Biglang nagmura si Lucas sa galit. “Nandiyan lang ‘yan!”

“Lucas, wala talaga. Hanapin natin siya…”

“Paano ‘to?” Itinuro siya si Lucas.

“Mamaya na ‘yan. Importanteng mahanap natin si Lourdes.” Inalis ni Sylvia ang mga kamay ni Lucas at nagpahid ng luha.

“Anak ng—“

“Lucas, sige na. Makakapaghintay pa ‘yan.”

“Alam mo Sylvia, panira ka ng pagkakataon,” gigil na wika ni Lucas. Nakakuyom ang mga palad nito.

“Hindi ‘yan makakawala! Ano ba?!” Nagwawala na si Sylvia.

“Sige na, sige na!” Iyon ang huling sinabi ni Lucas bago tuluyang umalis kasama si Sylvia para hanapin si Lourdes.

 Abot langit naman ang pasasalamat ni Ferel sa nangyari dahil kahit papaano ay hindi natuloy pansamantala ang maitim na balak sa kanya ni Lucas. Makakaisip pa siya ng paraan upang makaalis sa silid na iyon.

Pilit niyang ibinaba ang nakataling mga paa mula sa kama at dahan-dahang tumayo. Kailangan niyang makahanap ng isang matalim na bagay na pwede niyang magamit upng makalas ang lubid na nakatali sa kanya. Hindi niya maihakbang ang mga paa kaya tumalon-talon siya para lang mapuntahan ang pinto.

Ilang  pulgada na lang ay makakalabas na siya nang biglang tumambad sa kanya ang payat na katawan ng isang babae!

Nabuwal siya sa kinatatayuan sa sobrang gulat at takot na biglang bumulaga sa kanya. May dala itong kandila na nakalagay sa loob ng isang malinaw na babasaging baso at ang kabilang kamay naman nito ay may kawak na kutsilyo.

“L-Lourdes?” Agad niya itong nakilala.

“Ferel,” sambit nito sa pangalan niya na basag ang boses.

Nagkakapagsalita si Lourdes! Hindi niya alam ang sasabihin. Mistulang isang multo ang nasa harapan niya ngayon. Papaanong nakapagsalita na ito? Nakasalampak pa rin ang nabuwal niyang katawan sa sahig. Parang nanigas ang buo niyang kalamnan dahilan upang hindi siya makakilos.

Lumapit ito sa kanya at umupo harap niya. Marahan nitong inilapag ang kandila sa sahig pero hindi ang patalim na hawak nito.

“Tutulungan kitang makaalis dito, Ferel,” bulong nito sa isang malamyos na boses.

Totoo ba ang naririnig niya? Si Lourdes na ba ang kasagutan sa panalangin niya na taong magliligtas sa kanya? “P-paanong…” Hindi niya maituloy ang itatanong sa gitna ng kalituhan sa nakikita niyang kinikilos ng kaharap niya.

Hinawakan nito ang binti niya at inilapit ang patalim sa tali. Madiin at mabilis ang ginawang paghiwa nito sa lubid kaya agad din iyong naputol. Pagkatapos ay mabilis itong lumipat sa kayang likuran upang ang tali naman sa mga kamay niya ang kakalasin nito. Naramdaman niyang lumuluwag ang tali at ilang sandali pa ay naikikilos na niya ang mga kamay.

Dali-dali siyang tumayo at hinarap si Lourdes. “Salamat,” sabi niyang hinawakan ang isang kamay nito.

“Huwag kang magpasalamat,” sabi nitong iniyuko ang ulo. “Bumabawi lang ako sa’yo.”

“Wala kang ginawang kasalanan sa ‘kin, Lourdes.”

Inalis nito ang kamay sa pagkakahawak niya at dinampot nito ang kandila na nasa sahig at inilagay iyon sa lamesita na malapit sa bintana. “May kasalan ako sa’yo…” sabi nito na lumapit ulit sa kanya.

“Magaling!”

Sabay silang lumingon sa may pinto. Si Sylvia ang nagsalita at nasa likod nito si Lucas.

ALAALAWhere stories live. Discover now