Dementia

165 3 6
                                    

Halika. Lumapit ka. Mayroon akong ikukwento sayo. Tungkol sa isang kabataang katulad mo.

Oo. Matanda na ako at makakalimutin. Pero may isang kwentong kayang kaya ko pang alalahanin.

Ang kwentong ito ay tungkol kay Alfred. Isang kabataang katulad mo. At bago ko umpisahan ang kwentong ito, gusto ko lang sabihing, ito’y totoo.

Isang mainit na araw nang ito’y mangyari. Katulad rin ng araw na ‘to. Ramdam mo ang poot ng haring araw kahit na anong gawin mo. Uminom ng tubig o magpaypay. Maligo o sumilong sa lilim. Panahon ay mainit parin.

Isang araw si Alfred, ang bidang binatilyo, ay nasawi sa pagibig. Hiniling niya sa may lalang na burahin ang sakit at mawala ang hinagpis. Ngunit hindi ang Diyos ang nakarinig sa kanyang mga sinambit.

Bagkus isang demonyo ang nagbigay ng sagot sa kanyang hiling.

“Gustong makalimot ‘yan ba ang iyong hiling?” Nakangiti nitong sambit.

“Oo. Oo!” Panaghoy niya. “Nang mawala na ang sakit.”

Ngumiti lang ang demonyo at bigla itong naglaho.

Kinabukasan nagising si Alfred nang may mga luha sa mata. Napanaginipan niya nanaman ang sakit na nadarama.

Akala niya’y nasagot na ang kanyang munting hiling. Pero hindi pala, hindi pala. Nagmistula lang siyang may tililing.

“Gusto kong makalimot.” hiling niya. Ngunit walang gustong makinig. Kahit na ang demonyo, ayaw magbukas ng kanyang bibig.

Natupad nga ba ang kanyang hiling? Ito’y di niya alam. Ngunit isang gabi, nangyari ang kanyang pinakaaasam. Ngunit hindi sa paraang, kanyang nagustuhan.

Pagpasok niya sa kanyang kwarto, nakita niya ito. Isang nilalang ng dilim nakatayo sa sentro.

Hindi ito katulad ng mga bampirang nakasanayan niyang makita sa mga pelikula. Wala itong mata, at katakot takot talaga.

Hindi ito itsurang tao bagkus ito’y malahalimaw. Matulis ang kuko. At madulas ang kanyang balat.

Kahit wala man itong mata, pakiramdam ni Alfred tinititigan siya. Ngumiti ito para ipakita, ang pangil at panga.

Nakaramdam si Alfred ng takot at hindi siya makagalaw. Kahit ng umatake na ang halimaw.

Ngunit paglipas na ang ilang segundo, na katahimikan lang ang namayani sa kwarto. At mistulang walang nangyari sa bidang binatilyo.

Bakit ganyan ang iyong mukha? Punong puno ng pagtataka? At bakit may kutob akong hindi ka naniniwala?

Ngayon itong aking tanong, nangyari na ba sayo ito?

Na pumasok ka sa kwarto para kuhanin ang gamit mo? Ngunit pagpasok mo, nakalimutan mo kung ano ito?

Pinagkibit balikat mo lang ito imbis na ika’y mabahala. Akala mo nawaglit lang, sa mura mong isipan. Hindi mo rin matandaang inatake ka ng isang bampira.

Bampirang hindi katulad ng mga iyong nakasanayan. Bampirang hindi sa dugo namemiyesta kundi sa ala ala.

Bakit ganyan ang iyong mukha? Mukhang ika’y nagtataka. Ang tanong mo ba’y kung anong nangyari sa binatilyo nating bida?

Pag ikaw na ay inatake ng bampira ng ala ala. Hindi na ito mawawala. Kasama mo sa tuwi-tuwina. Katulad ng nangyari sa binatilyo nating bida.

Ang Alfred na hinahanap mo ay ang matandang nasa iyong harapan. Ang lahat ng nangyari, ay aking kapangahasan.

Ngayong ako’y matanda na, halos wala na ang aking memorya. Matanda na nga ako at makakalimutin. Ngunit ang kwento ng aking kabataan ay kayang kaya ko paring alalahanin.

Hindi lang isa o dalawa, ng kanyang ako’y atakehin. Unti unting inagaw niya, mga ala ala mula sakin. Kaya heto’t umabot na saking katandaan. Wala halos ni isang memorya, matandaan ko ng lubusan.

Bakit ko ito ikinuwento? Ako’y nababahala lang. Pagkat nakikita ko ang bampira, nakatayo sa’yong likuran.

[End]

The Last Five Standing (Summer Battle of 2014)Where stories live. Discover now