Ang Mama naman niya e, nakakasira ng diskarte. "Babalik na 'ko sa kwarto ko Ma."

"Sandali, may nakita nga pala akong bag sa kwarto mo. Noong biyernes ko pa ata nakita iyon, ngayon lang kita natanong. Saan ka nga pala pupunta anak? Tumawag kasi dito iyong sa opisina mo, approve na daw ang leave mo next week. Magbabakasyon ka ba? Wala ka namang nababanggit sa akin. Si Racquel ba ang kasama mo?"

Bigla siyang napatingin kay Chandler. At eksaktong nakita niya ang mga ngiti sa mga labi nito. Bigla siyang nakaramdam ng hiya. Pahamak talaga ang Mama niya.

"Hindi si Rocky ang kasama ko at hindi rin bakasyon. Its gonna be the worst week of my life."

"Talaga? Worst week? Bakit parang excited ka. Friday pa nga lang,hinanda mo na ang dadalhin mo," si Chandler na nakisali sa usapan nila ng Mama niya.

At may lakas pa talaga ito ng loob na asarin siya. "Right, I'm really excited. Pagkatapos kasi ng isang linggo, para akong may isang maliit na kutong natiris at natanggal sa buhay ko. Isn't it exciting?" sabi niya sabay alis at iniwan na ang mga ito.

Sa inis niya sa pagmumukha nito, ng kinagabihan hindi na rin siya lumabas ng kwarto niya para kumain. Lalo pa at sinabi ng Mama niya na si Chandler na naman ang nagluto ng ulam nila. Mas pipiliin pa niyang magpakagutom kaysa kumain ulit ng luto nito!

12:00 A.M. kumakalam na ang sikmura niya at ramdam na ramdam na niya ang gutom. Gusto niyang panindigan ang sinabi niya kanina pero gutom na gutom na talaga siya.

Dahan-dahan siyang lumabas ng kwarto niya at tiningnan ang paligid. Baka kasi may makakita sa kanya. Dinig na dinig niya ang ingay mula sa DVD nila kaya malamang nasa ibaba lang din si Chandler. Mabuti na nga at may kaunti pa pala itong hiya. Medyo mahina kasi ang pagpapatugtog nito ngayon. Malamang naisip rin nito na may mga natutulog na rin. Ang hindi niya maintindihan ay kung paanong parang hindi naaapektohan ng ingay ang Mama niya. O baka naman nagtitiis lang din ito? Sa laki ba naman kasi ng ibinayad ni Chandler, alam naman niya na sobra-sobra na rin iyon. Kaya nga rin siguro binigyan ito ng full access ng Mama niya sa buong bahay nila maliban sa kwarto niya at sa kwarto nito.

Todo ang pag-iingat niyang hindi makagawa ng ingay pababa ng hagdanan lalo pa at nakita niyang nakahiga sa sofa si Chandler. Hindi naman mainit pero pinagpapawisan siya ng makarating na sa kusina. Pero sa ingay ba naman ng musiko nito, imposible na rin naman yata na marinig nito ang mga yabag niya.

Agad siyang kumuha ng kanin. Halos nanginginig na nga yata ang mga kamay niya sa gutom. At nang kukuha na sana siya ng sinarsahang manok, muntikan pang mahulog ang pinggan niya nang may magsalita malapit lang sa kanya. Mabuti na lang at nasalo iyon ni Chandler.

"Relax. Nagmumukha kang magnanakaw sa sariling pamamahay mo niyan," sabi pa nito.

Hinarap niya ito at kinuha ang pinggan niya. Wala na siyang pakialam kung ano pa ang sabihin nito, ang mahalaga malagyan niya ang sikmura niyang kanina pa kumakalam.

"Pabayaan mo na nga lang ako. Umalis ka nga dito! Doon ka na dumikit sa DVD mo at huwag mo na akong gulohin."

"Sasabihin ko lang naman na initin mo na lang muna ang ulam. Mas masarap 'yan kapag mainit."

"Hindi na, magkakautang na loob pa 'ko sa iyo."

"Bakit, sinabi ko ba na ako ang mag-iinit? Ang sabi ko, initin mo hindi iinitin ko."

Hindi talaga ito nauubusan ng hirit parapainitin ang ulo niya.

"Pwede ba, huwag mo nga lang akong gulohin sabi! Pakainin mo na nga lang ako pwede ba!" inis niyang sabi dito. Gutom na gutom na nga kasi siya.

"Okay fine," sabi nito na itinaas pa ang dalawang kamay. "Magpakabusog ka at nang makatulog ka na. Huwag kang masyadong excited sa trip natin at baka hindi ka makatulog at magmukha kang zombie sa harap ng Mama ko."

SARANGHAEWhere stories live. Discover now