"Para sa ikawalong parangal, Anna Theresa Gonzales" tinawag na ang pangalan ng matalik kong kaibigan sa entablado. Napakatagal kong hinintay ang araw na ito. Ang araw na kay tagal kong pinaghirapan ay dumating na. Sa wakas, makapagtatapos na rin ako.
Sasabitan ako ng medalya ng aking nanay dahil nakuha ko ang ikalawang parangal sa aming klase. Hindi ko maipaliwanag ang kasiyahang nadarama ko ngayon. Ramdam ko na sa isip ng aking mama, ipinagmamalaki na niya ako sa buong mundo at gusto niyang isigaw ang mga katagang "Anak ko yan!" si tatay naman ay naiwan sa aming tahanan kasama si lola. Ipaghahanda raw nila ako ng masasarap na pagkain dahil sa parangal na aking nakamit.
"Para sa ikalawang parangal, Maria Tricia Aranda" Heto na. Tinawag na ang pangalan ko. Hinawakan ng aking mama ang aking bisig at sinabing "Congrats anak, I'm very proud of you". Gusto kong umiyak sa tuwang nadarama ko ngayon. Sa aking palagay, isa na ito sa mga pinakamasasayang sandali ng aking buhay.
Natapos na ang pagbibigay ng parangal sa mga nagkamit nito. Ngayon naman ay iaabot na ang diploma sa bawat estudyanteng magtatapos sa paaralan.
"Maria Tricia Aranda" Tinawag na ang aking pangalan. Sabik akong lumingon sa likod. Lumapit naman ang aking lola sa akin at sabay sabing "Kung narito ang nanay mo, paniguradong ipagmamalaki ka nun sa buong barangay. Kay tagal niyang hinintay ng araw na ito." Napangiti na lamang ako.
Bigla akong nakaramdam ng kalumbayan sa aking puso. Nagising ako sa aking kamalayan na lahat ng iyon ay isa na lamang alaala noong ako'y nagtapos ng elementarya. Hindi na ako maaring sabitan ng aking nanay ng medalya dahil wala na siya. Matagal na siyang wala dahil nagkaroon siya ng malubhang sakit na kumuha sa kanya mula sa amin.
Inabot ko na ang aking diploma mula sa aming punong-guro at sinabitan ako ng medalya ng aking lola. Sa pagkakataong ito ay nakamit ko na ang unang parangal.
Sa kabila ng kalungkutan, ibinulong ko na lamang sa aking sarili "Ma, sana kahit hindi kita kasama sa entabladong ito ay napasya kita diyan sa langit. Para sa'yo po ang lahat ng ito."
YOU ARE READING
Medalya
Short StoryAng medalya ay isang dagling Filipino na pumapaksa sa pagtatapos sa pag-aaral ng isang estudyante para sa kanyang pangarap. Basahin at palaganapin ninyo sana ang akda. Maraming Salamat! :)
