Ano iyong ingay? Ano iyong sumusutsot sa dulo ng madilim na hallway?


Pilit kong inaaninag kung ano ang meron sa bandang dulo niyon, ngunit wala talaga akong makita kundi kadiliman.


Dapat kong ibalik ang pinto sa dati. Dapat muli ko iyong isara.


Maingat akong humakbang papalapit sa pinto. May kung anong pwersa na tila humihila sa akin para usyusuhin kung saan galing ang sutsot. Sinilip ko ang labas, tagaktak ang pawis ko.


Napakadilim talaga.


Wala akong makita dahil madilim. Bahagya pa akong humakbang hanggang sa makalabas ako ng kuwarto ko.


Baka si Klay lang iyong nilalang kanina? Baka tinatakot niya lang ako? Baka ginagago lang ako ng lalaking iyon? Posible.


Tripper siguro talaga iyon? O baka gusto niya akong takutin para umalis na ako at hindi ko na punahin ang tungkol kay Lola Soler. Siguro ay mahal na mahal talaga nila si Lola Soler kaya kahit sinasaktan sila nito ay gusto niya pa rin itong pagtakpan. Baka nga ganun.


Wala naman kasing multo, e. Wala ring demonyo.


"Ember, wag duwag... imagination lang iyon..." pang-uuto ko sa aking sarili.


Pilit kong inaaninag ang dilim.


Nasaan iyong sumusutsot?


Teka at mabuksan nga ang ilaw. Nangapa ako sa dingding, pero wala akong makapa.  Kailangan kong mabuksan ang ilaw dito sa daan. Nasaan na ba kasi iyong switch?


Kapa... kapa...


Kapa...


Kapa...


"Ha?"


Mabilis akong napalingon sa aking kaliwa nang may narinig akong ingay. Naririnig kong parang may umiiyak?


"S-sino iyan?"


Parang may nasisinag na ako sa dulo ng hallway. Don sa pinakamadilim ay parang may taong nakasalampak sa sahig.


Marahan akong lumapit.


"S-sino iyan? Klay, ikaw ba iyan?"


Bakit ganon? Bakit parang kakaiba ang itsura niya? Kahit madilim ay unti-unti ng nasasanay ang mga mata ko kaya naaaninagan ko na ang bulto nito.


Tao ba iyon? Anong nilalang iyon?


Hanggang unti-unti ay lumilinaw sa akin ang imahe. Nasanay na ang mga mata ko kaya't kahit madilim ay nakikita ko ang manipis katawan nitong nakabaluktot. Sa pangingin ko ay dikit ang balat niya sa kanyang buto. Hindi ko makita ang kanyang mukha dahil nakayuko.


"Klay?" Kahit pa alam kong hindi ito si Klay.


Mula sa maliit na bintana sa hallway ay pumasok ang liwanag ng buwan.


Sa wakas at nagpakita rin ang buwan. Siguro ay nahawi na ang mga ulap. Pero hindi pa rin sapat ang kapiranggot na liwanag mula sa bintana para mabistahan ko nang maayos ang nakabaluktot na nilalang.


Pero kahit paano ay nakatulong ang munting liwanag ng buwan para maging malinaw ng kaunti ang kahit balat lang ng nilalang sa di kalayuan.


Umuuga ang kanyang balikat habang nakayakap sa sariling tuhod.


Maugat ang kanyang mga binti. Sinipat ko ito nang husto para lang makita na wala itong saplot. Nakahubad ito!


Bakit siya nakahubad? Oo, tiyak kong nakahubad siya kahit pa hindi pa rin siya gaanong kalinaw sa akin.


"S-sino ka?" takot na tanong ko.


Walang tugon. Patuloy lang ito sa pag-uga habang nakabaluktot.


Hindi kaya isa siyang baliw na nakapasok dito? O isang palaboy na gutom na gutom ay kailangan ng tulong?


Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang malalaki niyang buto sa siko at tuhod. Naririnig ko rin ang kumakalam niyang sikmura.


Sa wakas ay pinansin niya ako. Huminto ang pag-uga ng balikat niya.


Umangat bigla ang kanyang mukha. At dahil madilim ay mga mata lang niyang nanlilisik ang aking nakita. Mabilis siyang gumapang papalapit sa akin.


Mabilis. Maliksi. Papunta siya sa kinatatayuan ko!


Sa sobrang gulat ko ay nanakbo ako palayo sa kanya. Wala ako sa sariling napadpad sa pintuan ni Klay.


Pinaghahampas ko ang pintuan. "Klay–"


Biglang bumukas ang pinto at hinablot agad ako ni Klay papasok.  


JF

Casa Inferno (The heart's home)Where stories live. Discover now