Chapter 34: Sa Dagat ng Impiyerno

Magsimula sa umpisa
                                    

At sa mga kaluluwang naroon ay may kani-kanila silang namukaan.

Nakita nina Kanor at Wendell na si Berta mismo ay naroon.

Nakita ni Brother Paul na si Father Dacayman ay naroon.

Nakita ni Karen ang kanyang kapatid ay naroon.

Nakita ni Jules na ang lola niya ay naroon.

Nakita ni Hannah na ang ama niya ay naroon.

At nakita ni Father Markus na si Sister Juanita ay naroon.

At sila'y naluha, ang iba'y napaluhod na umiiyak. Natigatig na makita ang mga mahal nila sa buhay, mga kamag-anak na nasusunog sa impiyerno.

Nguni't naranasan na ito ni Brother Paul, alam niyang ito'y ilusyon lamang, gawa-gawa ng mapaglinlang na dimonyo, at siya'y sumigaw.

"Pumikit kayo!" sabi ni Brother Paul. "Pumikit kayo at magdasal!"

Nagsipikitan ang lahat at nagdasal.

Pagmulat nilang muli ay wala na ang vision ng impiyerno, wala na ang nasusunog na mga kaluluwa. Naroon na lamang ang bata sa kama na nakatingin sa kanila at nakangiti, may yabang sa mukha sa ipinamalas na kapangyarihan.

#

Nagyoyosi sa labas ng Bahay na Bato sina Hannah at Father Markus kasama sina Karen at Brother Paul. Sa loob ng Bahay na Bato, nagpapahinga ang iba sa sala. Sina Kanor at Wendell ay medyo affected pa rin sa nakitang vision habang umiinom ng mineral water. Niyaya sila ni P02 Paterno na nasa kusina at kumakain ng cup noodles, pero sila'y tumanggi.

Napatingin sila Father Markus nang nagmamadaling lumabas si Jules ng bahay at may kausap sa cellphone.

"Hello, Clint!" tense na sabi ng parapsychologist sa telepono. "Si lola?"

"Natutulog," sagot ng kapatid sa kabilang linya.

"Check mo nga bilis," utos ni Jules, may kaba sa boses.

Saglit niyang hinintay ang reply ni Clint.

"Naku, kuya! Wala ng pulso si lola!" sigaw ni Clint.

Nanlaki mata ni Jules. "Ano?!"

Narinig ang tawa ni Clint sa kabilang linya. "Joke lang!"

Gustong murahin ni Jules ang kanyang nakababatang kapatid, pero pinalampas na lang niya. Thankful na lang siya't okay pa'ng kanyang lola.

"Julius! Ikaw ba 'yan?" dinig niyang sabi ni Lola sa cellphone.

"Hello, lola, sorry nagising ata kayo. Okay naman po ako, baka sa next week ang uwi namin. Next week po, lola. Next week!" sigaw ni Jules sa telepono pagka't hindi siya marinig ni Lola. "Okay, lola, babay na!"

Binaba ni Jules ang cellphone, kunsumido na hindi siya marinig ng lola niya sa telepono. Kaya hindi rin siya palatawag sa kanya ay dahil sa tuwing tatawag siya'y nauuwi lang sila sa pagsigaw. Ini-expect niyang aasarin siya ni Hannah sa kanyang pagiging paranoid at pagpapanic, pero nakapagtatakang tahimik lang ang psychic na naninigarilyo.

"Nakita mo si lola?" tanong ni Father Markus.

Tumango si Jules, at sa lahat, "Kayo? Sinong nakita niyo?"

"Kapatid ko," sabi ni Karen na may konting sama ng loob sa boses. "Well, masamang damo naman 'yun, pero nakakaawa pa rin na makita siya na nagdurusa."

"Nakita ko si Father Dacayman," amin ni Brother Paul. "Pero, ayaw kong maniwala na nasa impiyerno siya."

"Huwag kayong maniniwala sa nakita n'yo. Gawain ng dimonyo ang lagyan ng masasamang bagay ang ulo natin," sabi ni Father Markus, at bumaling kay Jules. "I'm sure sa langit ang punta ni Lola."

Ang Batang Ipinanganak sa Haunted HouseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon