Engagement party ng isa sa matatalik mong kaibigan sa isang malapit mo ring kaibigan kaya nagtataka ka kung bakit pa ito busy sa pakikipag-usap sa phone niya. Mukha pang may problem si Kim at kahit si Cyd na fiancée na niya ngayon ay nag-aalala na.
Napagdesisyunan mong lapitan na ito.
"Den, anong gusto mong gawin ko? Hindi ko nga siya mapupuntahan ngayon," narinig mong malungkot na sabi ni Kim.
"Alam ko, Den, na itinaboy na sila ni Aly noon. Pero wala tayong ibang choice."
Napasapo na si Kim sa kaniyang mukha.
"Sige na. Sige na. Pupuntahan ko na siya," bigong sabi ni Kim.
Nakita mo ang pagkuyom ng mga kamao ng kaibigan mo. Alam mong nahihirapan na ito.
"Anong problema?" tanong mo na ikinabigla ni Kim.
"Kanina ka pa diyan?" ganting tanong nito.
Tumango ka.
Bumuntong hininga si Kim.
"Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag kay Cyd na kailangan kong umalis," malungkot niyang sabi.
"Ako na," biglaan mo lang sinabi. "Ako na ang pupunta kay Alyssa."
Nakita mong magpuprotesta ito kaya pinutol mo na kung anong plano niyang sabihin.
"Kimmy, walang magjujudge sayo kung hindi mo siya pupuntahan ngayon. Alam ng lahat ang ginagawa mo para kay Alyssa at kung gaano mo kamahal 'yung tao. But this is your night. Be selfish for once."
"Pero, Ye, hindi mo kilala si Aly. Itataboy ka niya. Baka kung ano pang sabihin-"
"Exactly why you should let me go," putol mo ulit kay Kim. "Wala akong pakialam kung itaboy niya ako o kung ano man ang sabihin niya kasi hindi naman kami close. Walang masisirang friendship," sabi mo ng may nakakalokong ngiti.
Alam ng kaibigan mo na hindi ka magpapatalo kaya sa huli ay nagpasalamat na lang siya sayo at hinayaan ka. Pagkatapos mong magpaalam ay umalis ka na rin.
Habang nagmamaneho ka ng iyong sasakyan papunta sa address na ibinigay sayo ni Kim ay hindi mo mapigilan ang makaramdam ng kaba. Kinakabahan ka dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na makikita mo si Alyssa Valdez pagkalipas ng limang taon.
Limang taon.
Limang taon na simula ng maaksidente si Alyssa at ang buong pamilya niya. Isang aksidente na kumitil sa buhay ng lahat ng mahal sa buhay ni Alyssa. At kahit nakaligtas man si Alyssa, tinapos na rin ng aksidenteng iyon ang career nito. Paralisado na ang mga paa nito. Simula noon ay nilisan na ni Alyssa ang mundo ng volleyball at piling mga tao na lamang ang nakakabisita dito.
Hindi mo alam kung paano mo haharapin si Alyssa. Hindi mo alam kung paano ito pakikitunguhan. Kahit na sinabi mo kay Kim na wala kang paki sa kung ano mang mangyari ay natatakot ka pa rin. Natatakot kang magkamali.
Dahil sa hindi mo maipaliwanag na dahilan ay gusto mo siyang makita. Gusto mo siyang kumustahin. Hinihiling mo na sana ay mabuti ang kaniyang kalagayan.
Hindi mo na lang namalayan ay nakarating ka na. Nabigla ka sa ganda at pagkasimple ng bahay sa harap mo.
Kulay puti na may dalawang palapag ito at malawak na garden. Nang papasukin ka sa loob ay nabighani ka pa rin ng simpleng interior design kahit na mukhang malungkot ito sa sobrang pagkasimple. Walang buhay. Puti ang mga dingding at ang mga kagamitan ay puro dark colors.
"Nasa taas po si Ma'am Alyssa," sabi ng isa sa nakakatandang kasambahay ni Alyssa.
Nasabi na kasi ni Kim sa mga ito na darating siya.
