Abala na ako sa pag-iistima ng mga nagsidatingan pang mga parokyano ng omise nang may biglang dumating na ikinagalak masyado ni Tita Chayong.

"Ohisashiburi ne! (Long time no see!)"

Hindi lang ang tiyahin ko ang na-excite sa pagdating ng mamang iyon. Pati si Ate Roselda'y napalabas niya ng private room. Humiyaw din ito sa galak nang makita ang bagong dating. Nagtawanan sila pati na ng mga kasamahan ng mama. Sina Kaito naman at Akio ay biglang napatayo. Hindi pa nila naubos ang kaoorder na beer pero nagpaalam na sila agad sa tiyahin ko.

"Kaito-kun!" narinig kong bati ng isa sa mga kasama ng mama. Tila nagulat. Tinapik-tapik nito sa balikat si Kaito nang mapadaan sa harap nila. Nagtinginan ang mama at si Kaito. Parang may tensyon sa pagitan nilang dalawa. Naintriga tuloy ako kung sinu-sino ang mga bagong dating. At kung bakit yumuko pa si Akio nang pagkababa na katulad ng pagyuko sa isang superior o boss.

Nang wala na sina Kaito at Akio saka ko napag-alaman sa mga entertainers doon na papa pala ni Kaito ang kapita-pitagang ginoo na pinagkaguluhan nila. Malaki raw kasi ito magbigay ng tip at hindi pa palahipo kagaya ng ibang matandang Hapon.

"Paborito niyan noon si Vicky. Naku, limpak-limpak lagi ang datung ng bruhang iyon. Ang kaso mo, nainlababo ang hitad sa isang Pinoy na patay-gutom. Hayun umuwing Pilipinas at nagdildil ng asin," sabat ni Ate Roselda nang dumaan sa tabi namin. Paika-ika ito sa dami ng dala-dalang beer pero nang malapit na sa mesa nila Furukawa-san para na itong kiti-kiti. Tili pa nang tili na parang kinikiliti.

Naintindihan ko na rin ngayon kung bakit interesado sa mga Pinay si Kaito. Naiisip siguro niya kung bakit nahumaling dati sa isa ang papa niya. What if gano'n din ginawa ng papa ko? Pinilig-pilig ko ang ulo. Hindi ko kaya. Baka ako pa ang gumulpi sa babae.

**********

"Okay ka lang ba?" tanong ni Akio habang naglalakad na kami papunta sa parking lot.

Hindi ako sumagot. Napakuyom lang ang mga kamao ko.

"Ang sabi naman ni Chayong-san sa iyo wala na roon ang babae, di ba? Huwag ka nang mag-isip ng kung ano. Marahil ay gusto lamang mag-unwind ng papa mo ro'n."

"Hindi siya tulad natin. Sigurado akong magte-take home iyon ng babae."

Napatakip kunwari sa bunganga niya si Akio at napatingin sa akin na tila nababahala.

"Naku, paano kung si Ferreru-san ang maisipan niyang iuwi?"

Kinutusan ko agad siya.

"Aray! Nagbibiro lang naman ako, a!"

"Nasaan na ang driver?" tanong ko. Nagpaikot-ikot ako sa parking lot.

"Sino'ng driver?"

"E di iyong magda-drive sa ating dalawa! Alangan namang tayo ang magmamaneho niyan? Pareho tayong nakainom, ungas!"

"Tsk, tsk. Ang init na naman ng ulo mo."

"Ang driver, nasaan?!"

"Heto't tatawagan ko pa lang. Relax."

Napahiga ako sa sementong katabi ng kotse ko. Pinagtawanan ako ni Akio at lalong inalaska. Kung masyado raw akong worried na baka nai-table ni Papa si Ferreru-san ay bakit hindi ko raw balikan at tingnan?

"Stop that, will you? Hindi na ako natutuwa sa mga biro mong hudas ka!"

"Bumangon ka na riyan at baka may dumating na magpa-park. Masagasaan ka pa."

Hindi ako tuminag sa kinahihigaan. Naglakad-lakad si Akio sa unahan at bigla itong napasigaw ng, "Ay, si Ferreru-san iyon, a! Sino kaya ang kasama niya?"

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon