habang inaawitan ako ng mga mabubulaklak na salita. Ayoko sanang pagbuksan, pero tila hindi ko maiwasang papasukin sya at iabot sa kanya ang susi.
Sa pagdating nya, doon ko napagtanto na hindi lamang ang lungkot ang naghahanap ng kasama. Naghahanap din ng kasama ang saya. At ang pagdating niya ang isa sa mga una kong pagpapala. May musika, may ngiti, may liwanag. May saya. Ngunit umalis siya bigla. Wala ni isang salitang magpapahiwatig ng paglisan niya. Ni hindi ako nabigyan ng pagkakataong magalit, manumbat.. o magpaalam man lang.
Muli, ang pag-iisa ay nanumbalik na. Kayhirap palang umusad at makalimot kapag ang iyong pananahimik ay naantala. Kayhirap hanapin ng mga melodiyang minsan mong napakinggan. Ang mga masayang ritmo kung saan minsan kayong umindayog sa galak.
Pero tuloy ang buhay. Ang muling pag-iisa ay hindi na isang biyaya bagkus ito ay tila isang sumpa.
Marami pa ang nagmuling kumatok, pinagbuksan at di katagalan ay lumisan. Sa bawat pagbukas ko ng pinto ay umaasa akong ang aking matatagpuan ay hindi na pag-iisa kundi panghabambuhay na saya.
Ang huling kumatok ay muling lumisan tulad ng iba. Napayuko ako sa sahig. Nakita ko ang bakas ng mga paa niya gayundin ang mga mula sa nauna. May naiiwang bakas ang bawat pumapasok. Kaya pala ang hirap nila kalimutan ay dahil nag-iiwan sila ng marka.. ng pasa.. ng mga bubog na naiiwang nakabaon at patuloy na nagdudugo.
Ayoko na. Pangako, hindi na ulit ako magpapapasok dito.
Kumulog. Kumidlat. Nakikiramay yata ang langit sa pagdurusa ko.
Kasabay ng pag-ulan ay ang pagsara ng pintuan.. ng puso kong hindi ko na bubuksan kailanman.
