"Hello, pogi. Do you need someone to talk to?" nakangiting sabi ng isang Pinay entertainer ng omise. Nakasuot siya ng maikling-maikling shorts na puti at halter top na kulay itim. Pinilig-pilig niya ang ulo at inayos-ayos ang buhok sa harapan ko. Napalunok nang ilang beses si Akio. Palagay ko ay naglaway siya sa cleavage ng babae. Napangiti ako. Inakala siguro ng babae na para sa kanya iyon dahil bigla na lang itong kumandong sa akin. Nagulat ako.

"Chotto matte (Sandali lang)," protesta ko at pinatayo siya. She looked hurt. Binigyan niya ako ng hair flip at iniwan na kami ng kasama ko. Pagkaalis ng babae tumawa si Akio.

"Sayang iyon, a. Ba't mo pinaalis? Ang ganda pa naman."

"Gusto mo tawagin ko para sa iyo?"

Tumawa-tawa ang mokong. Tatawagin ko na sana ang babae nang biglang sumulpot ang kanina ko pa hinahanap-hanap. Kumikislap ang mga mata nito sa tuwa. Bigla na lang itong napayakap sa tiyahin at tumatawang binalita rito na nakahanap na raw siya ng trabaho.

**********

Siniko ako ni Tita Chayong at inginuso niya ang paborito niyang parokyano. Kaito pala ang pangalan ng damuho. Ang bantot! At heto na naman siya sa omise ng tiyahin ko. Kasama na naman niya ang sidekick na mukhang naaalibadbaran sa aming mga Pinay. Pagpipitikin ko kaya mga sentido ng mga ito?

"Kanina pa sila umuorder ng beer. Ano ka ba?"

"Kailangan bang ako talaga ang magbigay ng beer ng hinayupak na iyan?"

"E sino ba dapat, aber?" Pinamaywangan na ako ni Tita Chayong. "Kung ayaw mo siyang asikasuhin, ikaw ang mag-asikaso kay Kanda-san nang mapalipat ko si Mindy kina Kaito."

Nang makita ko ang tinawag niyang Kanda-san umasim agad ang mukha ko. Halos wala nang ngipin si Kanda-san at hindi na rin niya halos maituwid ang likuran sa katandaan, pero hayun at nakikipagharutan pa sa dalawang batam-batang entertainers ni Tita Chayong. Napailing-iling ako. Kahit labag sa kalooban, inagaw ko sa tiyahin ang tray na may lamang dalawang bote ng San Miguel beer at parang tinatamad na binigay iyon kina Kaito.

"Na-reject ka na naman ba? Ba't sambakol na naman ang mukha mo?"

Inismiran ko siya. "Iyan ang akala mo," proud ko pang sabi. Kulang na lang ay magyabang ako sa kanya na natanggap na akong guro sa isang bagong tayong eikaiwa school sa Suita City, around twenty minutes by train mula sa amin sa Takatsuki.

Nakita siguro ni Tita Chayong na pinagsupladahan ko na naman si Kaito kung kaya palihim akong kinurot bago nginitian ang paborito niyang customer. Okay lang daw ba sila? Kailangan pa ba nila ng pulutang chicharon?

"Pakiharapan mong mabuti iyan. Baka-sakaling magustuhan ka. Jackpot ka riyan kung sakali," bulong oa sa akin ni Tita. Sinimangutan ko na naman siya. Pagbaling ko kay Kaito nakita kong sumeryoso ito. Narinig kaya niya si Tita Chayong? Shit! Baka akalain niyang gold-digger kaming mag-tiya! I have to redeem myself.

"Don't worry. Iniinis lang ako ni Tita Chayong. Alam niya kasing allergic ako sa mga katulad mo."

Tatalikuran ko na sana siya pero hinawakan niya ang kamay ko. Sa seryosong tinig ay nagtanong pa ng, "At ano ang katulad ko?"

Napatitig ako sa singkit niyang mga mata at nakaramdam ako ng kakaibang excitement. Ilang beses ko nang nabistahan ang mukha niya at aminado naman akong guwapo siya, pero iba pala ang dating kung may dagdag na angas. Kinabahan akong hindi mawari. Parang nanuyo pa ang lalamunan ko. At biglang nag-flash sa aking imahinasyon ang nakaw niyang halik noong isang araw. Nang maalala iyon, kaagad na nag-init ang mukha ko.

"Ano pa, e di bastos at mayabang!" sabi ko. Kunwari'y cool lang ako kahit na parang sinisilaban na ang katawan ko sa init dulot ng pagkakahawak niya sa kamay ko. Naramdaman kong pinisil niya ito. Medyo natakot ako sa ekspresyon sa kanyang mga mata. Pero at the same time, para rin akong na-excite sa maaari niyang gawin.

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon