Chapter 28: Sa Mental Hospital

Magsimula sa umpisa
                                    

"Gusto sana namin siyang makausap," sabi ni Father Markus.

Tinignan sila ni Direktora at binilang sa kanyang isipan: Pari, lalaki, babae, mayor at pulis.

"Masyado kayong marami," sabi niya. "Mabuti pa sa observation room tayo."

Ang nasabing kuwarto ay may dalawang bahagi. Ang main room na may mesa at upuan kung saan dinadala ang pasyente para interview-hin at obserbahan naman mula sa adjacent na kuwarto na may one-way mirror. Sa main room, naupo si Father Markus sa gitnang silya at sa magkabila niya sina Jules at Hannah. Nasa may viewing room naman sa likod ng one-way mirror sina Mayor, Hepe at Direktora. Dahil nakalimutan niyang mga gadgets niya, gamit na lamang ni Jules ang voice recorder ng kanyang cellphone.

Maya-maya'y bumukas ang pintuan at pumasok si Ester na may escort na lalaking nurse. Pinaupo siya katapat nina Father Markus, Jules at Hannah. Pagkatapos ay iniwan din sila ng nurse. May pagtataka sa mukha ni Ester na naroon siya ngayon sa kuwarto at katapat ang tatlong tao na hindi naman niya kilala.

"Sino kayo?" tanong niya at humigpit ang kanyang kapit sa maliit niyang bibliya na para bang natatakot na baka agawin iyon.

"Hello, Ester," sabi ni Father Markus. "Kaibigan kami ni Kanor."

"Kanor? Sinong Kanor?" nagtatakang sabi ni Ester.

Nagkatinginan sina Father Markus, Jules at Hannah. Ganoon din sina Mayor at Hepe sa kabilang kuwarto. Kinuha ni Father Markus ang mga litrato na pinahiram ni Kanor sa kanyang bulsa at ipinakita kay Ester. Tinuro niyang mga nasa litrato.

"Ito si Kanor, asawa mo. Ito ka na katabi niya."

Tinignan ni Ester ang litrato at umiling. "Sino 'yan? Hindi ko kilala mga 'yan."

Nasa mukha ni Ester na naniniwala siya sa kanyang sinasabi.

"Hindi mo ba nakikita? Magkasama nga kayo sa litrato," sabi ni Hannah.

Tinignan sila ni Ester na para bang sila ang nahihibang. "Hindi ko sila kilala. At hindi ko rin kayo kilala."

Ipinakita naman ni Father Markus ang litrato nina Wendell at ang sanggol na si Berta.

"Nakikilala mo ba ang mga batang ito, Ester?"

Sa litratong ito ay mas matagal na napatingin si Ester.

"Si Wendell 'yung batang lalaki at 'yung baby ay si Berta. Mga anak mo sila," sabi ni Jules.

"Berta?" sabi ni Ester, na para bang may hint na pagkakakilala.

"Oo, si Berta," sabi ni Father Markus, may hint naman ng pag-asa na makapag-connect kay Ester. Pero:

"Hindi ko kilala 'yang mga 'yan," iling ni Ester.

Napabuntong-hininga ang lahat. Ang feeling na wala silang pinupuntahan sa pakikipagusap kay Ester. Nagbulungan sina Jules at Hannah, nag-isip ng strategy kung paano makaka-breakthrough kay Ester. Sa kabilang kuwarto, napakamot sina Mayor at Hepe, thinking na useless ito. Na kung hindi natatandaan ni Ester ang pangalan ng mga mahal niya sa buhay, paano pa ang pangalan ng dimonyo? Si Direktora nama'y tumingin sa relo niya na para bang inoorasan sila.

Nguni't, nagulat sila nang si Ester ay biglang nagsalita.

"Pari ka ba?" tanong niya kay Father Markus, bagama't naka-civilian clothes ang pari.

"Paano mo nasabing pari ako," hamon ni Father Markus.

Natahimik si Ester saglit, at:

"Dahil amoy pari ka," aniya.

Nagkatinginan ang tatlo. Amoy pari? Anong ibig sabihin nito? Tanong nila sa mga sarili.

"At ano ba'ng amoy ng pari?" curious na tanong ni Jules.

Ang Batang Ipinanganak sa Haunted HouseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon