At sa lahat naman ng apartment complex sa Quezon City sa pag-aari pa ng kapatid ni Jaeden siya napadpad. Hindi sumagi sa isip niya na magkapamilya si Ate Andrea at si Jaeden nang unang makita niya ang una dahil wala naman siyang makitang resemblance ng dalawa.

"Gulat ka 'no? May guwapo ka pa lang kapitbahay rito." tumaas-baba ang mga kilay nito.

"Tse!" Inismiran niya ito. Hindi siya excited na malaman na may guwapo siyang kapitbahay.

"Ang sungit mo naman."

"Matagal na!"

"Dati naman hindi, eh. Ang friendly mo nga noon sa akin." Nawala ang ngiti nito nang paningkitan niya ito ng mga mata na ikinatahimik nito. "Ako na ang bahala sa sirang gripo mo." anito mayamaya.

"Sigurado ka bang marunong ka?" dudang tanong niya rito.

"Ako pa?" mayabang na wika nito. Niliyad pa nito ang dibdib nito at binayo.

Pinagtaasan lang niya ito ng isang kilay. "Sumunod ka sa akin." Pinapasok na niya ito sa loob ng bahay niya. Hindi na siya mag-iinarte pa. Dahil kung iyon ang gagawin niya at maghihintay siya ng tunay na tubero, kawawa naman siya at ang bahay niya na kanina pa binabaha. Marunong naman siguro ito dahil lalaki ito. Sa isip niya, basta lalaki may alam sa kung ano-anong pagkukumpuni sa bahay. Just like her dad and her stepbrother Micky.

Sumunod si Jaeden sa kanya, kasunod naman nito si Jiji sa likuran nito. Napasimangot na naman siya dahil do'n. Traidor ka talaga, Jiji! Hmph! Paghihimutok ng isip niya.

Pumasok ang lalaki sa kanyang banyo. "Hindi naman pala malaki ang damage nito." anito habang iniinspeksiyon ang tagas sa gripo niya.

"Siguraduhin mo lang na magagawa mo iyan since nagmamagaling ka."

Nilingon siya nito. "Ano'ng akala mo sa'kin, walang binatbat? Para ito lang. Hirap sa'yo, babylove, wala kang bilib sa 'kin." Pumalatak pa ito.

"Wala talaga akong bilib sa'yo. At puwede ba? Huwag mo akong tatawagin ng 'ganyan'." Babylove daw? Please!

"Kunwari ka pa d'yan. Eh, alam ko namang gustong-gusto mong tinatawag kita ng gano'n." Bubulong-bulong na sabi nito habang sinisimulan na nitong kumpunihin ang sirang gripo niya.

"Umayos ka, Jaeden! Baka 'yang bungo mo ang tagasan ko." Umabot sa kanyang pandinig ang sinabi nito na ikinainis niya dahil totoo ang sinabi nitong iyon. Pero noon iyon, hindi na ngayon.

"Oo na, oo na." Tumangu-tango ito ngunit tila hindi naman naniniwala sa kanya. Ibinalik nito ang pansin sa sirang gripo.

"Baliw." Ang sabi na lang niya saka tinalikuran na ito at binalikan ang paglalampaso ng sahig niya.

"HOW much do I owe you?" tanong ni Louise kay Jaeden nang matapos ito sa pagkukumpuni ng gripo sa kanyang C.R. pagkalipas ng kalahating oras. Simple lang naman ang ginawa nito. Maayos na ang gripo niya at wala na rin ang baha sa C.R at kitchen niya.

Nilingon siya nito mula sa pagliligpit nito sa toolbox ng mga ginamit nito kanina. "Hindi naman ako professional na tubero kaya hindi na kita sisingilin," isinara nito ang toolbox at humarap sa kanya. "But on a second thought," hinimas-himas nito ang baba nito na tila nag-iisip kapagkuwan ay tiningnan nito ang mga labi niya. "You can repay me with a... kiss perhaps?" he grinned.

"Hindi ako nakikipagbiruan sa'yo, Jaeden." Seryosong tugon niya rito.

"I was just teasing you..." unti-unti itong lumapit sa kanya. His face turned from being mischievous to being serious. "Pero puwede rin naman nating totohanin," Napasiksik siya sa gilid ng lababo nang halos gahibla na lang ang pagitan nila.

Once And For Always (COMPLETE- Published 2013 under PHR)Where stories live. Discover now