"Mahal Ko Na Siya" Syndrome

5.2K 25 3
                                    

Ilan sa inyo ang hindi pa nagkakaroon ng kasintahan, mga kamag-aral ko? Ilan sa atin ang NBFSB o NGFSB pa? Hindi ko na hihilingin pang ilakas ninyo ang mga sagot. Kilala niyo ang inyong mga sarili.


Bilang kabataan, marami pa tayong hindi nalalaman. Marami pa tayong hindi nararamdaman. Katulad ng isang turistang namamasyal, madali tayong mailigaw sapagkat wala pa tayong sapat na kaalaman sa landas na ating tinatahak. Tila isang bulag na walang baston. Tayo'y mga bata pa na may gatas pa sa labi: gustong gawin ang anumang bagay na naisin ngunit hindi alam kung ano ang kahihinatnan nito.


Bukod sa pag-iingat sa ating mga gawa, ay marapat na magingat din tayo sa ating mga pananalita. May kapangyarihan din ang bawat pantig na ating binibigkas katulad ng bawat mosyon na ating ikinikilos. Maaring makapanakit ang salita, maaring magpasaya, magpalumbay, o 'di kaya ay magpaasa.



"Mahal ko na ata siya." Bakit mo nasabi iyan? Dahil malaki ang katawan?


"Mahal ko na siya." Dahil ba isa siyang magandang binibini na mayumi at mabait?


Sa mura mong edad, paano mo malalaman na tunay ang pagmamahal na iyan? Magisip ka sandali, kaibigan. Tanungin ang iyong sarili: "Paano nga ba?"


Nakasaad sa Bibliya, ito ay tunay na pagmamahal kung siya ay pinahahalagahan mo katulad ng pagpapahalaga mo sa iyong sarili. Mayroon bang taong namumuhi sa kanyang sariling laman? Kung ang kamay mo ay nagnakaw, ikaw ba ay magagalit at puputulin ito? Kung ang mata mo ay may nakita na hindi mo sana nais makita, bubulagin mo ba ito? Kung ang paa mo'y natisod, ito ba ay hihiwalayan mo na? Gaano man kalaki ang kaniyang kasalanan, ang kaniyang karumihan, hindi man mabilang ang dami ng kapintasan, mananaig parin ang pagmamahal mo, kung iyan ay totoo.


May mga pagkakataon na masasabi mong "Mahal ko parin po siya kahit na ganito siya, ganyan siya." Ngunit mapanlinlang ang puso. Mag-ingat tayo, mag-ingat.  Matuto tayong maghintay sa tamang pagkakataon at ireserba ang mga salitang "Mahal kita" para sa taong karapat-dapat dito. Ang pagsasabi ng "Mahal kita" ay isang mabigat na responsibilidad. Bigkasin ang matatatamis na salitang ito sa taong isinisigaw ng puso mo na iyong nang pakasalan, at makasama magpakailan-kailan pa man.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 02, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Talumpati CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon