“Mamerto, ‘yan ang pangalan ko,” sabi nito na inilahad ang kanang kamay sa kanya.

Tumitig siya sa kamay nito. “Akala ko ba a--“

“Tatanggapin mo ba an pakikipagkamay ko o hindi?” putol nito.

“Ah..kuwan kasi..” pag-aalangan niya at saka  inabot ang kamay nito. May kung anong gumapang na kuryente sa katawan niya kaya agad niyang binawi iyon.

“Pasensiya ka na sa inasal ko kahapon,” sabi pa nito na labis niyang ikinagulat sa ikalawang pagkakataon.

Ano kayang nakain nito? Nais niya sanang itanong iyon pero pinili na lang niyang isaloob, “Wala iyon. Magkaibigan na ba tayo?” tanong niya. May kakaiba siyang naramdaman na parang ngayon lang niya nadama. Kasiyahan.

Ngumiti ito. “Basta ba patatawarin mo ako.”

Kumunot ang noo niya. “Anong ibig mong sabihin?”

Sumeryoso ito at tumingin sa mukha niya. “Natakot ka ba kagabi?”

Tumingin siya ng tuwid dito. Nanlaki ang mga mata niya. Parang alam na niya ang ibig nitong sabihin, “Huwag mong sabihin na ikaw ‘yong kumatok kagabi sa kubo?”

Napakamot ito sa batok saka ngumisi. “Kuwan kasi..” Ito naman ang ‘di makapagsalita. Para itong batang nahuling nagsisinungaling.

Natatawa siya sa nakikita niya. May itinatagong kagwapuhan pala ang lalaking ito, bulong ng isip niya. “Walang hiya ka, alam mo bang tinakot mo ako kagabi at dahil doon ay hindi ako nakatulog magdamag,” sabi niya, pero imbis na galit ang tono ng boses niya, parang nagtatampo lang iyon. Hinampas niya ito sa braso.

“Patawarin mo ako Ferel,” masuyong sabi nito.

“Ayos lang ‘yon, Mamerto,” sa kauna-unahang pagkakataon ay binigkas niya ang pangalan nito.

“Hindi ka galit?” May kislap sa mga mata nito.

“Hindi, magkaibigan na naman tayo, ‘di ba?”

Ngumisi ito. “Salamat naman. Mabait ka pala.”

“Ikaw lang e, aayaw-ayaw ka pang maging kaibigan ako kahapon.”

“Hindi kasi ako sanay sa mga dayuhan dito sa isla.”

“Dayuhan?” nagtatakang niyang tanong. Ibig sabihin ay hindi talaga sa islang ito nakatira dati. Kasi kung dito nga, malamang dapat ay kilala siya ni Mamerto.

“Oo,” naupo ito sa buhanginan.

“Dayuhan ba ako dito?” Hindi niya mapigilan ang sariling hindi mag-usisa. Naupo na rin siya sa tabi ni Mamerto.

“Ngayon lang este kahapon lang kasi kita nakita dito, kaya inisip ko kaagad kahapon na dayuhan ka.”

“Paano mo naman nasabi na dayuhan ako?”

“Tingnan mo nga yang balat mo, ang puti. Hindi sunog sa araw na katulad ko.”

Tiningnan niya ang mga braso niya. Tama ito. “E, ano namang kaso sa balat ko?”

“Kung matagal ka nang nakatira dito dapat ay kakulay na kita.”

Natawa siya sa tinuran nito, “Ang babaw naman ng dahilan mo.”

“Hindi mababaw ‘yon saka dapat matagal na kitang kilala kung dito ka nga nakatira.”

Tama nga naman ito. At sa usaping iyon ay hindi niya maasahan si Mamerto na mapagtanungan tungkol sa nakaraan niya. “Sayang..”usal niya.

Nilingon siya nito. “Sayang? Bakit sayang?”

“Akala ko kasi matutulungan mo akong makaalala.”

Inilayo nito ang tingin sa kanya. “Ang ibig sabihin pala ay totoong may ano ka...”

“Amnesia,” pagtatapos niya sa sinabi nito.

“Oo, ‘yon nga.”

Ilang minutong katahimikan ang namagitan sa kanila. Hindi pa masyadong tirik ang araw ng mga oras na iyon.  Masarap ang simoy ng hangin na dumadampi sa mga balat nila. Pinakiramdaman ni Fedel ang paminsan-minsang pagbuntong hininga ni Mamerto. Palihim din niya itong sinusulyapan.

“Mamerto?” basag ni Ferel sa katahimikan at saka tumingin siya rito.

Tumingin din ito sa kanya. “Ano ‘yon?”

“Mukha ba akong nagpapanggap lang kahapon nang sinabi ko sa’yo na wala akong naaalala?”

 “Hindi mo rin naman ako masisisi e.”

“Sabagay, mukha bang mahirap akong pagkatiwalaan?”

“Tingin ko naman hindi, wala sa itsura mo.”

Napangiti siya. “Salamat.”

“Salamat saan?”

“Basta, salamat. Paano, aalis na ako. Pupunta na lang ako dito kapag kailangan ko ng kausap.”

Tumayo ito. “Kausap lang?”

“Siyempre kapag kailangan kita…” Bigla siyang napaisip sa sinabi niya. Tama bang sabihin niya ‘yon? Napatayo na din siya at binalingan ang reaksiyon nito sa sinabi niya. Pero wala siyang nakitang kakaiba. Buti naman.

“Ihahatid na kita sa inyo,” alok nito.

“Huwag na,” tumingin siya sa may likuran nito, nakita niya ang kapatid nito na nakamasid lang sa kanila. “Kanina pa yata nakatingin ang kapatid mo sa ‘tin.”

Sinundan nito ang tingin niya. “Sige na, ihahatid na kita.”

“Pero paano ang kapatid mo?”

“Parating na naman sina itay at Inay e, may kasama na siya mamya.”

Tumango-tango na lang siya bilang pagpayag sa gusto nito. Kinawayan niya ang kapatid nito bago sila lumakad. At kahit malayo ay alam niyang  ngumiti ito sa kanya.

Xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo

Author’s note:

 Nkapag-lagay na din ng picture ni Ferel. HeHe

 Anyways, If you notice, hindi ako masyadong mahilig sa tao.

 Hala..

 --Ano daw?

 Haha, I mean sa totoong picture ng tao. Ayon, big fan kasi ako ng mga painting, drawing or anything na related sa Art, though Art din naman yung mga picture na may mga magagandang tao, iba pa rin ang gawang kamay, sabi nga nila. Hehe.

 Gusto ko ‘yung mga gawa-gawa lang na itsura ng tao. Pero maganda.

 Kunwari naintidihan niyo na lang ang ibig kong sabihin. Okay?  :D

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon